"Nakatulog ka ba kagabi?" Tanong ko sa kaniya dahil palagi siyang pumipikit-pikit na para bang inaantok na siya. Humikab ako, talagang kailangan ko pang matulog ng mas matagal.
"Oo... sandali lang nga kasi natatakot akong matamaan ang mga sugat mo. Mahirap na... baka sapakin mo na lang ako bigla." Sagot niya na siyang ikinatawa ko. Gamit ang sandok ay sinalinan ko ng sopas ang kaniyang mangkok at inabot sa kaniya 'yon.
"Malaki naman ang kama, hindi mo naman siguro ako matatamaan, unless... malikot ka matulog." Pagbibiro ko sa kaniya. Ngumuso siya at kinamot ang kaniyang batok. "Kumain ka nga lang, damihan mo na ang kain mo, baka hindi na naman tayo pakainin nung mga gago'ng 'yon mamaya ng tanghalian."
"Yakie... tanghali na. Ala una na oh." Turo niya sa orasan. Napaamang ako dahil ala una na nga. Sinipat ko ang orasan at nakita ko namang gumagalaw naman iyon, hindi naman siya sira.
"Ang tagal ko palang natutulog?" Tanong ko sa kaniya. Tumango siya bago siya humigop ng sabaw. "Bakit ba kasi hindi mo ako ginising kanina? Nag-almusal ka ba?" Tanong ko pa sa kaniya. Tumango-tango lang siya, hindi ko alam kung seryoso ba siya sa mga sagot niya o pinagtitripan niya lang ako. "Nako, Ji... Sinasabi ko talaga sa 'yo! Kapag ako... hmm!" Kulang na lang at tuktukan ko.
"Oo nga kasi! Binigyan ako nung isang nakablack ng biscuit. Sa 'kin lang daw 'yon kaya hindi na kita ginising." Sagot niya kaya sinamaan ko siya ng tingin mo. Umawang ang labi niya saka niya ikinrus ang mga kamay niya. "Mali ka ng iniisip, Yakie! Hindi kita ginising dahil alam kong kailangan mo pang magpahinga ng maayos. Sinubukan ko naman pero panay ang 'five minutes pa... inaantok pa 'ko e.'" Panggagaya niya sa boses ko. Napangiwi na lang ako.
"Huwag mo akong asarin ng ganiyan, Kenji. Babawi talaga ako kapag may lakas na ako!" Pagbabanta ko sa kaniya. Napalunok naman siya. "Kumain ka na lang d'yan. Kung gusto mo, ubusin mo na lahat. Kahit kaunti lang sa akin pwede na." Nahihirapang saad ko.
Hindi ko rin kasi malunok ng maayos ang kinakain ko. Bukod sa nahihirapan akong gumalaw, parang pati ang dila at lalamunan ko ay mayroong sugat. Ang sabaw ay gumuguhit sa lalamunan ko, masakit pero tinitiis ko. Mainit pa naman 'yung sabaw. Pinanood ko na lang si Kenji na kumain. Halatang gutom na gutom nga siya ngayon. Hindi na naman kasi siya nakakain kagabi.
Pagkatapos naming kumain ay ako na ang nagprisintang hugasan ang mga pinagkainan namin sa banyo. Buti na lang talaga at malinis doon, may kaunting sapot lang at alikabok pero keri na. Mabigat ang mga paggalaw ko, mayroong tubig doon ngunit walang sabon kaya tatlong beses ko na lang binanlawan ang mga iyon. Tinago ko na lang sa may kabinet ang mga pinagkainan namin para hindi na lang makita ng mga tauhan ni Dominic kapag pumasok sila rito.
Naghilamos na rin ako. Nakainom na ako ng gamot, iyon ang binigay ni Kuya Charles, hindi naman siguro niya ako lalasunin gamit ang gamot, hindi ba? Mukhang galing pa sa pharmacy 'yun dahil mayroon pang resibo ang maliit na paperbag. Pagkalabas ko ng banyo ay nakita ko na si Kenji na nakahilata sa kama at mahimbing ang tulog. Napailing na lang ako. Mukhang hindi talaga siya nakatulog kagabi.
Kinuha ko ang isang upuan at pumantay sa bintana. Hinawi ko ang kurtina ngunit ganoon na lang ang gulat ko nang makitang purong salamin lang ang narito, walang buksanan, mayroon ding mga metal bars na nakaharang kaya kahit basagin namin ang glass na ito, hindi rin kami makakatakas. I smiled, puro puno lang ang nakikita ko kaya hindi masyadong nasisinagan ng araw.
Kunwari ay hinagkan ko ang mga puno kahit sa salamin lang na ito. Ang preskong tignan ng mga punong ito, mga pawang nagsasayaw sa hangin at mabunga iyon. Mayroong mga bulaklak din sa ibaba. Kinagat ko ang ibabang labi ko. Kung... kung wala siguro ako sa kwartong ito ay malamang ay naakyat ko na ang punong iyon para kumuha ng mga bunga. Nanggilid ang aking mga luha.
YOU ARE READING
Unexpected Classmates in Twenty Third Section || Part 2 (The Gloom Side)
Teen FictionPaano nga ba nagtagal ang mga estudyanteng iyon sa isang silid na puno ng tawa, aksyon, galit at inis? Magpapatuloy ba ang kwento nila ng masaya o may darating pang mga 'bisita'? Pa'no kung binalikan sila ng iba, kakayanin pa kaya nila? O susuko na...
Chapter 247
Start from the beginning
