Kahit na anong sama ng loob ko, kapag sinabing may pagkain, tatakbuhan ko 'yan, mamaya ko na lang ulit iisipin yung sama ng loob ko.
Mas nakakasama ng loob kapag hindi ako tinirhan ng ulam.
Kinuha ko na lang yung tsinelas ko sa ilalim ng kama ko bago ako lumabas ng kwarto ko. Saka ko na lilinisin yung ilalim ng kama ko na puno ng balat ng chitchirya, nag-eenjoy pa yung mga langgam.
"Ang bango naman. Ano pong niluto niyo?"
Sininghot-singhot ko ang hangin dahil papunta pa lang ako ng dining area ay amoy na amoy ko na yung niluto ni mommy. Parang ngayon ko pa lang 'to naamoy, sigurado akong masarap 'yon.
Umupo ako sa pwesto ko kung saan katabi ko si Kio. Hindi ko naman siya kinibo gaya ng madalas kong ginagawa nung nakalipas na araw.
May ice cream sa harap niya. Gusto kong manghingi kaso naalala ko, galit-galit pa muna kami ngayon. Salubong pa naman ang kilay niya, mukhang badtrip siya. Ayaw ko na lang kausapin, baka bigla na lang niya akong dagukin.
"Potchero! Ngayon ko lang naalala na matagal na pala akong hindi nakapagluluto nito!"
Inilapag ni mommy ang hawak niyang lalagyan ng ulam. Puting porselana na 'yon, nakakatakot hawakan, baka kapag nabasag ay palayasin na lang ako ni mommy, mahal pa naman niya yung mga kaldero at mga lalagyan ng ulam.
Ngumiwi naman ako ng makita ko siyang tulala habang may malaking ngiti sa mukha niya. Tumatabingi pa ang ulo niya at namumula ang mukha, may pinapantasya siguro siya.
Sigurado akong yung mga napapanood niya nananaman ang mga 'yon. Akala mo ay teenager kung kumilig sa mga artistang pipitsugin e.
Hindi naman sila gwapo, mas gwapo pa rin si Kay— daddy! Si daddy.
"Potchero? Parang ngayon ko pa lang po narinig 'yon."
Mukha namang masarap, marami ang gulay, kulay pula ang sarsa at kahit hindi ko pa natutuhog alam ko nang malambot na malambot yung baboy! Hindi naman siguro mauubos ang kanin kung dadagdagan ko ang kakainin ko ngayon 'no?
"Bata ka pa lang nung huli akong nagluto niyan. Ang hirap kasing gawin tsaka masyadong marami ang ingredients."
Tumango na lang ako kay mommy. Sa tingin pa lang ay alam ko na napakarami ng inilagay na sahog sa niluto niya. Sa restaurant niya ay hindi siya nagrereklamo pero rito sa 'min... hays!
Kumuha na lang ako ng pagkain ko, sayang naman ang oras kung papalipasin ko lang 'yon dahil sa kakaisip. Mas mabuti ng ilagay na lang sa tyan.
"Yakiesha, nahanap mo na yung hinahanap mo?"
Tanging pagtango lang ang sinagot ko sa kaniya at kinamot ko ang batok ko. Hinahanap ko kasi nung isang araw yung shorts na binigay sa 'kin ni Trina. Suotin ko raw 'yon, baka sakaling maging babae raw ako.
Ano ako sa tingin niya? Lalaki? Tomboy?
"Mabuti naman. Para kang tanga kasing gumagapang sa sahig mula pa nung isang araw." Tumawa pa siya.
Kinuyom ko ang mga palad ko. Ang sarap niyang sapakin ngayon dahil sa pang-aasar niya. Kung tinulungan niya na lang sana ako sa paghahanap, edi sana nakita ko agad yung bwisit na shorts na 'yon.
Kung dati ay naghahampasan kami kapag inaasar namin ang isa't isa, ngayon ay hindi na. Pinaningkitan ko lang siya ng mata pero wala akong balak na gantihan siya.
Sigurado akong tapos ang warla.
"Nag-aaway ba kayo?!"
Nasamid naman ako dahil sa tanong ni Aling Soling na 'yon. Kaagad akong uminom ng tubig bago pa pumunta sa ilong ko yung butil ng kanin. Hindi ko na napigilan ang sarili ko na humikab dahil sa dami ng nainom ko.
YOU ARE READING
Unexpected Classmates in Twenty Third Section || Part 2 (The Gloom Side)
Teen FictionPaano nga ba nagtagal ang mga estudyanteng iyon sa isang silid na puno ng tawa, aksyon, galit at inis? Magpapatuloy ba ang kwento nila ng masaya o may darating pang mga 'bisita'? Pa'no kung binalikan sila ng iba, kakayanin pa kaya nila? O susuko na...
Chapter 131
Start from the beginning
