Hindi pa naman alam ni Madison ang nangyari at parang hindi ko pa kayang sabihin sa kaniya dahil sariwa pa masyado... masakit ang nangyaring iyon, ayaw ko munang buksan.

Akmang lalampasan ko na si Xavier nang humarang siya sa daan. Nakita ko ang pamumuo ng luha niya sa gilid ng mata niya. Walang emosyon ko siyang tinignan.

"Shikainah..." Tawag niya, nagbalak siyang hawakan ang kamay ko pero kaagad kong iniwas iyon. " Shikainah... huwag namang ganito." Pagmamakaawa niya.

"Ano ba iyong 'ganito' na sinasabi mo?" Malamig na sagot ko sa kaniya.

Bawat oras makita ko ang mukha niya ay sumisikip ang dibdib ko. Nasasaktan ako. Iyon ang mukhang minahal ko pero iyon din ang mukhang nanakit sa akin.

Pilit na kumakawala sa akin ang matinding emosyon pero pinigilan ko iyon, ayaw kong makita niyang apektado ako sa nangyari pero iyon naman talaga ang totoo.

"Huwag mo naman akong iwasan... huwag mo namang gawin ang ginawa mo dati, nasasaktan na ako." Sambit niya tsaka tumulo ang luha.

Nagmatigas ako. "Nung mga panahon bang hinahalikan mo si Audrey naisip mo na masasaktan ako?" Tanong ko, agad na nag-init ang mata ko at nanggilid kaagad ang luha ko.

"Shikainah... hindi ko sinasadya yung nangyari, lasing ako nung mga oras na 'yon!" Nagulat ako dahil sa pagtaas bigla ng boses niya.

"Kahit na lasing ka pa, may isip ka pa rin noon. Ano, nagkaamnesia ka dahil sa alcohol?" Sarkastikong sabi ko at agad na pinaalis ang luhang kumawala sa mata ko.

Pesteng luha 'to! Kahit anong gawin ko, ayaw tumigil. Parang gripo kung tumulo.

"Maniwala ka naman sa akin, h-hindi ko sinasadya ang lahat ng iyon."

Tumawa ako ng sarkastiko. "Hindi sinasadya pero ilang beses na naulit. Grabe naman iyang hindi sinasadya."

Totoo iyon dahil may nagsend sa akin ng mga pictures nila ni Audrey. Mayroon sa room namin kung saan magkayakap sila. Mayroong picture nila kung saan nasa library sila, nakaakbay si Xavier sa higad.

Hindi ko na mapigilan ang sarili kong magsabi ng kung ano-ano dahil kagaya ni Vance ay kinamumuhian ko na rin ang babaeng walang ibang ginawa kung hindi ang paghiwalayin kami ni Xav.

Mayroon pa ngang picture kung saan nasa bench sila, dinala niya ang babae sa lugar na pinakaimportante sa akin, doon sila naghalikan, hawak ni Audrey ang mga kamay ni Xavier na nasa pisngi niya, halatang palihim ang pagkuha ng letrato dahil sa kalahati lang ang kita doon.

At ang huli ay ang picture nila sa parking lot, nakasandal si Audrey sa isang kotse at hinahalikan siya ni Xavier sa pisngi.

Ngayon niya sabihin sa aking aksidente o hindi sinasadya ang lahat! Ilang beses na naulit tapos hindi sinasadya? Siraulo lang.

"Wala ako sa katinuan no'n... inakit niya ako." Aniya agad na dumapo ang palad ko sa pisngi niya.

"Wala akong pakealam! Bakit ba nandito ka pa? Bakit hindi mo pa puntahan si Audrey?" Malamig na tugon ko sa kaniya.

"Ayaw ko sa kaniya, ikaw ang mahal ko... patawarin mo naman ako!" Lumuhod pa siya sa akin.

"Hindi pa ngayon... hindi na." Sambit ko tsaka umalis at iniwan siya roon.

Sunod-sunod na tumulo ang luha ko habang naglalakad ako. Bakit ba ganito kasakit? Hindi ba pwedeng magmahal na lang at hindi na masaktan?

Kasama ba ng pagmamahal ang sakit? Combo ba sila o pares? Sabi nga nila, ang pagmamahal kayang bumuo ng isang masayang alala pero kaya rin nitong durugin ka.

Unexpected Classmates in Twenty Third SectionWhere stories live. Discover now