Ngayong Wala ka na

630 8 0
                                    

Ngayong wala ka na

by aeiouxz

Ngayong wala ka na,

Pag-ikot ng mundo ko’y tila tumigil na.

Ngayong wala ka na,

Wala nang silbi itong nadarama.

Sino na’ng magpapangiti sa tuwing ako’y nalulungkot?

Sino na’ng magpapawi ng dinadalang kirot?

Malulunod na lang sa pagluha kahit wala nang mailuha,

Mapatid man ang hininga’y wala nang mag-aaruga.

Tinatanaw sa mga ulap ang iyong maamong mukha,

Tila hindi na sisilayan ng mga awit at tula.

Bumubulong sa hangin, pagsuko ang nakuha,

Magwala man at mangwasak, wala na ‘kong magagawa.

Mga sinayang na oras na sana’y minahal kita,

Ngayo’y isang bangungot na sa aki’y nagpapahina.

Nauupos na kandilang nababalot ng sumpa,

Mga boses na nakatatakot pumipitik sa gunita.

Dapat pala’y hindi na kita nilisa’t iniwang mag-isa,

Ni walang pasabing lalayo, pagka’t ating puso’y hindi na magkatugma.

Ang inaakalang mitsa ng kalayaang nais makuha,

Ay siya palang tulay sa iyong pagkawala.

Bakit sinta ko, bakit mo iyon nagawa?

O kay laking panghihinayang, o kay laking pagkakasala.

Nasaan ka man ngayo’y maging masaya ka  sana.

Samantalang ako’y nagdurusa’t lumuluhang mag-isa.

Mga Tula ng Isang ManhidTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon