Patawad Ina

1K 8 2
                                    

Patawad Ina

by aeiouxz

Alas kuwatro ng umaga

Magsisimula na siyang magtanghal.

Isang disenyong ipinipinta,

Mga mukhang nakatawa.



Mag-iisip, mag-iinat..

Ngingiti't magbubuhat.

Panibagong pahinang pupunan,

Sisimulan sa masarap na agahan.



Sa bawat araw ang pagmasdan siya'y isang magandang palabas.

Umaawit, sumasayaw habang siya’y naghuhugas.

Gumigising gamit ang sermong malakas,

Kay uma-umaga, bibig niya’y anong talas!

Wala siyang ibang hinangad

Kundi tayo’y mapabuti.

Kahit katawan, sa init ay mababad,

Tayo lang ay mapalaki.

“Anak ika’y mag-ingat sa iyong paglalakbay.

Huwag kang gagawa ng iyong ikasasama’t

Isang libong beses na isipin bago gumawa ng mga bagay.”

Hindi ba’t iyan ay madalas sabihin ng ating mga nanay?

Nang ika’y lumaki na at nagkaisip,

Pag-aalala sa mukha niya’y iyong mababatid.

Natatakot na ika’y magkamali’t sa kanya’y makalimot,

Madalas sa gabi’y puyat sa kahihintay sa anak na nakikihamok.

Bawat araw na lumilipas,

Para siyang nauupos na kandila.

Amoy lupang katawa’y nawawalan ng lakas,

At kumukulubot ang mukha.

Ang bawat pagdabog at hindi pagsang-ayon,

Sa kanya’y labis na sakit ang naidudulot,

Lihim siyang maiiyak bago pa matulog,

At paggising sa umaga’y  ngiti pa rin ang sa iyo’y isasalubong.

Hindi mo man batid na sa bawat araw na binabaliwala siya.

Dulot nito’y daig pa ang pinakamatinding sakit na maaaring dumapo sa kaniya.

Nagtitiis lang siya at laging umaasa,

Na sana isang araw, sabihin mong “Inay, Mahal Kita!”

“Balang araw anak, maiintindihan mo rin.

Pag naging magulang ka na’y mauunawaan mo rin.

Huwag mo lang sanang madanas ang lahat ng naranasan ko sa’yo.

Dahil  takot akong isiping sa pagpapalaki ko sa’yo, ako’y bigo.

Konting oras na lang at hindi na kita aabalahin pa.

Ilang saglit na lang at hindi na ako magiging pabigat pa.

Asahan mo anak, sa huli kong buntong hininga,

Wala akong ibang wiwikain kundi ang “Mahal na mahal kita!”

Mga Tula ng Isang ManhidTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon