KAYA MO BANG LUMIPAD?

1.4K 25 14
                                    

KAYA MO BANG LUMIPAD?

by supladongtorpe09

Kawangis  mo’y ulap sa panahon ng  taglagas,

Mapanglaw ang iyong mukha’t tila lagging umiiyak.

Ayaw mo na’t sumusuko, ang iyong  katawa’t utak,

Pero nagtataka kung bakit ang puso’y patuloy na nangangarap.

Ika’y katulad ng ulan sa panahon ng tag-init.

Mahirap kang masumpungan at kung mapagmasda’y malimit!

Iniinda mo ang hirap, kasawia’t pasakit,

Ay pilit mong iwinawaksi ngunit bakit laging  dumidikit?

Ikaw ang talang hinahanap sa gabing maulap.

Pinipilit mong magningning ngunit  nawawalan ng kislap!

Nais mong umangat, tingalai’t sumiklab,

Ngunit ika’y nahuhulog at sa lupa’y lumalagapak!

Ikaw ang araw na hinahangad sa panahon ng daluhong,

Pinipilit mong sumikat ngunit sa kawalan humahantong.

Lumiliwanag ka ngunit natutuyuan ng balong,

At laging  nasa ilalim kahit bilog ang gulong!

Sumusuko ka na’t ayaw nang lumaban,

Naglalakbay ka ngunit napapadpad sa kawalan!

Bumabangon ka ngunit muling tinapakan!

Ginawa mo na ang lahat ngunit wala ring napuntahan!

Lagi ka na lamang bang mahuhuli’t iiyak?

Pagmamasdan mo na lang bang lagi ang mga luhang pumapatak?

Bakit di mo subukang ibuka ang pakpak,

At sa kalawakan ng ulap ay muling lumipad!

4-12-13

Mga Tula ng Isang ManhidTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon