PAGPAPAKASAKIT

20.2K 280 123
                                    

Pagpapakasakit

  I

Aling pag-ibig kaya ang mas nakahihigit?

Sa pagpapakatanga at pagpapakasakit

Para sa isang taong tapat na iniibig,

At pinag-aalayan ng  kaniyang daigdig.

 II

Ang tunay na pag-ibig ay hindi masusukat

Sa ‘sang huwad na ginto at kalawanging pilak

Ni hindi mahahanap sa lakang nagpapanggap

Kundi nananalaytay sa luhang pumapatak.

 III

Kapag ang iyong puso’y natuto nang magmahal

Hindi mapipigilang ika’y magpakahangal.

Iaalay ang lahat buhay pati dangal,

Para lamang sa kanyang tunay mong minamahal.

 IV

Ang bawat sandali na iginuhit sa palad,

Nadarama ng puso ay langit ang katulad,

Ngunit pa’no kung siya ay hindi naging tapat,

Magagawa pa kayang pag- ibig’y ipaglaban?

 V

Mga katoto, payo ko’y inyong pakinggan.

Nang ‘di mo maranasan sakit ng kabiguan.

Minsan na ring umibig ang aking pusong hangal

Sa isang taong manhid at walang pakialam.

 VI

Pag nagmahal ka huwag mong ibigay ang lahat.

Dapat iyong tama lang at sa tingin mo’y sapat.

Pagkat ‘pag s’ya’y nawalat hindi mo na masipat,

Ika’y masasaktan at puso’y parang sinibat.

 VII

Kung nararamdaman mong napapagod na siya,

Hayaan mo muna s’yang lumayo’t mapag -isa.

Nang s’ya’y makapag -isip at nang makapagpasya

Kung ang inyong pag-ibig, ipagpapatuloy pa.

 VIII

Ngunit gayunpama’y ipaki ta mo ang lahat

Ng iyong pagmamahal at mga pagsisikap

Ipakita mong ikaw ang karapatdapat

Sa kaniyang pag- ibig na ‘yong pinapangarap.

 IX

Kung minsa’y kailangan nating magpakababa,

Upang ang sinseridad ay kaniyang madama.

Paa’y panatilihing nakatapak sa lupa,

Nang magkabilang dulo’y palaging magkatugma.

 X

Ilan lamang ito sa mga dapat nating gawin.

Upang pagmamahala’y palagi ninyong angkin

Sakaling dumating ang sanlibong tiisin,

Mananatiling buhay ang inyong paglalambing.

 

***

Ang tulang ito ay may lalabing-apating pantig. :)

Mga Tula ng Isang ManhidTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon