Chapter 19

4.8K 87 0
                                    




"Patapos ka na?"

Nilingon ko si manang. Nakangiti siya sa akin pagkatapos ay nilapitan ako. Naglalagay na ako ng mga iniluto ko sa lalagyanan. Inaayos ko rin ang plating. Kahit papaano ay may alam naman ako kung paano mapaganda sa paningin ang mga pagkain.

"Wow, mukhang masarap lahat," sabi ni manang.

Itinaas ko ang aking hintuturong daliri at ang isa ko naman na kamay ay nasa aking baywang.

"Oops, manang, bawal sa 'yo ang sisig at ang seafood. Kalaban ang mga pagkain na iyan sa 'yo. Highblood ang aabutin mo, itong spicy chicken barbeque ang sa iyo, hindi ito masyadong maanghang," sabi ko.

Sinimangutan ako ni manang at pinitik ang aking ilong. Natawa naman ako sa reaksyon niya. Nang matapos ko ang paghahanda ng mga pagkain ay kumuha ako ng chicken barbeque sa kawali. May natira pa kasi doon. Inilagay ko sa isang plato at pinatikim kay manang.

Patingin-tingin ako sa aking kaliwa, baka mamaya ay bigla na naman sumulpot ang aming boss. Nakakagulat iyon parang kabute.

"Ang sarap! kaya nawiwili si sir dito kumain sa bahay ay masasarap ang mga luto mo. Simula nang ikaw ang ma-assign sa kusina ay palagi na siyang kumakain dito sa bahay, iyon ang napansin ko."

Naku si manang... pinapalakas ang loob ko. Eh, tatlong araw ngang nawala iyong si Rozzean.

"Hindi nga, manang? madalas ba talaga na sa labas kumakain si sir?" tanong ko.

Kausap ko siya habang nagpupunas na ako ng lababo. Nililinis ko na rin ang mga pinaggamitan ko. Sandali akong tumingin kay manang habang siya ay kumakain.

"Oo nga, hindi ako nagbibiro. Totoo ang sinabi ko. Madalas siyang kumain sa labas at madalang dito kumain. Kahit iyong mga guard natin sa labas ay nagustuhan ang mga iniluto mo."

Mabuti naman kung ganoon. Napangiti ako sa mga narinig kay manang. Simula kasi nang bumukod na ako ng bahay ay wala akong nariringgan ng tungkol sa pagluluto ko dahil mag-isa lang naman ako. Pero dati, madalas puriin ng mga kuya ang luto ko, kaso ngayon, may kaniya-kaniya na silang pamilya kaya't madalang kaming magkasama-sama sa bahay nila Daddy para kumain.

Naupo ako sa tapat ni manang nang matapos ako sa mga ginagawa ko. Hinihintay na lang namin ang sasabihin ni sir kung saan ihahanda ang mga pagkain. Hanggang ngayon kasi ay nasa taas pa siya. Tumingin ako sa orasan at nakita kong sampung minuto na lang bago mag ala una.

Napatingin ako sa seafood, natuon ang pansin ko sa tahong. Napalabi akong bigla nang maalala ang sinabi kanina ni Rozzean.

Ang damuho ngumisi pa. Alam ko ang ibig niyang sabihin don. Dalampu't siyam na taong gulang na ako. Hindi pa nga ako nagkaka-boyfriend at wala pang mga first-first na iyan sa relasyon pero alam ko ang mga ganoong linyahan.

"Kumakain ako ng tahong, Tali."

Ang tanong, sa seafood ano kaya ang paborito niya?

Tahong?

Ay, litsi.

"Tali? bakit ngumingiti ka diyan? wala naman akong sinasabi," sabi ni manang.

Napapikit ako sandali at napapakamot sa likod ng aking tainga nang magsalita si manang. Bwisit talaga, puro na lang imahe ni Rozzean ang pumapasok sa isip ko. Hindi na ako natutuwa. Baka mamaya sa kung saan mapunta ito.

"Oh, namumula naman ngayon iyang mukha mo, ayos ka lang ba?" tanong ni manang, tumingin siya sa gilid ko, "pati ang mga tainga mo ay namumula."

"A-Ay, ayos lang po ako, manang. Huwag po kayong mag-alala. Normal lang po ito."

The Billionaire's PlaymateTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon