123 "The struggle and the success"

45 4 0
                                    

Post taken from//Fb page: FEU Secret Files

The struggle and the success.

Isa din ako noon sa tipikal na estudyante kagaya ng marami sa inyo na umaasa sa pagpapa aral ng magulang. Umaasa sa baon. Pero ako, inaasa ko lahat sa kanila. May kaya ang pamilya namin. Kumakain ng higit tatlong beses isang araw. Kahit kailan, hindi naging problema ang pera. Lahat ng luho ko noon nasusunod. Konting tampo lang sa magulang ko, hindi nila ako natitiis. Masasabi kong, masaya at higit pa sa maginhawa ang buhay ko noon. Pero nag bago yun nang dumating ang araw na halos masira ang pagkatao ko.

Nagkasakit si Papa. Cancer of the lungs. Napilitan siyang tumigil sa trabaho bilang seaman. Naospital siya. Sa laki ng gastos sa ospital, halos lahat ng ari arian namin ay nabenta. Si mama problemadong problemado sa pera na kasalukuyang may sakit din na highblood at diabetes ng panahon na yun. Hindi nag tagal, pumanaw din si papa. Depress na depress ang mama ko hindi lang dahil nawala si papa kundi dahil narin sa dami ng pag aaring nabenta.

Yung buhay kong maginhawa noon, nawala. Natuto akong kumain ng gulay, ng isda na noon inaayawan kong kainin. Natuto akong mag tipid. Natuto akong pigilan ang sarili kong bumili ng mga bagay na gusto ko. Naranasan kong matulog ng walang kuryente. Naranasan ko ng magutom.

Wala pang isang taon na nawala si papa, sumunod narin si mama. Basta isang umaga nalang ang dumating na hindi na siya nagising.

Bilang panganay, napunta sakin lahat ng obligasyon at responsibilidad. Buti nalang nga ay may naiwang isang bahay na paupahan na napagkukunan namin ng pang gastos. May nakababata akong kapatid na dalawang taong mas bata sa akin. Grumaduate ako ng highschool na walang nag sabit sakin ng medalya. Wala kaming malapit na kamag anak at kung meron man, hindi ko na sila kilala.

Noong mag co-college na ako, hindi ko alam kung saan kukuha ng pera. Sinubukan kong mag apply. Sinubukan kong mag lakad ng napaka layo dahil sakto lang ang pamasahe. Gutom. Pagod. Hirap na hirap. Pero umuwi akong masaya dahil natanggap ako bilang crew ng isang fast food chain.

To make the long story short, nakapag aral ako sa FEU bilang scholar habang nag tatrabahong crew. Ni minsan hindi ko naisip noon na magiging ganun ang trabaho ko. Dating customer, naging taga linis at utusan nalang. Pero dahil dun, napagtapos ko ng highschool ang kapatid ko at natustusan ko ang kolehiyo ko. Hindi ko ikinakahiyang naging ganun ako. Ilang taon ang lumipas, mag ko-kolehiyo na ang kapatid ko kaya kinakailangan ng mas malaking pera. Sinubukan kong makipag sapalarang mag apply sa call center. Natanggap ako.

Pinapag-aral ko ang kapatid ko habang pinagsasabay kong mag trabaho at mag aral. Inggit na inggit ako noon sa mga kaklase ko na walang problema kagaya ng dinadala ko. Dalawang oras lang noon ang tulog ko araw araw. Madalas nahihilo at sumasakit ang ulo pero hindi dapat indahin. Kailangang mag trabaho.

Ngayon, graduate na ako at ilang taon nalang ay makakatapos narin ang kapatid ko na scholar din sa UST. Hindi narin ako isang simpleng call center agent kundi isa na akong Manager sa call center na pinag tatrabahuhan ko noon.

Naging mahirap ang buhay para sakin pero hindi ko inisip na sumuko. Hindi ko kailanman inisip na imposible kaya nagawa ko. Sa mga estudyante ngayon, sana maging inspirasyon ang kwento ko para hindi nyo balewalain ang paghihirap ng magulang niyo. Mahirap. Sobrang hirap.

Allen
200x
Institute of Accountants, Business and Finance (IABF)
FEU Manila

ConfessionsWhere stories live. Discover now