May kumatok sa pinto at napalabas ako sa kwarto ko para silipin kung sino iyon. Nakita ko ang isang batang babae na may kasamang lalaking naka-puting uniporme sa tapat ng pinto. Napahinga ako nang malalim at pinagbuksan sila.


"Hello, my dearest cousin," sabi niya saka diretsong pumasok sa loob ng unit ko.


Nanatili sa labas ang kasama niyang bodyguard. Tinignan ko si Millie at muling napansin ang suot niya. White sleeveless mini dress, black stockings at ankle boots. Meron siyang suot na headband na may tenga ng pusa.


"Millie, may kailangan ka ba?"


Umupo siya sa sofa at tumingin sa paligid niya. Kailangan kong ipaalala sa sarili ko na isa lang siyang ten years old na bata. Pero hindi talaga maiwasan na maramdaman na parang superior ko siya.


"Bawal ba akong mangumusta?" tanong niya saka ako tinapunan ng tingin.


"Hindi naman," lumapit ako sa mini ref na iniregalo niya sa akin. "Ano ang gusto mong inumin?"


"Don't bother," sagot niya saka tumayo at tumingin sa loob ng kwarto ko. Mukhang iniinspeksyon niya iyon. "Hmm."


"Alam ba ng Mama mo na pumunta ka rito?"


"Nasa Japan sila ngayon ni Papa. At kahit na nandito pa sila, hindi na nila kailangan pang malaman na pumunta ako rito. Mag-pinsan tayo, normal lang naman na dalawin kita paminsan minsan, diba?"


"Sinasabi mo 'yan pero..." Nag-alala ako dahil siguradong ako ang mapapagalitan ng mga magulang niya kapag nalaman nilang pumunta siya rito.


"May escort ka na ba sa sabado?" tanong niya na ikinagulat ko. Tumingin siya sa loob ng banyo. "Hmm."


Umupo ako sa sofa. "Huh? Escort para saan?"


Bumalik sa akin ang tingin niya. "Hindi mo alam?"


"Sinabi sa akin ni Gio kahapon—"


Sumeryoso ang mukha niya. "Sinabi sa iyo ni Giovan?"


"Sinabi ko na sa kanya na hindi ako pupunta sa party."


Tinitigan niya ako. "Sinabi mo 'yan kay Gio?" mabagal niyang tanong.


Nagulat ako sa uri ng tingin na ibinibigay niya sa akin. Para bang may ginawa akong hind ko dapat na ginawa.


"Oo."


Napahawak siya sa noo niya. "How cruel, Janin. And to think na ikaw ang nag-iisa niyang kapatid. I feel sorry for him."


"Millie, busy ako ngayon. Yan lang ba ang sinadya mo rito?"


Dear Ex-BoyfriendWhere stories live. Discover now