Janin

81.4K 2.7K 977
                                    

Janin


Ilang oras matapos umalis ng bahay ni Dylan, nakatanggap kami ng tawag mula sa isang ospital. Dahil doon ay mabilis na natapos ang party at kaagad kaming sumakay sa kotse upang puntahan siya.


Hindi mawala ang tensyon sa loob ng sasakyan habang nasa byahe kami. Parang naulit ang nangyari noong nagkaron ng insidente sa bahay nila.


"Diyos ko, ang kuya mo talaga! Ang batang 'yon, kalalabas lang ng ospital, napasok na naman. Ano kaya ang nangyari sa kanya?" kinakabahan na sabi ni Tita.


"Honey, relax lang," sabi ni Tito.


"Ang batang 'yon, palaging napapahamak. Malalapitin sa disgrasya. Aatakihin ako sa puso sa mga ginagawa niya. Bakit ba siya lumabas nang ganitong oras?"


Huminto ang kotse sa tapat ng ospital.


"Susunod ako sa inyo, ipa-park ko lang itong kotse," sabi ni Tito.


Pamilyar na amoy ng ospital ang bumati sa amin pagkapasok namin sa loob. Amoy ng naghalong mga gamot at panglinis.


Nagtungo kami sa lugar na itinuro sa amin ng nurse kung nasaan si Dylan. Sabay na naglalakad sina Tita at Kayleen. Magkahawak sila ng kamay at halata ang pag-aalala nilang dalawa. Ako naman ay nanatili sa likod nila at nakasunod lang.


"Nandon si Kuya, Mama," bulong ni Kayleen na nakaturo sa isang direksyon.


May nakalinyang mga kama sa harapan namin. Ang tanging harang sa mga pagitan ng mga kama ay ang mga kurtina.


Una kong nakita ang pamilyar na lalaking kausap ni Dylan. Nakaupo silang dalawa sa isang kama, may benda na nakabalot sa dibdib ni Dylan. Agad na kumunot ang noo ko. Bigla akong kinabahan. Bakit sila magkasama? Ano ang nangyari?


"Astig! May tahi pala ang dibdib mo. Masakit ba?"


"Hindi," sagot ni Dylan. "Parang ito lang."


"Hardcore, pare!"


"Dylan!" tawag ni Tita nang makalapit na kami.


Kaagad naman na napatingin sa amin si Dylan at halatang nagulat. Napababa siya sa kama at tumayo nang maayos sa harap namin. Halata ang kaba sa mukha niya.


"M-Mama, ano po ang ginagawa ninyo rito?"


"Tinawagan ako ng doctor mo. Ano na naman ba ang pinasok mong bata ka?" tanong ni Tita na nakalagay sa magkabilang bewang ang mga kamay. "Ano ang nangyari dyan?"


"Mama..."


"Mama mo?" tanong ni Yohan kay Dylan. Tumango si Dylan na hindi inaalis ang tingin kay Tita. "Astig. Hello po Tita. Kamukha nyo po si Dylan."

Dear Ex-BoyfriendTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon