Janin

160K 4.4K 651
                                    

Janin


Hanggang sa matapos ang shift namin, pinag-uusapan parin nila ang tungkol sa multo sa eleventh floor. Kung multo ba talaga na matatawag 'yon. Dalawang araw nalang matatapos na ako sa OJT ko. Hindi ko parin naaasikaso kung saan ako maghahanap ng part-time job.

Bumaba ako sa jeep na sinasakyan ko nang tumigil ito malapit sa apartment complex na tinitirahan ko. Nagpalipat ako sa first floor para kay Sirius. Atleast makakapasok sya sa loob ng kwarto ko kung nasa unang palapag lang ito. Pinagawan ko na rin sya ng dog house, mabuti nalang pumayag ang land owner.

"Sirius," tawag ko sa kanya. Sa mga ganitong oras dapat sinasalubong nya na ako pero ngayong gabi absent sya.

Napatigil ako sa paglalakad nang may makita akong lalaki na nakaupo malapit sa bahay ng alaga kong aso. Nakatalikod sya sa akin. Doon lang ako napansin ni Sirius na mukhang gustong gusto ang lalaking humihimas sa ulo nya. Tumakbo sya sa akin na kumakawag ang buntot.

Unti-unting tumayo ang lalaki. Nakilala ko sya kaagad nang makita ko nang mabuti ang kabuuan ng likod nya. Lumingon sya sa akin. Anong ginagawa nya rito? Paano nya nalaman kung saan ako nakatira?

"Bakit ka nandito?" kaagad na tanong ko sa kanya. "May kailangan ka ba?"

Naglakad sya palapit sa akin. "Pinapauwi ka ni Mama."

Nahigpitan ko ang hawak ko sa bag ko. "May problema ba sa bahay?"

"Uuwi ka ba kung meron Ate?" tanong nya pabalik.

Ate. Ate. Hindi kami magkapatid! "Walang dahilan para umuwi ako."

Nilagpasan ko sya at lumapit sa dog house. Kinuha ko ang bowl ni Sirius at nilagyan 'yon ng pagkain na galing sa hotel.

"May dahilan ba para hindi ka umuwi?"

"Gusto kong mag-isa." Pinanood ko si Sirius na ganadong kumain. Medyo nananaba na sya.

"Hindi ka ba nalulungkot?"

"Bakit naman ako malulungkot?"

"Malungkot si Mama."

Hinarap ko sya. "Hindi ako uuwi!"

Nakita ko ang lungkot sa mga mata nya. Hindi ko sya maintindihan, hindi naman kami malapit sa isa't-isa. Mula pagkabata hindi naman kami naging malapit sa isa't-isa. Hindi ko alam kung bakit ko 'yon nakikita sa mga mata nya.

"Galit ka ba sa'kin Ate?"

Huminga ako nang malalim. "Hindi ako galit sa'yo."

"Kung ganon pwede ka bang umuwi ngayon kasama ko?"

"Wala akong balak na bumalik sa bahay na yon."

"B-Bakit?"

"Dahil hindi ko naman kayo totoong pamilya!" naisigaw ko sa inis ko.

Imposibleng hindi nya yon alam. Imposibleng hindi nya yon napapansin. Sa kilos palang ng mga magulang namin, sa pagkakaiba ng trato nila sa kanya at sa akin, imposibleng hindi nya alam. Masaya ako noong wala sya. Pero lahat ng atensyon sa akin nalipat sa kanya nang ipanganak sya.

Lalo pa nang makuha nya ang talento ni Papa sa musika. Sinubukan ko noong na tumugtog ng piano. Natuto ako na tumugtog dahil yon ang gusto ng mga um sa akin. Pero iba pala talaga kung totoong may talento ka. Hindi ka lang marunong tumugtog, marunong kang magparamdam ng iba't-ibang emosyon sa mga nakakarinig.

Hindi lang sya sa piano magaling, halos lahat ng instrumento kaya nyang tugtugin. Simula bata palang kami, palagi na syang napupuri dahil sa galing nya. Natanggap din sya sa isang sikat na music school. Isa syang prodigy. Isa syang henyo pagdating sa musika. Kahit na una akong natutong tumugtog kaysa sa kanya, nalagpasan nya kaagad ang level ko. Yon ang pagkakaiba namin.

Kung babalik ako sa bahay na yon, alam ko na malilipat lang sa akin ang atensyon nina Mama at Papa dahil wala sa bahay ang kapatid ko. May sarili rin syang apartment malapit sa eskwelahan na pinapasukan nya. Nalulungkot lang ang mga taong umampon sa akin dahil wala sa bahay ang totoo nilang anak. Ngayon kailangan nila ako, pero kapag nandyan na sya babalik na naman sa dati. Sa kanya lahat ng atensyon.

"Hindi mo binabanggit ang pangalan ko," bulong nya. Tumalikod na sya sa akin at naglakad sya palayo. "Sasabihin ko kina Mama na uuwi ka pagkatapos ng OJT mo, Ate."

Hindi ba nya naintindihan ang mga sinabi ko? "Gio!"

Tumigil sya sa paglalakad at lumingon sa akin. Binigyan nya ako ng isang ngiti.

"Nickname ko yan Ate. Pero masaya ako dahil alam mo." Naglakad na ulit sya palayo.

Sinundan ko sya ng tingin. Nakaramdam ako ng kaunting pag-aalala kung paano sya makakauwi. Alam ba nya kung ano ang sasakyan nya pauwi? Hindi pa naman sya sanay na mag-commute. Nakita ko na bumukas ang pinto ng isang magarang sasakyan di kalayuan. Nakita ko na bumaba mula sa driver's seat si Oliver. Pinagbuksan nya si Gio ng pinto sa passenger seat. Pinanood ko sila hanggang sa umandar ang kotse at mawala na.

Hindi naman ako dapat na mag-alala. Hindi naman sya pababayaan ng mga magulan nya na mapag-isa. Syempre hindi nila pababayaan ang nag-iisa nilang anak.

May bumunggo sa mga paa ko. Nakita ko si Sirius na nakatingin sa akin gamit ang mga brown nyang mata. Si Sirius lang ang meron ako. Lumuhod ako sa harap nya at hinimas ang kanyang ulo.

"Hwag mo akong ipagpapalit sa kanya, okay?"


Dear Ex-BoyfriendTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon