"Hay naku, si kuya, hindi yan mahilig kumain ng gulay."


"Matapos kong kainin ang niluto mong ampalaya noon Ikay, na-trauma na akong sumubok ulit."


"Kuya, lagpas ten years ago na yon! Tsaka di ko naman alam na kakainin mo talaga yun eh."


Noong apat na taong gulang palang kasi si Ikay, mahilig na syang magpanggap na chef. Binilhan siya ni Mama noon ng complete set ng lutu-lutuan. Inimbitahan niya ako na umupo sa nilatag niyang blanket isang araw. Naalala ko pa ang kislap sa mata ng inosente kong kapatid noong sabihin niyang tikman ko ang niluto niya. At ako, bilang isang huwarang kapatid na hindi kayang tumanggi sa hiling ng bunso, ginawa ko naman. Di ko naman akalain na mauuwi pala yon sa isang trahedya. Ah. Na-trauma talaga ako noon sa pinakain nya sa akin. Kaya di ko maiwasan na maalala iyon kapag nakakakita ng gulay.


"Kain na," sabi ni Janin. Umupo na sya sa silya sa harap ng mesa, di niya natanggal ang suot na asul na apron. Sa akin ang suot niya. Nakasuot din kay Ikay ang pink niyang apron.


"Yay! Kain na! Kain na!" sumunod na rin si Ikay.


Mabuti nalang pala bukod sa ampalaya, mayroon din pritong isda.


"Kuya, tikman mo yang niluto namin ni Janin. Masarap yan, promise!"


Naalala ko, iyon din ang sinabi niya sa akin bago isubo sa bibig ko ang hilaw na ampalaya. Ikay, kahit ano gagawin ni kuya para sayo, hwag lang 'to. Nabigla nalang ako nang abutin ni Janin ang plato ko at lagyan ng sinandok niyang gulay. Napatingin nalang ako sa gulay na nasa plato ko.


"Kain na," sabi pa niya. Pareho sila ni Ikay na nakatingin sa akin.


Ah. Talagang, sinusubukan ako ng tadhana. Tinusok ko ng tinidor ang isang piraso ng ampalaya, pinili ko talaga ang pinakamaliit na hiwa. Ramdam ko ang titig sa akin ng dalawa. Ngayon lang ako na-pressure nang ganito. Langya, kahit noon defense namin hindi ako nakaramdam ng ganito.


Pero isa kang tunay na lalaki, Dylan. Hindi mo dapat biguin ang dalawang babae na nasa harapan mo. Sila ang naghirap na magluto ng ulam ngayong araw. Pinikit ko ang mga mata ko saka isinubo ang pagkain.


"Ano kuya? Masarap ba? Anong lasa?" excited na tanong ni Ikay habang nakatingin sa akin.


"M-masarap," sagot ko. Pero ang totoo ay hindi ko pa nginunguya ang ampalaya dahil sa takot ko. Bakit sa lahat ng gulay sa mundo, ampalaya pa ang naisipan nilang lutuin? Okay lang sana kung luto ito ni Mama. Pero mukhang nag-experiment lang silang dalawa ngayon at ako pa ang ginawang taga-tikim.


Ngumiti si Ikay at tumingin kay Janin.


"Safe!" Inabot ni Ikay ang tinidor at tinikman ang gulay. "Hmm!"


"Hindi na gaanong mapakla, tama lang ang timpla natin Kayleen," sabi ni Janin habang kumakain.


Nang marinig ko iyon, tuluyan ko nang kinain ang gulay sa loob ng bibig ko. Hindi nga iyon ganoon kapakla, lasang lasa ang karne. Parang luto lang ni Mama.

Dear Ex-BoyfriendTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon