CHAPTER 108

766 21 0
                                    

KLAY

Matapos kong isuot ang hoodie at pantalon ko ay lumabas na ako ng kuwarto. Naabutan ko si Kelly sa sala na nanonood ng TV habang kumakain ng chips.

"Mag-isa ka lang dito?" agad kong tanong.

"Oh, handa ka na ba?" Sinipat niya ako mula ulo hanggang paa. "Ayan na ba ang isusuot mo?" Sa tono ng boses niya, tila ba parang hindi niya nagustuhan ang suot ko ngayon. Pero hindi na mahalaga iyon.

"Ano ba ang dapat kong suotin? Mas maigi nang ganito para hindi ako makilala ng mommy niya. Alam mo naman ang sitwasyon, 'di ba?" pag-papaalala ko sa kaniya.

Uminom siya ng tubig. "Sabagay. Paano, tara na?" Isinukbit niya sa balikat niya ang sling bag niya at tumayo. Tumango naman ako sa kaniya bilang tugon.

Niyaya ko kasi siyang samahan akong magtungo sa ospital. Gusto ko kasing dalawin si Fidel. Limang araw na ang lumipas simula no'ng mangyari iyong pag-kidnap sa akin ni Jaina. Hanggang ngayon ay hinahanap pa rin siya ng mga pulis. Nakatakas siya no'ng araw na iyon kaya malamang ay nagtatago na siya ngayon.

Nagpahatid kami sa isa sa mga driver namin papunta roon at maingat kami ni Kelly na pumasok sa loob ng hospital. Habang naglalakad sa hallway ay nakayuko ako. Mahirap na dahil baka may makakita sa akin na kakilala ng mommy ni Fidel. Simula rin kasi no'ng araw na iyon ay labis ang galit niya sa amin. Lalo na sa aming dalawa ni Jaina. Hindi ko naman siya masisisi dahil totoo namang ako ang dahilan kung bakit nasa ganitong kalagayan ngayon ang anak niya.

Pinagbawalan niya akong pumunta rito o maski ang masilip man lang si Fidel. Kaya ngayon ko pa lang siya susubukan na dalawin. Hindi ako mapapanatag hangga't hindi ko nasisilayan si Fidel at hindi ko nalalaman kung ano na ang lagay niya ngayon. Sana lang wala rito ang mommy niya.

Malapit na kami sa kuwarto ni Fidel kung saan siya naka-confine. Mas lalo ring nadagdagan ang kaba ko. Sana kahit ngayon lang ay magkaroon ako ng pagkakataon para makita siya. Kung papalarin, sana wala rin ang mommy niya dahil paniguradong paaalisin lang kami no'n.

Ilang hakbang na lang kami sa kuwarto ni Fidel nang mapahinto kami ni Kelly dahil sa dalawang lalaking nakabantay sa labas ng kuwarto nito—mga body guard ng mommy niya.

"Anong gagawin natin? May nakabantay," bulong ni Kelly sa akin.

Inayos ko naman ang hoodie ko bago ako sumagot, "Mukhang kailangan nating maghintay."

Hindi na nagsalita pa si Kelly at napabuntong-hininga na lamang. Fortunately, biglang niyaya ng isang lalaki ang kasama niya para magkape. Agad naman kaming tumalikod ni Kelly paharap sa pader nang maglakad ang dalawang lalaki sa direksiyon namin. Nakahinga ako nang maluwag nang matiwasay nila kaming nilagpasan.

"Kung sinusuwerte ka nga naman, oh! Halika na?" natutuwang bulalas ni Kelly nang makalayo na ang dalawang body guard.

Sa kadahilanang ayokong magsayang ng oras at pagkakataon ay pinangunahan ko na ang pagtungo sa kuwarto ni Fidel. Hinawakan ko ang doorknob at marahan iyon na binuksan. Subalit, bigla rin akong natigilan nang may marinig akong nag-uusap sa loob.

"I will bring him to the U.S."

"That's a wise decision, Ma'am. There's a lot of professional doctors there that can help your son to recover."

I was frozen. Tama ba ang mga narinig ko? Ilalayo niya si Fidel? Masyado na bang malala ang kondisyon niya kaya kailangan niya pang ilabas ng bansa para gumaling?

"Aside from that, I also want to keep him away from women who I know will only bring harm to him. I'm so dumb for trusting that crazy woman! Kailangan kong ilayo ang anak ko sa kanila."

My Red Flag EnemyWhere stories live. Discover now