CHAPTER 90

868 29 8
                                    

KELLY

Nagising akong sobrang sakit ng ulo ko. Naupo ako sa kama habang nakapikit ang mga mata. Hinihilot ko rin ang sentido ko para kahit papaano ay maibsan ang sakit ng ulo ko.

Nakarinig ako ng pagbukas ng pinto kaya idinilat ko ang mga mata ko na agad ding namilog nang makitang pumasok si Cal habang may dalang tray ng pagkain.

Bakit nandito si Cal?! Anong ginagawa niya rito?!

"Mag-breakfast ka muna," nakangiting alok ni Cal habang papalapit sa akin. Iginala ko naman ang tingin ko sa paligid.

Teka, wala ako sa kuwarto ko?! Nasaan ako?!

Sunod ko namang chineck ay ang katawan ko. Laking gulat ko naman nang makitang wala akong suot na saplot! Ano 'to?! Bakit ako nakahubad?!

"Nasaan ba ako? Saka, bakit nakahubad ako?" gulat at nagtataka kong tanong kay Cal.

Umawang ang bibig niya na animo'y nabigla sa itinanong ko. Bakit? Masama bang magtanong? Sandali niya akong tinitigan bago siya tumikhim at nag-iwas ng tingin.

"You were drunk last night," sagot niya. Ang akala ko ay may idudugtong pa siya pero wala na pala.

"'Yon lang?" usisa ko.

"Mag-almusal ka na muna. Pagkatapos, ihahatid na kita sa inyo. Inumin mo rin 'tong gamot para sa hang-over mo."

Kumunot ang noo ko nang hindi na niya ako sagutin. Bigla ring lumungkot ang reaksiyon niya nang mawala ang ngiti sa mga labi niya. Ano kayang problema?

Umupo siya sa sofa at nag-cellphone lang. Sinimulan ko na ring kainin 'yong pagkain na dinala niya.

"Kain tayo," alok ko sa kaniya.

"Tapos na ako. Thanks," tipid ang ngiting tanggi niya.

Pinagtuunan ko ng pansin ang pagkain. Pagkatapos ay ininom ko 'yong gamot. Pansin ko na parang may nakatitig sa akin habang kumakain. Siyempre, dalawa lang naman kami na nandito kaya malamang ay siya 'yon.

"Anyway, sa likod pala tayo dadaan. Baka kasi may makakita sa atin. Tara na," turan niya at naunang lumabas ng kuwarto.

Nagmamadali ba siya? Nakalimutan ba niyang nakahubad ako at kailangan ko pang magbihis? Parang wala yata siya sa mood, ah.

Umalis ako sa kama habang nakatakip sa katawan ko ang kumot, bago ko dinampot ang mga damit kong nakakalat sa sahig saka nagbihis. Pagkatapos ay lumabas na rin ako. Muntik pa akong mapatalon dahil nasa labas lang pala si Cal habang nakasandal sa pader.

Tumikhim ako. "Let's go?" yaya ko at tumango lang siya bilang tugon.

Sinundan ko siya habang pareho kaming ingat na ingat sa kadahilanang baka may makakita sa amin. Nakalabas naman kami nang matiwasay. Ngayon ay nakasakay na kami sa kotse niya.

Buong biyahe ay hindi man lang siya nagsalita. Nahihiya naman akong kausapin siya lalo na at para bang wala pa siya sa mood. Subalit, ang mas iniisip ko ngayon ay si Mama. Paniguradong nag-aalala na 'yon sa akin. Maaga pa naman pero baka gising na 'yon.

"Diyan na lang sa tabi," turo ko sa isang tabi na medyo malayo pa nang kaunti sa bahay namin. Mahirap na baka may makakita sa kaniya.

Walang salita na inihinto niya ang kotse. Naghintay pa ako ng ilang segundo bago ako lumabas ng kotse. Ine-expect ko pa naman na may sasabihin siya kahit isang salita lang. Ano kayang problema no'n?

Naglakad na ako papunta sa bahay namin. Bago ako pumasok nang tuluyan ay sinilip ko muna ang kotse ni Cal at palayo na ito. Kumirot ang puso ko habang sinusundan ko ng tingin ang sasakyan niyang papalayo. Galit kaya siya sa akin? Bakit parang ang cold niya?

My Red Flag EnemyWhere stories live. Discover now