CHAPTER 09

1.8K 45 3
                                    

KLAY

Hindi kami umalis ng bahay buong araw sa araw ng Linggo. Magkakasama kaming tatlo na nanood ng mga horror movies, kumain ng mga luto ni Mama, at nag-asaran. Sa ilang araw na hindi namin nakasama si Mama ay sinulit na namin ang pagkakataon na nandito pa siya kasi sa mga susunod na araw ay paniguradong mamimiss na naman namin ulit siya at 'yong mga bonding namin.

Kung puwede lang kasi na hindi siya mag-trabaho para kasama namin siya rito sa bahay eh, kaso hindi. Kung puwede lang na ako na lang eh, kaso nag-aaral pa ako. May part-time job ako pero alam kong hindi iyon sasapat para mabuhay at matustusan lahat ng pangangailangan namin.

"Anak, heto oh. Kunin mo 'to." May ibinigay si Mama na kung ano sa kamay ko. Nang tingnan ko kung ano iyon ay pera na nakatupi sa gitna.

"Ma, ano 'to? Hindi ko kailangan nito." Ibinalik ko sa palad niya ang perang ibinigay niya.

Ngunit muli niya lamang itong ibinalik sa palad ko at ikinuyom niya ang kamao ko. "Para sa 'yo iyan. Para sa pag-aaral mo o kahit para sa mga pangangailangan mo."

"Hindi, Ma." Inilipat ko ang pera sa kamay niya at tiniklop ng dalawa kong kamay ang palad niya. "Hindi ko na po kailangan 'yan. Isa pa po, may part-time job naman po ako. Kaya hindi ko po kailangan ng pera."

Malamlam akong tinitigan ni Mama sa mga mata. "Sigurado ka ba? Pero 'di ba ilang araw ka ring hindi pumasok sa part-time job mo?"

Tumango ako. "Oo, pero huwag niyo pong isipin 'yon dahil kahit naman po absent ako no'n ay may suweldo pa rin naman po ako."

"Talaga?" hindi makapaniwalang reaksiyon niya.

"Opo. Mabait po kasi 'yong boss po namin, eh. Pero ayoko pong abusuhin 'yon kaya bukas na bukas po ay papasok na rin po ako," nakangiti kong sagot. "Ma, bakit kaya hindi na lang po kayo bumili ng bago niyo pong cellphone?"

"Ay naku, gastos lang 'yon. Hayaan mo na tutal uuwi na rin naman ako rito tuwing gabi." Ngumiti si Mama sa 'kin kaya ngiti lang din ang naging tugon ko.

***

"Saan tayo ngayon?" tanong ni Kelly habang naglalakad kaming tatlo. Tumingin ako sa wrist watch ko para tingnan kung ilang oras pa ang libre namin. "Mamaya pa naman pasok namin ni Klay. Kaya mamasyal muna tayo," dagdag pa niya.

"Sure," nakangiting tipid na sagot lang ni Jaina. Kapag magyayaya si Kelly sa amin wala na rin naman kaming nagagawa. Isa pa, mahilig talagang magliwaliw 'tong si Kelly.

Habang naglalakad ay nagku-kuwentuhan silang dalawa. Ako naman ay tahimik lang habang ang mga mata ko ay nakatuon sa mga paa kong sumasabay sa bawat paghakbang nila.

"Hi!"

Huminto sa paghakbang ang mga paa ng mga kaibigan ko kaya huminto rin ako.

"H-Hi..." rinig kong sambit ni Kelly na akala mo ay hindi makapaniwala sa sino man ang bumati sa kaniya.

"Hi, Klay."

Kumunot ang noo ko nang marinig ko ang pangalan ko kaya kusa nang nag-angat ng tingin ang ulo ko.

"I-Ivan?" hindi makapaniwalang banggit ko. Nakangiti ito sa akin at nasa tabi niya si—Zach. Ngumiti sa akin si Zach pero iniwas ko lang ang mga mata ko.

Muli kong naalala ang pagiging abnormal ng puso ko no'ng gabing nakasama ko siya. Ngayon naman hindi ako makatingin sa kaniya.

"May pupuntahan ba kayo?" tanong ni Ivan na sa akin lang nakatingin.

Sinulyapan ko ang dalawa kong kaibigan na ngayon ay nakatingin na rin pala sa akin.

"Ah o—"

"Wala! Wala kaming pupuntahan!" putol sa akin ni Kelly. Malawak ang ngiti nito nang sabihin niya iyon. Nang magtama ang tingin namin ay tiningnan ko siya ng 'Anong wala?' look.

My Red Flag EnemyWhere stories live. Discover now