CHAPTER 103

673 25 8
                                    

KLAY

Sumikip at bumigat ang bawat paghinga ko. Bahagya ring nanginig ang mga kamay ko dahilan upang mabitawan ko ang purse ko. Nakaawang ang bibig ko habang nakapukol ang mga mata ko sa kanila. Hindi ko maigalaw ang mga paa ko na animo'y napako na sa kinatatayuan ko. Bawat segundong lumilipas ay sakit ang dulot no'n sa dibdib ko.

Nanghina ang mga tuhod ko nang makita ko ang paglitaw ng isang ngisi sa mga labi niya... Isang mapanlinlang na ngisi. Hindi ko na kaya pa ang nakikita ko ngayon kaya sinikap kong igalaw ang mga paa ko paalis na siyang matagumpay kong nagawa at tumakbo ako palabas ng restaurant.

"Ma'am, may kailangan po ba kayo?"

Hindi ko pinansin ang staff at tuloy-tuloy lang ako sa pagtakbo hanggang tuluyan na nga akong makalabas. Huminto ako sandali at napahawak sa dibdib ko. Habol-habol ko ang paghinga ko. Unti-unti na ring nag-iinit ang mga mata ko senyales na papatak na ang mga luha ko.

At hindi ko na nga napigilan pa. Sunod-sunod ang pagpatak ng mga luha sa pisngi ko kasabay ng sakit na nararamdaman ko. Muli akong tumakbo palayo habang blangko ang isip ko.

Kapag naaalala ko 'yong nakita ko kanina, pakiramdam ko sinasaksak nang paulit-ulit ang puso ko. Nakakatawang isipin na excited ako sa date namin, tapos iyon pala ang ibubungad niya sa akin. Bakit? Bakit kahalikan niya si Jaina?

Alam kong totoo iyong nakita ko at hindi ako basta nag-iilusyon lang. Kitang-kita mismo ng dalawa kong mga mata na naghahalikan sila. At iyong pagngisi ni Jaina? Ano ang ibig sabihin no'n?

Ano bang nangyayari? Bakit ginawa sa akin 'yon ni Fidel? Akala ko ba mahal niya ako? Akala ko ba hindi niya ako sasaktan? Pero ano 'yon? Ano 'yong nakita ko kanina lang?

Marahil ay inihanda niya ang date na iyon para sa kanilang dalawa. Marahil ay niloloko lang nila ako. Para ano? Para saktan ako? Pero bakit? Ano bang kasalanan ko sa kanila para gawin nila sa akin 'to? Para saktan nila ako ng ganito?

Muli akong napahinto sa pagtakbo. Iginala ko ang paningin ko sa paligid, ngunit hindi ko rin magawang maaninag nang maayos kung nasaan ako ngayon dulot ng nanlalabo kong mga mata dahil sa mga luha kong walang tigil sa pagpatak. Sa kabilang banda ay malinaw kong naririnig ang tunog ng mga sasakyan.

Ilang sandali pa ay naalala ko ang bilin ni Kuya kanina na kapag nagka-problema ay tawagan ko siya. Subalit, gano'n na lamang ang pagkadismaya ko sa sarili nang maalala kong naiwan ko nga pala sa lugar na 'yon ang purse ko at nasa loob no'n ang cellphone ko. Lalong bumigat ang nararamdaman ko kaya napahagulgol na ako nang malakas. Wala akong pakialam kung may makakakita man sa akin ngayon. Gusto ko lang talagang ilabas itong sakit na nararamdaman ko.

Muli akong naglakad at hindi ko na alam kung saan ako patungo. Blangko pa rin ang utak ko ngayon at hindi man lamang naiibsan ang sakit na nararamdaman ko. Ang sakit... Sobrang sakit na parang gusto ko na lang tanggalin ang puso ko upang hindi ko na maramdaman pa ang sakit.

Mayamaya pa ay napahinto akong muli nang maramdaman ko ang pagsakit ng mga paa ko. Umupo ako sa isang tabi. Inalis ko ang suot kong heels at itinapon iyon sa kung saan kasabay ng pagsigaw ko. Wala akong tigil sa paghagulgol na animo'y walang kapaguran.

"Klay!"

Hindi ko alam kung guni-guni ko lamang ba iyon o kung talagang narinig ko ang boses niya. Tumayo ako mula sa pagkakaupo at nagsimulang tumakbo sa kung saan. Bahala na kung saan man ako mapadpad. Ang mahalaga sa akin ngayon ay ang makalayo. Tangina... Ang sakit namang magmahal. Kung alam ko lang na masasaktan lang pala ako ulit, sana hindi ko na hinayaan ang sarili ko na mas mahulog pa sa kaniya.

Ang tanga-tanga ko para maniwala sa kaniya. Para maniwala sa pangakong hindi niya ako sasaktan. Baka nga magkasabwat pa sila ni Jaina, eh. Gusto kong matawa sa sarili ko ngayon. Hindi ko na alam kung anong iisipin ko. Pakiramdam ko mababaliw ako.

My Red Flag EnemyWhere stories live. Discover now