CHAPTER 46

943 38 20
                                    

KLAY

Sa sobrang kaba ko ay malayo pa lang bumaba na ako ng taxi at tumakbo papuntang bahay. Muntikan pa akong natapilok dahil sa suot kong heels pero mabuti na lang at nasasanay na rin akong magbalanse.

"Ma, ano pong nangyari? Bakit n'yo po ako pinauwi?" hinihingal na tanong ko kay Mama nang madatnan ko siyang nakaupo sa sala.

Tumayo siya at naglakad papalapit sa akin. "Barbara, mabuti at dumating ka na."

Pakiramdam ko napako ako sa kinatatayuan ko nang marinig ko ang seryosong boses ni Mama. Ngunit, ang mas nakapagtataka ay ang tinawag niya ako sa second name ko. Ganyan kasi ang tinatawag niya sa akin kapag may nagawa akong mali o kasalanan kaya bahagya akong kinabahan.

"M-Ma, ano pong meron? Bakit n'yo po ako pinauwi? May problema po ba? Ano po 'yon, Ma?" sunod-sunod kong tanong sa kaniya.

"Ano 'tong nalaman ko na isa ka raw call girl?" panimula niya na siyang labis na nagpakunot ng noo ko at nagpalaki ng mga mata ko.

"A-Ano po? Call girl? Saan n'yo naman po nalaman 'yan, Ma? Saka, bakit ako magiging call girl?" naguguluhan kong tanong.

"'Wag kang magsisinungaling sa akin kasi hindi kita pinalaking sinungaling," seryoso at may bahid ng galit na wika niya.

"Ma, kaya nga po. Pinalaki n'yo po akong hindi sinungaling kaya hindi po ako nagsisinungaling. Hindi ko po alam 'yong sinasabi ninyo, Ma!"

"Ano bang nagawa ko, ha? Nagkamali ba ako ng pagpapalaki ko sa 'yo para maging ganyan ka? Para pasukin mo ang ganyang klase ng trabaho? 'Yon ba 'yong sinasabi mong raket, ha?!" Biglang tumaas ang boses niya. "Hindi kita pinalaki para maging ganyan ka! Para lang pasukin ang ganyang trabaho! 'Di ba, kaya ko nga pinilit na magtrabaho ulit kasi gusto ko ako ang gumawa ng paraan para mabayaran natin 'yong utang natin sa kaibigan mo," dagdag niya kasabay ang pagtulo ng mga luha niya.

Sumikip ang dibdib ko nang makita ko ang mga luhang iyon. Ngunit, naguguluhan din ako. Hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Mama. Pero base sa mga sinasabi niya, mukhang ang pagiging PA ko ang tinutukoy niya.

"Ma, makinig po kayo, okay? Hindi po ako call girl, Ma. Kung saan n'yo man po iyan narinig, hindi iyan totoo. Fake news po 'yan. Opo, may raket po ako pero hindi po iyon gano'n—"

"Gano'n pa rin 'yon, Klay! Nagsisilbi ka pa rin sa lalaki at ano? Anong kapalit, ha?! Malaking pera kapalit ang puri mo?!"

"Maaaa!" sigaw ko nang magsimula na ring tumulo ang mga luha ko. "Ma, bakit po kayo ganyan mag-isip? Ganyan po ba kababa ang tingin ninyo sa akin para pag-isipan po ako ng masama?"

She sniffed and looked away.

"Ma... Magpapaliwanag po ako. Hindi po ako call girl at kahit kailan hindi ako magiging gano'n," humihikbing saad ko. "Anak n'yo 'ko, Ma! Paniwalaan n'yo naman po ako! Hindi po ako call girl. 'Wag n'yo po akong pag-iisipan ng masama dahil hindi po ako gano'n!"

PAK!

"'Wag na 'wag mo 'kong tataasan ng boses dahil nanay mo pa rin ako!"

Napahawak ako sa kaliwang pisngi ko habang nakabaling sa kanan ang mukha ko gawa ng biglang pagsampal niya sa akin.

"Wala kang dapat ipaliwanag. Tigilan mo 'yan kung ano man 'yang maruming trabahong pinasok mo. Magkaroon ka naman sana ng kahihiyan para sa sarili mo," mariin niyang wika bago niya ako iniwan dito sa sala nang mag-isa.

Patuloy lang ako sa paghikbi habang nakahawak pa rin ang kaliwang palad ko sa kaliwang pisngi ko na sinampal ni Mama. Masakit 'yong sampal niya, pero mas masakit 'yong mga sinabi niya. Mas masakit na hindi niya ako pinaniwalaan at pinag-isipan niya ako ng masama...

My Red Flag EnemyWhere stories live. Discover now