Luntian

10 0 0
                                    

Alam mo 'di ko talaga maunawaan ang ugali mong taglay
Minsan sinabi mong eksperto ka sa pagsira ng mga bagay
Ngunit gusto mong ayosin taong may sira sayong palagay
Mistulang ikaw ang naliligaw pero nais na maging gabay

Magulo 'di ba,kasi nga kung iisipin ay magulo kang talaga
Binabalewala mo ang mga dapat na binibigyan ng halaga
Hindi ba't sinabi mo rin na ninanais mo mawala ng maaga
'Di ko alam kung paano mo nasasabi ang gano'ng kataga

Alam mo 'di ko talaga maintindihan 'yong takbo ng isip mo
Mistulang hangin na 'di malaman ang direksyon ng ihip mo
Malinaw para sayo na 'di magkakatotoo ang panaginip mo
At tila may batayan ka ng maikling tulog at ng pag-idlip mo

At sa aking pagkakakilala sayo nabatid kong 'di ka karaniwan
Ikaw ay isang perpektong halimbawa ng malabo sa kalinawan
Parang misteryong inilakip sa maikling kwentong sinalarawan
At sa kabila ng dinami-raming berde ika'y natatanging luntian

Isang Daang TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon