Larawan Ka Na Lang

4 0 0
                                    

Walang imik kang nakamasid sa bawat kilos ko't galaw
Habang sa labi mo'y merong ngiti na laging matatanaw
At tahimik kang nakatingin sa aking tila pagsasayaw
Sa tunog ng pangyayari,blangkong musikang saklaw

Sadya kasing ang naganap ay dapat na lang na tanggapin
Sa bawat pag-uwi ko pa rin naman sinasalubong ng tingin
At ang aking bawat sinasabi batid kong naririnig pa rin
Subalit hindi ka na makatutugon,ni walang kayang sabihin

Bagama't nakangiti ka man ay 'di ka na makakapagsalita
Bagama't narito ka man ay isa ka na lang bahagi ng gunita
Sapagka't larawan ka na lang,sa larawan na lang makikita
Sa larawan ko na lang naibubulong na mahal pa rin kita

Kahibangan man na kausapin ko pa ang 'yong litrato
Kahibangan man na ipagpatuloy pa kung pa'no ka itrato
Sa minamahal pa rin kita ano nga ba ang magagawa ko
Bagama't larawan ka na lang pag-ibig ko'y hindi nagbago

Isang Daang TulaWhere stories live. Discover now