Madaya

5 0 0
                                    

Sadyang napakadaya ng pag-ibig madalas tayong iniisahan
Mistulang lalong nangungulit sa sandaling nais ng iwasan
Muling gagambalain ang pusong nakalimot na sa pang-iiwan
Ng huling minahal na sumumpa at nangakong pagkaiingatan

Ngunit sa huli ang matatamo'y muli na namang pagpapahilom
Muli na namang pagtitiis sa sakit ng tila tumutusok na karayom
Sa pusong tiyak muli na namang lulunorin sa alak at pag-iinom
At muling tahimik na iiyak,lumuluha habang bibig ay tikom

Tahimik na pagsabog mistulang pinapatay na ang aking loob
Ito pala ang plano ng pag-ibig bakit ba hindi ako nakakutob
Pinagbangka sa pagmamahal ngunit sa pagkadurog tumaob
Nabasa sa ulan ng pagluha ng sa payong ng pag-ibig sumukob

Sana lang maaari pang mabawi lahat ng mga sandaling naaksaya
Nakakalungkot isiping peke lang pala lahat ng panahong masaya
Tila kinulong ang bukas sa pagpapahilom ng nakaraang paglaya
At kahit ga'no kapatas na lumaban,sadyang pag-ibig ay madaya

Isang Daang TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon