Marahil

3 0 0
                                    

Marahil kaya tayo nasasaktan dahil sobra tayo kung umasa
Umasang walang magbabago at mananatili tulad ng umpisa
Mananatili 'yong init ng pag-ibig at 'di na muli pang mag-iisa
Subalit lalamig din pala tulad ng dating mainit na kape sa tasa

Marahil kaya tayo nasasaktan dahil ating labis na inaakala
Na hanggang sa pagwawakas na ang naganap na simula
'Yan ang dulot ng pag-ibig na pigilin man ay lubos na lumalala
Na minsang naghatid sa isipan ng 'di maesplikang pagkabahala

Marahil kaya tayo nasasaktan dahil kinulong ang pagkakalaya
Na maaari naman ay hindi subalit pinilit na lang na madaya
Sinugal ang sandali at hinayaan na lang na lahat ay maaksaya
Marahil kaya tayo nasasaktan sapagkat ating 'yan kinakaya

Marahil kaya tayo nasasaktan dahil sa mga paasang ipinangako
Mga salitang mabango sa pandinig ngunit sa huli ay napako
Mistulang kalsada ng pangarap na sa pagkaligaw pala padako
At kaya marahil ako nasasaktan dahil akala ko'y ikaw na at ako

Isang Daang TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon