Nabago Na Ang Lahat

4 0 0
                                    

Nabago na ang lahat wala na 'yong oras na madali pang tumawa
'Yong mga sandaling kahit anong mali ay madali pang umunawa
'Yong mga panahong ang magpatawad ay madali pang magawa
'Yong oras na may tampohan pagkakasundo'y madaling makuha

Nabago na ang lahat tila relasyon natin ay wala ng sustansya
Init ng bumabalot na pag-ibig mistulang nawala ang presensya
Kahit pa ikaila ay masasabing umikli na ating mga pasensya
Sakripisyo natin no'ng simula ay 'di na nabigyang importansya

Nabago na ang lahat sapagka't hindi na tayo tulad pa ng dati
Hindi na nasasabik sa isa't isa wala na 'yong kilig na kumikiliti
Wala na 'yong gaan sa pakiramdam 'pag nasisilayan ang ngiti
Madalas na ang pagtatalo na sa puso'y dahan-dahang humahati

Nabago na ang lahat bagama't prinsipyo ang umiral sa atin
Tila nagpataasan ng ihi sa relasyong noo'y pinaglaban pa natin
Kung maaari lang na makabalik pa mga mali ko'y babaguhin
Dahil napakasakit na nabago na ang lahat para sayo at sa'kin

Isang Daang TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon