Wizard's Tale 1: Chapter 40

155K 3.6K 756
                                    


(Alyanna POV)


Samu't saring sigaw at takot ang nangibabaw nang lumabas ang Animus Reaper. Nanginig ako nang makita na ng personal ang itim na nilalang. Tulad nga ng pangitaing ibinigay saakin ng Byangoma, lalabas ang reaper para guluhin ang lahat.

Napatingin sa direksyon namin ni Brylle ang pulang mga mata ng halimaw na yun. Hawak ko naman ngayon ang Lux Amulet at ito ang nagsisilbing proteksyon namin kaya nung akalang kong susugurin niya kami, nilagpasan lang kami nito.

"Si Elysse!" Yun na lang ang naisigaw ko.

Nilagpasan kami ng reaper dahil dumiretso ito papunta kay Elysse. "Aaaaaah! Tulungan niyo ako!" Pilit niyang kinukuha si Elysse pero may pumipigil dito.

Hindi kasi siya binitawan ni Dustin na katabi niya nang mga oras na yun."Elysse!" Kahit pa gulat at halatang takot sa halimaw na nagpakita ngayon, napabilib ako sa tapang ni Dustin! "Saan mo siya dadalhin! Let go of her!"

Pero kahit ano pang gawin ni Dustin, hindi niya kaya ang isang halimaw mula sa Otherworld. Madali siyang nahawi ng Animus Reaper at tumalsik palayo si Dustin.

Nung akalang nagtagumpay na ang reaper sa pagkuha niya kay Elysse, nagulat na lang kami nang humarang na sa daraanan niya si Brylle. "Bitawan mo ang Lux Princess!"

Ang bilis niyang nakarating dun! Kanina katabi ko lang siya! Pero ang hindi ko maintindihan, bakit sumugod si Brylle doon na hindi man lang kinukuha itong amulet saakin samantalang sila ang sobrang nangangailangan ng kapangyarihan nito ngayon. Siguro ayaw niyang ako naman ang mapagdiskitahan ng halimaw.

"Tulungan mo ako Brylle!"

"Gå bort!" Isinigaw nung halimaw pero hindi natinag si Brylle sa banta nito. Sa halip, tinira siya ni Brylle ng malakas na bolang apoy kaya lalong nagalit ang reaper at gumanti rin sa pagsugod, "Ja vilja drepa þú!"

Natakot ako para kay Brylle nang mabalot siya ng itim na usok na ibinuga ng halimaw. Narinig ko siyang nagsisigaw at wala akong magawa kundi ang manood sa kanila at sumigaw na lang rin, "Brylle!"

Parang namang naagaw ang atensyon nung reaper sa pagsigaw ko kaya napatingin uli ito ng masama saakin. Kitang-kita ko rin ang umiiyak na mukha ni Elysse dahil sa sobrang takot at pagtataka kung bakit siya ang gustong kunin ng halimaw na yun.

"Halimaw! Bitawan mo si Elysse!" At dahil hindi naman ako katulad ni Brylle na kayang magpalabas ng apoy sa kamay o mag-cast ng spell, binato ko na lang ng kahit na anong bagay na mahawakan ko ang halimaw.

Nagulat pa ako kasi hindi na lang ako ang nag-iisang nagbabato ng plato, baso at kung anu-ano pa. Nakatayo na rin kasi si Dustin at ginaya na ang ginagawa ko. Nagtulong kaming dalawa na batuhin ang halimaw para pakawalan niya si Elysse.

Halata namang hindi nasasaktan ang Animus Reaper sa ginagawa namin, pero parang naalibadbaran siya kaya sinugod na din kami nito.

Pero dahil nasa akin ang Lux Amulet, hindi ako natakot. Lumapit ako agad kay Dustin at hinawakan siya para hindi rin siya tablan ng atake ng reaper. Hindi naman nga ako nagkamali dahil hindi kami malapitan ng halimaw.

Dahil dyan kaya lalo itong nagalit at sinunod-sunod ang pagbuga saamin ng itim na usok. Hindi naman makapaniwala si Dustin sa nakalabas na barrier na pumuprotekta saamin. "Paano mo ito nagagawa?"

"Hindi ako Dustin kundi itong amulet na hawak ko. Basta wag kang lalayo para hindi ka mapahamak."

"Si Elysse? Anong gagawin niya kay Elysse?"

"Mamaya, ipapaliwanag na talaga namin sa inyo."

Patuloy sa pag-atake ang reaper pero kahit anong gawin niya, malakas ang kapangyarihang taglay ng Lux Amulet.

Wizard's Tale Trilogy (1-3) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon