Wizard's Tale 2: Chapter 24

123K 2.9K 278
                                    


(Alyanna POV)


Nakatakda na bukas ang aming pagbabalik sa Auserwalt Palace kasama si Chief Clive para sa inaasam na muling pagsasama ng mga leaders ng Lux. Nabalitaan na ng palasyo ang naganap na kaguluhan at agad daw silang nagpalabas ng utos na magpadala ng mga tauhan namin sa Atreria.

Iimbestigahan kung paanong nakatakas sina Night at mga kampon niya gayong namatay na ang traydor na kakampi nila na si Geminus.

Pero kahit pa siguro malaman namin, huli na ang lahat. Planado ang atake at malakas ang kutob ko na walang makukuhang impormasyon ang mga tauhan namin sa Atreria. Ang tangi na lang naming magagawa ay maghanda kung sakaling may mangyari uli na atake na katulad nun.

Naisip ko naman na kung ito na ang huling gabi namin dito sa Erden Valley, ibig sabihin ay hindi na talaga namin mahahanap si Brylle. Hindi ako matatahimik hangga't hindi ko nasisigurado kung ano ang nangyari sa kanya.

Kung patay na siya, kailangang makita ko ng personal. Kung buhay pa siya, kailangan ko siyang iligtas.

Nakahanap ako ng pagkakataon na tumakas noong sandaling malingat ang mga tauhang naatasang magbantay sa akin.

Dumiretso ako sa gubat at plano kong puntahan ang No-Magic Zone dahil doon nahulog si Brylle. Doon ko lamang din siya makikita.

Wala akong ibang baon kundi tapang at lakas-loob, tila ba walang hanggan ang pagtakbo ko para marating ang lugar na gusto kong balikan. Nakahawak rin ako ng mahigpit sa Lux Amulet dahil alam kong hindi ako pababayaan ng kapangyarihan nito. Hinding-hindi ko na ito aalisin sa katawan ko.

Dahil madilim at walang masyadong makita, napatid ako sa ugat ng puno at nasubsob sa putikan. Hindi na ako nagtaka sa katangahan ko. Pero ito mismong kalampahan at kamalasan ko ang kinaiinisan ko.

Tatayo na sana ako nang may mapansin akong kakaiba...parang may buhay ang putik! At laking gulat ko nang magkaroon nga ito ng mga mata at ipakita nito ang tunay niyang anyo. "Mud Creeper!"

Nagsimula na akong gumapang palayo pero madaling nabalot ng halimaw na 'yun ang kalahati ng aking katawan. Para itong kumunoy. Kahit anong pilit kong makaalis ay lalo lang akong lumulubog.

Sa kinamalas-malasan pa, nakarinig ako na parang may mga nagngangatngat ng ngipin. Nakakangilo at mas lumalakas pa 'yung tunog. Papalapit ito sa direksyon ko.

"Hindi kaya—" Napalunok ako sa takot nang makita ko na kung anong klaseng nilalang ang gumagawa ng mga ingay na 'yun, "Bone-Eaters!"

Ibig sabihin, hindi pa tuluyang nalipol ang lahat ng halimaw na umatake dito sa bayan ng Terrashaw.

Heto sila ngayon at nakahanap ng pagkakataon na atakihin ako ngayong mag-isa na naman ako. Nagsimula nang bumigat ang paghinga ko. Parang tatalsik na ang puso ko sa kaba. Pero hindi ako pwedeng mamatay ngayon dahil hahanapin ko pa si Brylle!

Habang patuloy akong nilalalamon ng putik ng Mud Creeper, inisip kong palabasin ang kapangyarihang taglay ko. Hindi na ako nabigo sa pagkakataong ito dahil nagawa ko nang magpalabas ng White Flames sa kamay ko. Natunaw 'yung putik at nagawa kong makaalis mula rito.

Samantala, mabilis naman akong napalibutan ng mga Bone-Eaters ngunit bago pa man nila pag-pyestahan ang mga buto ko sa katawan, binalot ko ng sagradong apoy ng Lux ang paligid ko. Nang mangahas na lumapit ang mga halimaw, nasunog sila hanggang sa matupok sa apoy na ito.

Natuwa ako sa nagawa ko. Biglaan lang 'yun pero nagawa ko!

Pero 'di ko rin naiwasan na malungkot. Kung ganito lang din sana kadaling napalabas ko ang kapangyarihan ko noong araw na 'yun, eh di sana hindi malala ang nangyari. Sana kasama ko pa rin si Brylle.

Wizard's Tale Trilogy (1-3) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon