Chapter 82

14 5 0
                                    

Chapter 82

"YI SHAOYE, isang linggo na tayong nandito. Kailangan pa ba natin manatili sa bayang ito?" tanong ni Ouyang. "Isa pa ay nahihirapan na akong magbalat-kayo bilang babae. Kanina ay may mga lalaking lumapit sa akin at tinatanong kung magkano ang isang gabi ko dahil babayaran nila ako." Nahihiyang sumbong nito sa kanya. "Isa pang pinangangambahan ko ay..." tumingin ito sa kabilang silid. "Alam mo bang simula nang may tumuloy sa kabilang kuwarto na inuupahan natin ay nakakaramdam na ako ng kilabot. Parang palaging may nakatingin sa atin," mayamaya ay sabi ni Ouyang. "Hindi kaya may ilang lalaki na umupa doon para matyagan ang mga kilos natin lalo at alam nilang babae ako?" Kinikilabutang sabi nito, bahagya pang niyakap ang sarili.

"Nararamdaman mo rin pala iyon?" Bigla ay nagsalita si Li Yong. "Yi Jian, sigurado ka bang walang ibang nakakaalam sa misyon natin sa bayang ito? Pakiramdam ko kasi ay laging may mga matang nagbabanta para patayin ako."

Nagkatinginan sina Li Yong at Ouyang pagkuway sabay na kinilabutan. Natawa na lang siya sa inakto ng mga ito.

"Guni-guni niyo lang iyon. Huwag niyo na lang pansinin," sabi na lang niya para kumalma ang mga ito.

"Baka nga masyado lang tayong nag-iisip. Matutulog na muna ako." Paalam nito sa kanila. 

Napatango na lang siya pagkuway bumuntong-hininga. Sa totoo lang ay nawawalan na siya ng pag-asa na makakuha ng kahit na anong impormasyon tungkol sa kaso ng pang-aalipin. Bawat tanungin kasi nila kung meron bang nagaganap na kakaiba dito ay palaging ang paligsahan sa hating-gabi lang ang sinasabi ng mga ito. Pumasok na rin sa isip niya na puntahan kaya muna nila si Yezu para mas maipaliwanag nito nang maigi ang mga nangyayari dito. Kaya lang ay huli na ang lahat para doon. Bigla siyang napatingin kay Li Yong, mahimbing na ang tulog habang siya ay hindi pa rin dalawin ng antok dahil maraming naglalaro sa utak niya. Ang kaso sa bayang ito, si Sui Hao at ang pagpunta ni Xiao Hen noong nakaraan. Napangiti na lang siya nang maalala ang kaibigan, mabuti na lang talaga at nakakaalala na ito. Sa wakas ay may nadagdag nang kakampi sa hanay niya.

"Tiisin mo muna ang pagbabalat-kayo mo bilang babae. Baka sakali na magamit natin 'yan para lumapit ang mga kalaban." Seryoso ang boses na sabi niya.

"Teka, Yi shaoye, balak mo akong gawing pain?"

Nakangiting binalingan niya ito pagkuway tinapik-tapik ang balikat nito. "Kung sakaling madukot ka ay nasisiguro ko na kaya mong ipagtanggol sa sarili mo. Kaya mo 'yan!" Pagbibigay niya ng lakas ng loob dito. Bigla naman namutla ito sa sinabi niya kaya tinawanan niya ito. "Niloloko lang kita. Siyanga pala, hihiga muna ako. Baka sakali na antukin na ako. Tandaan mo, hindi ka puwedeng lumabas dito dahil kailangan mo akong bantayan."

Napatango na lang si Ouyang sa sinabi niya. Napangiti siya at pumikit na. Hindi niya alam kung ilang oras siyang nakatulog pero naalimpungatan siya dahil sa naririnig niyang mga yabag na pabalik-balik. Pupungas-pungas siya ng mga mata na bumangon at tinanong si Li Yong kung ano ang problema nito. Nang malaman niya na nawawala si Ouyang ay biglang nagising ang kaluluwa niya.

"Anong nangyari? Paano siya nawala?"

"Nauna akong nagising sa 'yo kanina. Inaya ako ni Ouyang para bumili ng makakain natin ngayong gabi. Nasa pamilihan na kami nang nagpaalam lang siya sa akin na iihi lang saglit. Natagalan ako sa paghihintay sa kanya kaya pinuntahan ko ang direksyon na pinuntahan niya pero nakita ko ito sa daan." Binigay ni Li Yong sa kanya ang pares ng sapatos ni Ouyang. "May dumukot sa kanya at hindi ko alam kung saan siya dinala ng mga ito."

Biglang nakuyom ni Yi Jian ang kamao kaya nasamang napipi ang sapatos na hawak niya. Naalala niya ang kanyang biro kay Ouyang kanina. Hindi naman niya sinasadya na sabihin iyon, hindi niya gustong madukot ito para mapahamak. Alam naman niya na kaya nito ang sarili kaya lang ay hindi niya maiwasan ang mag-alala para sa kanyang kaibigan.

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon