Chapter 100

20 6 4
                                    

Chapter 100: Volume 10: The One That Left Behind

BIGLANG napatakbo sa kusina ang labing-apat na taong gulang na si Dou Ji nang marinig ang nakakakilabot na tili ng kanyang ina. Nang maabutan niya ito ay nakaupo ito sa lupa habang nanginginig na nakatingin sa lamesa. Nang tanungin niya ito ay halos malunok nito ang sariling dila.

"M-may maitim na kamay ang biglang nagpakita sa ibabaw ng lamesa."

Maitim na kamay? Agad kinuha ni Dou Ji ang pamalo sa gilid ng pinto pagkuway dahan-dahan siyang naglakad papunta sa lamesa. Pinipigilan siya ng ina pero desidido siyang makita kung ano ang maitim na bagay na nakita nito. Nang makarating ay itinaas niya ang hawak na pamalo at akmang papaluin ang sino mang pangahas pero mabilis na lumuhod sa harap niya abg isang binatilyo na kasing-edad niya lang. Madumi ang kulay puti nitong damit, magulo ang buhok at ang balat ay maitim nga pero hindi dahil iyon ang natural na kulay nito pero dahil sa uling.

"H-huwag mo akong saktan! Patawarin mo ako dahil pumasok ako at kumuha ng pagkain!" Patuloy pa rin ito sa pagluhod at pag-umpog ng ulo sa lupa.

Ang isang kamay nito ay may hawak pang tinapay na kalahati na lang at ang gilid ng bibig nito ay may butil pa ng kinain nito. Bahagya rin nakalubo ang kanang pisngi nito marahil ay nakaipon pa doon ang kinakain nito. Umupo siya sa harap nito pagkuway sinalo ng kamay niya ang noo nito. Naramdaman niyang may bukol doon at medyo basa din. Nang tingnan niya ang kamay ay may dugo doon. Natatakot ang mga mata nito na tumitig sa kanya.

"Hindi kita sasaktan, huwag kang matakot sa akin." Nginitian niya ito pagkuway binalingan ang ina. "Hindi isang multo ang nakita mo, ina."

Bahagya namang tumingin ang kanyang ina sa binatilyo. Nawala na rin ang takot sa mukha nito at nameywang na. "Ikaw na bata ka, bakit mo ako kailangan takutin? Maaari ka manghingi ng pagkain pero hindi ka maaaring manguha. Paano kung hindi nakapagpigil ang aking anak at bigla ka na lang napalo at namatay? Ayokong magkaroon na masamang konsensya ang Xiao Ji ko!" Pinagalitan nito ang binatilyo.
Matapos humingi ng tawad ng binatilyo ay inanyayahan ito ng kanyang ina para maayos na makakain kasama nila. Mabait ang ina Dou Ji at natural na matulungin sa kapwa. Ang kanyang ina kasi ay isang ampon at nanggaling sa mahirap na pamilya. Ang ama nito at ang kanyang ama ngayon ay parehong sugarol, hilig na magsabong ng mga manok. Nang matalo ang manok ay ginawang pambayad-utang sa edad na labing-lima ang kanyang ina. Nangako na tutubusin din pero sampong dekada na ang nakalipas ay hindi na binalikan ang kanyang ina. Nalaman na lang nito na nag-ibang bayan ang mga ito at hindi na kinilala kahit na kailan.

Pinagmasdan ni Dou Ji ang binatilyong nagpakilala na si Shu. Maganang kumakain ito, halos hindi na nginunguya ang pagkain at deretsong lunok na lang. Mabilis din nitong kinukuha ang mga pagkaing nakahain sa lamesa kaya makailang beses din na nagpapabalik-balik ang kanyang ina sa kusina para maglagay ulit ng pagkain. Nang bigla ay mabilaukan ito. Sinusuntok nito ang dibdib para bumaba ang kinain nito. Inabutan niya ito ng tubig at matapos niyon ay hingal na hingal ito na napayuko sa lamesa.

Natatawang hinaplos niya ang likod nito. "Hindi mo kailangan magmadali. Walang aagaw ng pagkain na nakahain sa harapan mo."

Nahihiyang tumango naman ito. "Pasensya na sa inaasal ko. Isang buwan na kasi akong hindi nakakakain nang maayos mula nang palayasin ako ng aking mga magulang. Magmula noon ay nandito na ako sa kapitolyo at namamalimus pero walang gustong magbigay ng pagkain sa akin kaya napipilitan akong manguha."

"Bakit ka nila pinalayas?" tanong ng kanyang ina nang makalapit.
Umiling ito at pagkuway yumuko. Mukhang ayaw nitong sabihin ang dahilan kaya hindi na lang nila ito pipilitin.

"M-maaari bang manuluyan ako sa inyong tahanan? Maninilbihan ako! Kahit hindi niyo ako bigyan ng salapi. Sapat na sa akin na may masisilungan ako sa darating na taglamig at kahit kaunting pagkain lang ang ibigay niyo sa akin ay lubos ko kayong pasasalamatan."

Unwritten MemoriesWhere stories live. Discover now