Chapter 32

37 10 19
                                    

Chapter 32

SIKAT ng araw mula sa bintana ang dahilan kaya nagising si Dou Ji. Agad siyang tumayo pero bigla lang nanakit ang mga sugat niya sa katawan. Napatingin siya sa sariling katawan na puno ng benda, mula sa braso, dibdib at sa mga binti, saka lang niya naalala ang nangyari. Nang araw na may humahabol sa kanila ay pinauulanan sila ng mga palaso, karga niya ang emperador at hindi niya maaaring ipahamak ang buhay nito kaya naman binitawan niya ito para maibigay kay Wenrou.

Hindi niya nagawang makaiwas dahil kulang na sa oras kaya pagkatapos niyang bitawan ang batang emperador ay binaluktot niya ang mga braso at binti para maiwasang matamaan ang mga delikadong parte ng katawan niya na maaaring maging sanhi na kamatayan niya.

Bumuntong-hininga siya pagkuway tumayo at kinuha ang robang nakasabit sa estante pagkuway ipinatong iyon sa balikat niya. Kinapa niya rin ang kanyang espada na karaniwan niyang itinatabi sa kanyang pagtulog pero kusang natigilan nang maalala na nahulog pala iyon sa ilog, kailangan niyang hanapin iyon dahil mahalaga iyon sa kanya. Akmang bubuksan niya ang pinto nang magbukas iyon, nagulat ang binatilyong may dalang maliit na tray na naglalaman ng ilang gamot at malinis na benda.

"Lie Feng," nakangiting tawag niya rito.

Si Lie Feng ay hindi naman nakapagsalita agad. Napatitig lang sa magandang mukha ng jiangjun. Nang tawagin niya ulit ito ay saka lang bumalik ang huwesyo. Pinapasok niya ito sa loob ng silid.

"M-mabuti at nagising ka na," bahagyang pumiyok ang boses ni Lie Feng nang magsalita. Bigla tuloy napangiti si Dou Ji, napansin naman siya nito kaya namula. Tumikhim ito para mawala ang bara sa lalamunan. "Dalawang araw na rin ang nakakalipas mula nang makabalik tayo sa palasyo."

Napatango-tango naman si Dou Ji. "Kumusta ang emperador? Si Rou-rou?"

"Nasa maayos na siyang kalagayan at ngayon ay nasa pagpupulong para mapag-usapan ang mga nangyari. Si Wenrou ay bumalik sa Daocheng para asikasuhin ang bahay-aliwan ng kanyang ayi," sagot nito pagkuway tumitig sa kanya. Naging seryoso ang timbre ng boses. "Bakit kailangan mong gawin iyon?" Napakunot-noo si Dou Ji. "Bakit mo kailangan saluhin ang mga palasong iyon? Paano kung—"

"May binitawan akong pangako sa emperador. Kahit anong mangyari ay ibabalik ko siya sa palasyo. Hindi man ako nakasama sa pagbabalik sa kanya pero malaki ang tiwala ko sa inyo ni Wenrou na maibabalik niyo siya."

"Pero isa kang Jiangjun ng Yu at hindi ng Han. Kung namatay ka ay—"

"Bago ako naging jiangjun ay isa muna akong pangkaraniwang mamamayan ng Yu. Isa pa ay hindi ako naging jiangjun para lamang sa kapakanan ng hari. Tumuntong ako sa posisyon ko para sa mga tao at para na rin ipaglaban kung ano ang sa tingin ko ang tama. Kung mamatay man ako ay masaya akong mawawala dahil alam kong tama ang taong ipinaglaban ko."

Napayuko naman si Lie Feng. Napansin niyang nakuyom nito ang kamao. Hindi na niya inalam kung ano ang tila ikinagagalit nito.

"Nah, Lie Feng, nandito ka ba para linisin ang sugat ko?"

"Sana."

"Sana?" Natawa si Dou Ji. "Huwag mong sabihin na ngayong nakita mong gising na ako ay hahayaan mo ako para gamutin ang sarili ko?" Hindi ito sumagot. "Tutal nandito ka naman ay gamutin mo na ako at tulungan na makapagbihis."

"Tss, para kang may utusan." Nakasimangot na sabi nito pero nagsisimula na para alisin ang benda sa braso niya.

"Masanay ka na. Ganito ako sa mga kaibigan ko."

Muli ay hindi ito sumagot. Gusto niya sanang tumingala para makita ang reaksyon ng mukha nito pero pinigilan niya ang sarili. Baka kasi gantihan siya nito sa pamamagitan ng pagpisil sa mga sugat niya.
_____

Unwritten MemoriesWhere stories live. Discover now