Chapter 92

26 6 0
                                    

Chapter 92

NALAMAN na ni Yi Jian mula kay Lie Feng ang pagsakop na ginawa ni Haring Kai sa kaharian ng Wu at Fei. Hindi niya akalain na sobrang ganid nito sa kapangyarihan. Sinakop ang dalawang kaharian para lumawak ang lupain at maging triple ang hukbo. Aaminin niyang nasa alanganing sitwasyon sila ngayon pero hindi sila basta-basta susuko na walang laban.

Isang buwan na mula nang makatakas si Sui Hao at bawat nagdaang araw ay nagkakaroon ng pag-atake ng mga kawal ng Chu laban sa mga kawal ng Han at Yu. Binabalak ng mga ito na sakupin ang bawat bayan ng dalawang kaharian para mapasok nang lubusan sa kapitolyo. Ngayon ay may masamang balita na nakarating sa kanila. Ang bayan ng Qingrong ay lubusan nang napasok ng mga kawal ng Chu at binabalak nang sakupin ang Zhuliu. Ang mga tao sa Ganjing at Zhuliu ay pinalikas muna sa kanilang mga tahanan at dinala sa Ren at Zhao para maprotektahan ang mga ito. Patuloy pa rin sa pag-iimbak ng pagkain at tubig ang palasyo at ipinamamahagi iyon sa mga tao. Mabuti na lang at maaari nang anihin ang mga pananim ngayon sa palayan. Ang kaharian ng Han ay tinutulungan din sila sa usaping pandigma, ngayon ay nagpadala ng ilang kawal si Hen Hao para sumali sa laban na nagaganap sa Zhuliu. Kailangan na mapigilan ang mga ito para hindi mapasok ang kapitolyo.

Nasa loob ng palasyo ngayon si Zhang Jiangjun at nakikipag-usap kay Lie Feng para sa istratehiyang dapat na gawin. Pumasok siya sa loob at bahagyang tiningnan ang mapa ng kaharian. Ang Qingrong ay may ekis na marka na, meron di nakapatong na mini soldier statue sa bayan ng Zhuliu at Ganjing.

"Kamahalan, nagagawa ng mga kawal natin na pigilan ang pagpasok ng mga kawal ng Chu sa Zhuliu pero sa tuwing matatalo ang unang hukbo na pinadala ay may darating naman ulit. Naaagrabyado ang ating mga tao dahil nauubos ang lakas nila sa pakikipaglaban samantalang may reserbang mga kawal naman ang nakaabang sa Qingrong na naghihintay lang roon."

Napatango-tango si Lie Feng. "Isang magandang istratehiya."

"Kamahalan, ano ang dapat nating gawin?"

"Wala nang ibang madadaanan ang mga kawal ng Chu bukod sa pagpasok sa entrada ng Zhuliu. Kailangan na pag-igtingan ang pagbabantay at pagpapadagdag ng puwersa ng ating mga kawal."

"Teka," agad pumagitna si Yi Jian at pinag-aralan ang mapa at ang mga sinabi ni Lie Feng.

"Yi Jian, anong ginagawa mo dito?"

"Pasensya na at bigla akong sumali sa usapan niyo pero narinig ko ang suhesyon mo at tumututol ako sa balak niyo."

Nagkatinginan sina Lie Feng at Zhang Jiangjun.

"Meron ka bang naiisip na istratehiya laban sa kanila?" tanong ni Lie Feng.
Tumango naman siya. "Totoo na tanging ang entrada lang ng Zhuliu ang puwedeng pasukin ng mga kalaban. Ang Zhuliu at Ganjing ay may mga nagtataasang mga bundok, bato at gubat ang kailangan pang tahakin bago makapasok sa bayan, ilang araw din ang kailangan na bunuin para dito. Isang malaking pabor sa ating kaharian ang natural na harang na iyon. Pero hindi pa rin natin dapat isantabi na may maliit na porsyento na makakapasok ang mga ito kaya hindi dapat magbawas ng puwersa para ilagay sa iisang lugar lang. Kailangan pa rin na may magbantay sa ibang daanan ng dalawang bayan."

"Pero kung hindi tayo magdadagdag tao sa Zhuliu ay malaki ang posibilidad na matalo ang ating hukbo sa bayang 'yon." Si Zhang Jiangjun ang nagsalita.

"Alam ko, iyon din ang nais na mangyari ng kalaban. Sinasadya nilang palapitin ang mga kaaway sa Zhuliu para labanan ang mga kawal natin doon. Wala silang pakialam kung matalo sila dahil marami pa ang nakaabang na mga kaaway sa Qingrong na ginawa ng kampo ng kalaban. Gusto nilang maging alerto tayo para ipunin sa iisang lugar lang ang mga kawal natin. Tulad ng sinabi ko, may maliit na porsyento pa rin na maaaring makapasok ang kalaban sa pagdaan sa mga gubat o bundok. Hindi puwedeng baliwalain ang maliit na porsyento na iyon. Sa oras na masira ang balanse ng ating depensa, sasamantalahin nila iyon at siguradong makakapasok na sila sa kapitolyo. Isang bagay iyin na iniiwasan nating mangyari."

Unwritten MemoriesWhere stories live. Discover now