Chapter 86

15 7 0
                                    

Chapter 86: Volume 8: Empire, Kingdoms and Villages

What happened after Liu Xue's Death?

MATAPOS magdasal ay inumpisahan ni Yi Jian na sunugin ang mga dayami na hinihigaan ng bangkay ni Liu Xue. Nang tuluyan nang kumalat ang apoy ay unti-unti niyang tinulak ang tabla na hinihigaan nito at hinayaan na tangayin ito ng agos ng tubig. Kasalukuyan ay nasa dalampasigan sila, dito nila napili na ihatid sa huling hantungan si Liu Xue. Napagpasyahan ni Yi Jian na sunugin ang katawan nito habang pinapaagos sa dagat. Naisip kasi niya na kung ililibing niya ang katawan nito ay maaaring may kumuha dito at gawan ng hindi maganda. Hindi naman kasi lahat ng tao ay nakumbinsi ni Lie Feng para mabigyan ng libing si Liu Xue.

"Maraming salamat sa pagbahagi mo ng kwento ng dati kong buhay na si Dou Ji," binalingan niya ito. "At salamat din sa ginawa mo kanina, Lie Feng." Tukoy niya sa ginawa nitong pagharang nang batuhin siya ng mga tao. Hindi naman ito sumagot at ngumiti lang sa kanya. Napahugot naman siya nang malalim na buntong-hininga. "Lie Feng, ang tungkol sa hinala ko na isa sa mga ministro si Guwen..." tumingin siya dito. "Naniniwala ka ba talaga?"

Napakunot-noo bigla si Lie Feng pagkuway humarap sa kanya. "May sinabi ba si Liu Xue tungkol kay Guwen? Alam mo na ba kung sino siya?"

Napaupo si Yi Jian sa isang malapad na bato. "Bago siya namatay ay may sinabi siya sa akin tungkol kay Guwen." Matatag niyang tinitigan ang mga mata ni Lie Feng. Sasabihin ba niya ang totoo dito? Nasisiguro niya na sa oras na malaman nito ang totoo ay ipapatawag nito agad ang taong iyon para litisin. Walang problema sana iyon kung ordinaryong ministro lang si Guwen.

Nakuyom niya ang kamao. Ang Punong Ministro Su Sui Hao. Ito ang pangalan na sinabi ni Liu Xue bago ito mamatay. Hindi siya makapaniwala at parang gusto pa niyang magdalawang-isip kung maniniwala ba o hindi pero may tao bang magagawa pang magsinungaling sa bingit ng kamatayan?

Ang inaalala niya ngayon ay ang magiging reaksyon ni Lie Feng. Kaibigan pa nito si Sui Hao, hinding-hindi nito matatanggap ang katotohanan. Ang taong itinuturing nang kapatid ni Lie Feng ay ang tao pa lang nasa likod ng pagkamatay ni Dou Ji.

"Yi Jian?" tawag nito sa kanya.
Napaiwas na lang si Yi Jian ng tingin kay Lie Feng. "May isa pang sinabi sa akin si Liu Xue na meron siyang naamoy na mabango mula kay Guwen sa tuwing nag-uusap sila. Nang marinig ko iyon may biglang pumasok sa utak ko kung anong klaseng amoy iyon. Alam kong hindi ka maniniwala sa ikukuwento ko pero alam kong makikinig ka pa rin."

Bumuntong-hininga ito pagkuway sumandal sa malapad na bato at hinintay ang ikukuwento niya.

"Noong nasa hinaharap pa ako ay may balita akong nabasa sa internet. Merong ginagamit na isang uri ng bulaklak ang mga taong gustong makapagnakaw ng milyon-milyong salapi. Ang bulaklak na iyon ay tinatawag na Brugmansia Arborea, mas kilala sa tawag na Angel's trumpet. Nanggaling sila sa pamilya ng Solanaceae at nagtataglay ng chemical scopilamine. Ang mga bulaklak na iyon ay ini-extract hanggang sa makuha ang liquid na meron doon pagkatapos ay i-i-spray nila iyon sa kanilang biktima. Ang taong na-spray-an niyon ay nagagawang ma-hypnotize para mapasunod ito sa lahat ng gustong iutos. Sa totoo lang maituturing nang isang droga iyon dahil sa lakas ng epekto niyon sa mga gumagamit. Ang unang tinitira ng droga na iyon ay ang isipan ng tao at-Lie Feng?"

"Alam mong makikinig pa rin ako sa 'yo kahit anong mangyari pero kaunti lang ang naintindihan ko sa mga sinabi mo. May iba kang salita na hindi ko maisalin sa aking lengguwahe."

Nasampal na lang ni Yi Jian ang sarili. Sobrang seryoso ng pagkakakwento niya kaya nakalimutan na niyang gumamit ng mga angkop na salita para maintindihan nito.

"Ang sinasabi ko ay may ginagamit si Guwen na isang uri ng bulaklak para mapasailalim sa hipnotismo si Liu Xue." Naghanap siya ng stick sa paligid, nang makakita ay kinuha niya iyon pagkuway ini-drawing sa buhangin ang Angel's Trumpet na tinutukoy niya. "Ito ang bulaklak na tinutukoy ko, kulay dilaw 'yan at parang kampana ang hitsura. Nakakita ka na ba nito?" Hindi ito sumagot, nakatitig lang sa drawing niya. "Lie Feng..."

Unwritten MemoriesWhere stories live. Discover now