Chapter 19

86 13 9
                                    

Chapter 19

"SINABI ni A-Rang na niyakap siya mula sa likod at sinakal. May hawak na patalim daw si Li Yong pero paano ka niya masusugatan kung kaliwete siya?" tanong niya kay A-Rang. "Kapag ang isang kaliweteng tao ay niyakap ka mula sa likod, ang kaliwang kamay nito ay nasa kanan. Halimbawa," tinawag niya ang isang kawal para i-demonstrate ang tinutukoy niya, pinatalikod niya ito pagkuway iniyakap ang mga braso sa leeg nito. "Habang ang kanang kamay ay nasa kaliwa naman. Ang sugat na natamo ni A-Rang ay nasa kaliwa niyang leeg, ibig sabihin ang taong sumalakay sa 'yo ay kanan ang kamay." Pagkasabi niya niyon ay biglang kumalas sa kanya ang kawal, bumalik ito sa kinapupuwestuhan habang nakayuko. Bigla siyang nagtaka dahil parang natakot ito. Nang tingnan niya si Lie Feng ay masama ang tingin nito sa kawal. Nagkibit-balikat na lang siya.

"Tama! Kaliwete nga si Li Yong pero patunay na ba iyon? Maaari pa rin niyang gamitin ang kanan niyang kamay, 'di ba?" Patuloy pa rin si Lady Furen sa pagsisinungaling kahit bukong-buko na. Heto nga't namumutla at pinagpapawisan na si A-Rang.

"Sige, kung gusto mo pa rin magsinungaling ay pagbibigyan kita. May sinabi pa si A-Rang na pinilit niyang makawala sa pag-atake sa kanya. Ibig sabihin ay dapat na merong sugat ang braso ni Li Yong."

Mabilis na tinaas ni Li Yong ang manggas ng kanyang damit at itinaas ang kamay. "Wala akong kahit na anong sugat."

Napangiti na lang siya pagkuway binalingan si A-Rang. Tinawag niya ito. "Sabihin mo na sa amin ang totoo. Sino ang umatake sa 'yo? Huwag ka nang magsinungaling dahil mas lalo ka lang mapapahamak at—" Hindi na natapos ni Yi Jian ang ibang sasabihin dahil bigla itong lumuhod sa harapan niya.

"Patawarin niyo ako! Hindi ko gusto na mangyari ito. Inutusan lang ako ni Binibining Furen para magpanggap na inatake. A-ang totoo niyan ay si Yi Jian shaoye ang dapat na mapapahamak pero biglang dumating si Yong shaoye kaya wala na kaming nagawa at pinagpatuloy na lang namin ang—"

"Si Yi Jian talaga ang gusto mong ipahamak nang araw iyon?" Galit na tumayo si Lie Feng at tinitigan si Lady Furen.

Lumapit rin si Yi Jian para harangin si Lie Feng. "Sino ang umatake sa 'yo?"

"W-walang umatake sa akin. Ang sugat na ito sa aking leeg ay sinadyang gawin ni Binibining Furen upang maging katotohanan ang—"

"Kasinungalingan! Kamahalan! Huwag kayong maniwala sa sinasabi ng tagasilbi na ito! Walang katotohanan ang—"

"Tama na! Naliwanagan na ang lahat sa kasinungalingan mo. Wala ka nang ibang salitang sasabihin upang paniwalaan ka pa." Pagkasabi niyon ni Lie Feng ay tinawag na nito ang mga kawal at inutusan ang mga ito na damputin si Furen kasama ang mga tagasilbi nito.

Sinabi rin ng hari na simula sa araw na ito ay wala ng koneksyon si Lady Furen sa kanya at sa kaharian ng Yu at isa na lamang pangkaraniwang mamamayan ng Yu ang babae. Nagbaba na rin ng hatol na paaalisin ito sa palasyo kasama ang mga tagasilbi nito, ipapatapon ang mga ito sa malayong lugar upang mamuhay bilang pangkaraniwang mamamayan.
"Kamahalan! Hindi niyo maaaring gawin ito sa aking anak!" Mabilis na tumutol si Fengxi sa hatol na ibinigay ni Lie Feng. "Ang aking anak, matagal na siyang may pagtatangi sa 'yo at handa akong ibigay siya sa 'yo bilang tanda ng aking tapat na panunungkulan sa ilalim ng iyong pamamahala kaya bakit ninyo—"

"Magagawa ko pa bang pagkatiwalaan ang taong ipinahamak ang kanyang tapat na tagasilbi para sa pansarili niyang interes?"

"Pakiusap, kamahalan!" Kumawala si Lady Furen sa hawak ng mga kawal. "Inaamin ko na ang kasalanan ko ngunit nagawa ko lamang ito dahil sa matinding selos! Gusto kong mapalayas si Yi Jian sa palasyong ito. Simula nang dumating ang pinakamamahal mong panauhin ay itinuring mo na siyang tila asawa mo!"

Unwritten MemoriesWhere stories live. Discover now