Chapter 31

32 11 4
                                    

Chapter 31

NAHATI sila sa tatlong grupo. Si Dou Ji ngayon ay nagbabalat-kayo bilang isang lalaking may malaking peklat sa mukha. Nakasarado ang isa niyang mata at may hiwa pahaba, ang pisngi ay kakikitaan ng mamula-mulang sugat. Magpapanggap siya ngayon na isang pasyenteng nangangailangan ng atensyong medikal sa isang manggagamot na naninirahan sa kapitolyo. Ayon kay Liu Xue ay ang manggagamot na ito ang puntahan ng mga tao sa kapitolyo para manghingi ng reseta para sa karamdaman, mababa lang ang bayad kumpara sa mga manggagamot na matataas na opisyal lang ang binibigyang atensyon. Kasama niya ngayon ang emperador na nagpapanggap bilang anak niya. May benda sa mukha nito at nagpapanggap din na kunwari ay may sugat sa mukha pares sa ama kaya kinakailangan na magtungo sa manggagamot.

Si Liu Xue naman ay nauna nang bumaba ng kabundukan at nasa loob na ng palasyo. Binabantayan nito ngayon ang bawat kilos ng mga tao, lalong-lalo na ang hari ng Zhou at ang jiangjun nito. Naghahanap na rin ito ng ebidensya na magpapatunay na ang mga ito ang nasa likod sa nangyaring pananambang. Pareho rin kasi sila ng hinala nito na ang mga taga-Zhou ang may pakana ng mga ito. Iyon nga lang, hindi sinabi ni Dou Ji na maaari rin may kinalaman ang Huang Taihou at Guan Song sa mga nangyayari. Masyado pang delikado lalo at nasa loob sila ng Han. Si Wenrou at Lie Feng naman ay magkasama at nasa hindi kalayuan lang, binabantayan rin ang paligid kung may panganib na parating. Sa tuwing may lalapit sa kanilang kawal ay mabilis ang mga ito napipigilan at nagpapanggap na kunwari ay nawawala sa kapitolyo at may hinahanap.

"Anong klaseng sugat ang nasa iyong mukha?" Mayamaya ay may lalaking humarang kay Dou Ji at sa emperador.

"Malala ang karamdaman ko at kailangan kong magtungo sa manggagamot na bihasa sa mga halamang gamot." Sinadya ni Dou Ji na papaosin ang boses niya para mas kapani-paniwala na may sakit siya. "Ipagpaumanhin niyo pero kailangan ko nang—" hindi na natapos ni Dou Ji ang ibang sasabihin dahil bigla siyang sinipa sa sikmura ng lalaki. Bahagya siyang napaatras.

"Ji—" naputol ang ibang sasabihin ng emperador dahil pinisil ni Dou Ji ang braso nito. Napatitig na lang si Hen Hao sa mukha ni Ji Jiangjun na kahit may ilang pekeng peklat ay hindi maitatago na nasaktan sa ginawa ng lalaki.

"Tss, walang kwenta." Tinulak pa si Dou Ji ng lalaki kaya napaupo siya sa lupa. Paalis na ang lalaki pero hindi nakatiis si Hen Hao at sinugod ito mula sa likod.

"Ang mga katulad mo ay nagpapanggap na matapang at maangas pero ang mga mahihina lang naman ang kaya mong labanan!" Sigaw ng batang emperador dito.

"Anong sinabi mo bata?" Naiinis naman lalaki at akmang susuntukin ang emperador pero mabilis nasalo ni Dou Ji ang kamao nito.

Unti-unting pinipiga ng kanyang kamay ang kamao nito, kahit anong pilit nito na alisin ang kamay ay hindi magawa. Kaya napaluhod na ito habang namimilipit sa sakit.

"Kamahalan, hindi niyo na dapat pinatulan ang lalaking ito."

Nakuyom ni Hen Hao ang kamao. "Hindi ko matiis na nananakit siya ng taong alam niyang mahina sa kanya." Binalingan siya nito. "Alam kong kaya mong tiisin ang pananakit niya sa 'yo pero paano ang ibang tao? Isa akong emperador at hindi lang ako basta nakaupo para pagmasdan ang mga taong nasasakupan ko!"

Kahit bata pa man ay mas pinatunayan ni Hen Hao na karapat-dapat nga ito sa posisyong iniatang dito. Hindi niya tuloy maiwasan na hangaan ang batang emperador. Ilang sandali pa ay binitawan na niya ang kamay ng lalaki pero ayaw pa rin nito sumuko at akmang susuntukin siya kaya naman sinipa niya ito. Nawalan naman ito ng malay-tao na naging dahilan para mapansin sila ng mga tao sa paligid. Kaya naman lumayo na sila at nagtungo sa hindi mataong lugar.

"Kamahalan!"

"Ji-Ji!"

Lumapit na sa kanila sina Wenrou at Lie Feng at ibinalita ang pagsisiyasat na ginawa sa paligid.

Unwritten MemoriesWhere stories live. Discover now