Chapter 16

147 13 2
                                    

Chapter 16

NASA kalagitnaan ng pag-eensayo si Yi Jian sa paggamit ng palaso nang makarinig ng mga sigaw. Nang tingnan niya kung ano ang nangyayari ay nakita niya si Li Yong, hawak-hawak ito ng dalawang kawal at dinadala sa kung saan nagpupulong ngayon ang hari at ang mga ministro nito. Kasunod ni Li Yong si Lady Furen at dalawang tagasilbi nito, ang isa ay umiiyak habang hawak ang kaliwang leeg.

"Shaoye, hindi pa tapos ang—"

"Sshh, nakita mo ba 'yon? Mukhang may ginawa nang katarantaduhan si Li Yong. Hinuli siya ng mga kawal at ngayon ay nasa loob na at nililitis."

Bumuntong-hininga ito. "Alam kong isang araw ay mahuhuli si Yong shaoye dahil mayabang ito at palaging ipinagmamalaki si Punong Ministro Sui Hao."

Napatango na lang si Yi Jian. Nagpatuloy na siya sa pag-eensayo. Itong paggamit naman ng pana at palaso ang training niya. Pumasa na kasi siya sa sword training. Ilang sandali pa ang lumipas ay lumabas na si Li Yong, kasabay na nito ang ilang mga ministro, sina Lady Furen at ang hari.

"Wala akong kasalanan! Maniwala naman kayo! Hindi ko pinagtangkaang gahasain ang tagasilbi ni Binibining Furen!" Nagpipilit na makawala si Li Yong sa hawak ng mga kawal. "Ama, maniwala ka, hindi ko magagawa ang sinasabi—"

Hindi na natapos ni Li Yong ang sasabihin dahil sinampal na ito ni Punong Ministro Sui Hao. "Huwag mo akong tatawaging ama dahil ikinahihiya kita bilang anak ko! Paano mo nagawa ang bagay na ito? Nakakahiya!"

Umiyak si Li Yong, hindi dahil sa sampal kundi dahil sa sinabi nito. "Bakit ba ayaw niyong maniwala? Dahil ba sa reputasyon ko sa labas ng palasyo? Oo at inaamin ko iyon, pero hindi naman ako inutil para patulan ang tagasilbi ng anak ng ministro!"

"Tumigil ka na sa baluktot mong katwiran! Mas lalo mo lang pinapahiya ang sarili mo. Sa pagkakataon na ito ay hindi kita tutulungan. Kung ano man ang maging desisyon ng hari para sa 'yo ay malugod kong tatanggapin. Ihatid niyo na siya sa piitan."

Umalis na ang mga ito, halos ay kaladkarin si Li Yong ng mga kawal para maisama lang ito. Pilit pa rin kasi na kumakawala. Pinagmasdan ni Yi Jian sina Lie Feng at Sui Hao, hindi niya alam kung ano ang pinag-uusapan nito pero base sa nakikita niyang expression sa mukha ni Sui Hao ay talagang dissapointed ito dahil sa ginawa ng anak. Si Lie Feng ay inaalo ang Punong Ministro sa pamamagitan ng pagtapik sa balikat nito.

Si Lady Furen at ang dalawa nitong tagasilbi ay nasa tabi ng hari. Nagmamakaawa ito sa hari na bigyan ng hustisya ang nangyari sa mga tagasilbi nito. Pinansin naman ito ni Lie Feng at inalo din ang babae. Nakita rin niya nang yakapin nito ang hari habang umiiyak kaya lang ay hindi naman gumanti ng yakap si Lie Feng.

Mayamaya pa ay biglang bumaling ang paningin ni Lie Feng mula sa kinapupuwestuhan niya. Mabilis na humiwalay si Lie Feng kay Lady Furen. Nagulat siya sa ginawa nito. Siguro ay hindi talaga gusto ni Lie Feng ang babae. Kawawa naman si Lady Furen. Hindi niya mapigilan na mapailing.

"Tapos na ang palabas ni Yong shaoye, ipagpatuloy na natin ang pag-eensayo." Tinawag na siya ni Ouyang. Natatawang sumunod na lang siya dito. Pagdating talaga sa pagte-traning niya ay napaka-istrikto nito.
_____

MULA nang makita ni Yi Jian ang pangyayari kanina ay hindi na siya mapakali. Parang may mali sa nararamdaman niya. Merong hindi tama sa nakita niya.

"Jian gege, lumalamig na ang pagkain. Bakit hindi ka pa kumakain?"

Kasalukuyan ay nasa hapag-kainan na sila. Nakaupo lang si Yi Jian habang nakahalukipkip. Hindi siya makakain nang maayos dahil may iniisip siya.

"May nakita ako kanina na nagpagulo sa isip ko. Hindi ko alam kung ano ba itong nararamdaman ko, hindi ko maintindihan."

Tumitig ito sa kanya pagkuway napabuntong-hininga. Nilapag nito ang chopsticks sa lamesa pagkuway kinuha ang kamay niya.

Unwritten MemoriesWhere stories live. Discover now