Chapter 41

66 6 0
                                    

Trigger Warning: This volume consists of abusive scenes, killings, torturing, violence and gore scenes.

Chapter 41: Volume 4: Haunted by Sin

MAGKAKAROON ng pagsasanay ang mga bagong kasapi ng hukbo ng Yu laban sa mga batikan nang mga kawal kaya ngayon ay puspusan ang paghahanda ng mga tao para sa pagsasaayos ng entablado. Ngayon ay papasok na sa loob ng Qinghua si Dou Ji, ang Qinghua ay ang nagsisilbing kampo para sa mga kalalakihan na nais pumasok sa loob ng hukbo, malapit ito sa dalampasigan na siyang pangunahing binabantayan ng mga kawal para sa mga dadayong mga tagalabas, bukod sa pinakahanggangan ng kaharian at mga gubat.

Nang makita siya ng mga kawal na nag-aayos ng mga armas sa imbakan sa loob ay mabilis siyang binati at nagbigay-pugay sa kanya. Tinanguan naman niya ang mga ito at inutos na tapusin na ang ginagawa. Pumasok na siya sa loob bahay-panuluyan ng kampo. Naupo siya sa kanyang silya at binasa ang ilang mga nakarolyong liham.

Mga ulat iyon tungkol sa mga naging gastusin sa nakalipas na isang taon, mga pagkain na nakokonsumo ng mga kawal at mga armas na dumarating sa kanila. Napakunot-noo na lang siya dahil mas maraming armas ang na dumarating sa kanila ngayong taon kaysa noong nakaraan. Inusisa niya rin ang mga pagkain, at tubig na rasyon nila, walang pinagbago ang datus ngayon kaysa noon samantalang kinausap niya ang hari tungkol sa pagdadagdag ng rasyon sa kanila. Pero bakit mas maraming armas ang dumating? Hindi sa hindi niya nagugustuhan na marami silang armas sa imbakan nila pero masyado nang puno ang imbakan, tulad kanina ay naabutan niya ang nga kawal na inasikaso ang mga armas na sa labas na lamang ng imbakan nakalagay.

"Ji Jiangjun, nakahanay na ang mga bago nating kasapi sa entablado." Pag-uulat sa kanya ni Xiao Zhang na sinama niya sa Qinghua. Plano niya rin kasi na ipasok ang binatilyo sa hukbo, sa edad nitong labing-lima ay nakikitaan na niya ito ng galing sa paghawak ng espada.

Napatango na lang siya pagkuway binalik sa lamesa ang mga liham. Ang tungkol sa mga rasyon ng mga armas, babalik siya ng Jinhuang mamayang gabi para iulat sa hari ito.

"Xiao Zhang, hindi mo pa ba napag-isipan ang alok ko sa 'yo? Ayaw mo bang maging kasapi ng hukbo ko?" Mayamaya ay tanong niya kay Xiao Zhang.

Napatitig ito sa kanya. "Nagpapasalamat ako sa magandang alok niyo, Jiangjun, pero mas nais ko muna kayong pagsilbihan."

Napabuntong-hininga si Dou Ji. "Hindi habang buhay ay pagsisilbihan mo ako. Ang isang tulad ko na Jiangjun na hukbong ito ay nakatapak ang isang paa sa lupa. Nais ko na ang mga tulad mong may talento at may puso para sa kaharian ay magkaroon ng magandang posisyon. Mas matutuwa ako kung hindi lang ako mapagpasilbihan mo kundi ang mga tao din ng Yu."

Napangiti ito sa papuri niya. "Kung ang hiling ni Ji Jiangjun ay makapasok ako sa hukbo, gagawin ko. Pero, Jiangjun, ngayong taon ay hayaan niyong tapusin ko ang paninilbihan sa inyo habang nag-aaral. Nais kong maibalik ang kabutihang ginawa niyo sa akin." Nakayuko nitong sabi, nakikiusap.

Tumayo si Dou Ji pagkuway pinalo-palo ang balikat nito tanda na pumapayag siya sa kahilingan nito. Ang utang na loob na tinutukoy nito ay noong nasangkot si Xiao Zhang sa isang grupo kung saan sapilitang pinagtatrabaho ito sa pamamagitan ng pamamalimos at pagnanakaw sa kapitolyo. Sampong taon na rin ang nakakaraan mula nang mangyari iyon. Magmula noon ay palagi na itong nakasunod sa kanila ni Liu Xue, naiinis nga si Liu Xue noon dahil para daw itong aso na naksunod. Napag-alaman ni Dou Ji na na ulilang lubos na pala ito kaya nakiusap siya noon kay Ming Jiangjun na kunin si Xiao Zhang para maging personal niyang tagasilbi. Pumayag naman ito kaya hanggang ngayon ay naninilbihan pa rin ito sa kanya.

"Aasahan ko na sa isang taon ay makikita kita sa loob ng kampo na nag-eensayo." Nasabi na lang niya.

Dala ang kanyang espada ay nagtungo na siya sa entablado, ipinakilala siya ng Daifu sa mga bagong kasapi ng hukbo pagkatapos ay nagbigay-pugay sa kanya. Pinagmasdan niya ang mga bagong kasapi ng hukbo na nangangailangan pang mag-ensayo ng anim na buwan bago makalabas ng kampo para magtungo naman sa gusali ng Nancheng para kumuha ng pormal na pagsusulit. Sa oras makapasa ang mga ito sa pagsusulit ay doon lang magkakaroon ng pagkakataon ang mga ito na humawak ng posisyon sa kampo man o loob ng palasyo.

Unwritten MemoriesWhere stories live. Discover now