Chapter 68

22 6 0
                                    

Chapter 68

SA wakas! Matapos ang isang linggo at tatlong araw niyang pagkakatali ay nakawala na rin siya mula sa pagkakatali ni Lie Feng sa kanya. Para siyang ibon na bagong laya ang pakiramdam. Nakasalubong niya sina Ouyang at Li Yong. Pero tanging si Ouyang lang ang nakipag-apir sa kanya at kinumusta ang parusang natanggap kay Lie Feng.

"Li Yong?" tawag niya rito pero biglang lumuhod ito sa harap niya. "Oy, tumayo ka. Bakit ka biglang lumuluhod?"

"Patawarin mo ako sa ginawa ko. Kung hindi kita inayang lumabas ay sana hindi ka mapapahamak sa kamay ni Liu Xue! Hindi ko gusto na—" natigilan ito sa ibang sasabihin nang bigla niyang pingutin ang tainga nito para makatayo mula sa pagkakaluhod.

"Isang linggo na ang nakakaraan mula nang mangyari iyon. Huwag mo nang sisihin ang sarili mo."

"Pero ang sugat mo?"

"Magaling na." Pinakita niya rito ang benda niya sa braso. "Pero hindi pa nga lang ako puwedeng magbuhat ng mabibigat na bagay dahil baka biglang bumuka ang sugat ko." Nakangiti niyang sabi pagkuway ginulo ang buhok nito.

"Yi shaoye, isang linggo na rin siyang tahimik at hindi nakakain nang maayos dahil sa nangyari sa 'yo. Natakot talaga siya para sa kaligtasan mo."

Napangiti na lang si Yi Jian. "Ayos na ako. Buhay pa ako. Saka isipin mo na lang na blessing in disguise ang ginawa mong pag-aya sa akin dahil nahuli natin si Liu Xue."

"Blessing in..." nagkatinginan sina Ouyang at Li Yong. Hindi naintindihan ang sinabi niya.

"Basta, ayos na ako. Iyon ang mahalaga." Pagbibigay niya ng assurance sa mga ito.

Ilang sandali pa ay inaya niya ang mga ito para magpunta sa tahanan niya. Isang linggo rin kasi siyang nasa tahanan lang ni Lie Feng. Mabuti na nga lang ay hindi suya nababagot doon dahil kasama nila si Qingxing. Naglalakad sila nang makasalubong ang dalawang lalaking tagasilbi. May hawak-hawak itong mga pagkain na nakalagay sa tray. Nakita niya na nagtatawanan ang mga ito matapos duraan ang mga pagkain. Hindi sila napansin ng mga ito dahil patuloy lang ito sa pagtatawanan. Hinarang niya ang mga ito kaya tumigil, nagbigay-pugay sa kanila.

"Para kanino ang pagkain na 'yan?" tanong ni Ouyang.

"Ito ba? Para ito sa presong si Liu Xue." Nakangiting sagot nito.

"Pinakamasarap na pagkain ang inihahain namin sa presong iyon. Siguradong matutuwa ang lahat ng mga napatay ng taong iyon." Dagdag pa ng isa saka muling nagtawanan ang mga ito.

"Pinakamasarap?" sabi ni Li Yong saka binuksan ang takip ng mangkok. Nagulat na lang ito dahil ang laman niyon ay buhay na bulate.

Binuksan din ni Ouyang ang isa pang mangkok at mga patay na ipis naman ang nandoon. "Anong klaseng pagkain ito?"

"Nararapat lang ang pagkain na ito para sa—"

Hindi na nito natapos ang sasabihin dahil bigla niyang kinuha ang mga mangkok at tinapon iyon sa mukha ng dalawang lalaki. Nagulat naman ang mga ito, ang tagasilbi na may hawak na mangkok ng bulate ay napasuka pa dahil sakto sa bibig nito nang itapon niya ang laman niyon. Nagalit pa ang mga ito dahil sa ginawa niya. Hinablot naman niya ang kwelyo ng mga ito at inilapit sa mukha niya.

"Sabihin mo sa 'kin ang totoo. Sa loob ba ng isang linggo at mahigit na nandito sa Liu Xue ay ganitong pagkain ang binibigay niyo sa kanya?"

"Yi Jian," pigil sa kanya ni Li Yong dahil may iba pang mga tagasilbi ang nakakakita sa ginagawa niya. Pero wala siyang pakialam sa mga ito.

"Yi shaoye, huminahon ka muna. Kausapin mo sila nang maayos." Pinigilan na rin siya ni Ouyang.

Nakuyom na lang ni Yi Jian ang kamao pagkuway binitiwan na ang mga ito. Napaluhod naman ang mga ito sa harapan niya at humihingi ng tawad. Pero hindi niya narinig ang mga iyon, umupo rin siya para magpantay ang mga mukha nila.

Unwritten MemoriesOnde histórias criam vida. Descubra agora