Chapter 66

18 6 0
                                    

Chapter 66

"HINDI kita mapapatawad sa oras na may mangyaring masama kay Yi Jian." Mariing sabi ni Lie Feng kay Li Yong bago pinatakbo ang kabayo. Dala-dala ngayon ni Lie Feng ang buong hukbo ng kanyang kaharian habang mabilis na tinatahak ang lugar na sinabi ni Li Yong na pinag-iwanan nito kay Yi Jian.

Kanina ay nalaman niya mula kay Ouyang na isinama ni Li Yong si Yi Jian dahil may gusto daw na sabihin ito ng personal kay Yi Jian. Nang marinig niya iyon ay alam na niya agad ang gustong sabihin nito, kahit hindi nito sabihin ay alam niya na may nararamdaman din ito para kay Yi Jian. Hindi siya maaaring magkamali sa hinala niya. May tiwala siya kay Yi Jian na tatanggihan nito ang sasabihin ni Li Yong kaya naman naging panatag siyang hintayin ang pagbabalik nito pero ang hindi niya inaasahan ay ang pagbabalik ni Li Yong na nag-iisa at may dala pang masamang balita.

Nasa paligid pa rin si Liu Xue at nag-aabang lang ng pagkakataon para mapaslang nito si Yi Jian. Hindi na siya ulit papayag na muling mapaslang ang taong pinakamahalaga sa kanya, hindi ngayon na isa na siyang hari.

Sa kapitolyo sila dumaan kaya naman nagkaroon ng takot ang mga tao doon. Nagtataka sa kung ano ang meron at inilabas ng hari ang buong hukbo. Pero saka na lang siya magpapaliwanag sa mga tao, ang mahalaga ngayon ay buo ang puwersa niya para tuluyan nang mapaslang si Liu Xue!

Ilang sandali pa ay nakarating na sila sa pinag-iwanan ni Li Yong kay Yi Jian. Sa daan pa lang ay nakita na niya agad ang dalawang kabayo na kapwa nasa lupa at nakahandusay. Buhay pa ang mga ito kaya lang ay may mga sugat sa binti. Walang bakas ni Yi Jian sa paligid kaya nasisiguro niyang buhay pa ito. Hindi ito magaling sa pakikipaglaban kaya siguradong tinakasan ni Yi Jian si Liu Xue.

Pinag-aralan niya ang paligid. Merong gubat sa kaliwa at may palayan sa kanan. Walang anumang bakas na may tumakbo sa palayan kaya nasisiguro niya na pumasok ang mga ito sa loob ng gubat. Kaya naman inutos niya na pumasok sila sa loob para hanapin si Yi Jian.
_____

"MUNTIK na tayong matuklaw ng ahas kanina." Natatawang sabi ni Yi Jian habang naglalakad siya pabalik para makalabas ng gubat. Kaya lang kanina pa siya naglalakad pero hindi pa rin siya makalabas. Sa tingin niya ay masyadong napalayo ang tinakbo niya kanina. Saglit siyang huminto at inikot ang kanyang paningin sa paligid. "Hmm, parang nadaanan na natin ang lugar na ito."

"Hindi nga ikaw si Dou Ji!" Mayamaya ay sabi ni Liu Xue na ngayon ay karga-karga niya mula sa kanyang likod. "Magaling si Dou Ji sa mga lugar, mabilis niyang napag-aaralan ang isang gubat kahit isang beses pa lang siyang nakakapasok doon."

Biglang napangiti si Yi Jian sa sinabi nito. "Balita ko nga rin ay magaling sa pakikipaglaban si Dou Ji."

"Hinahangaan siya ng mga tao noon." Nakakuyom ang kamao na sabi nito. "Matalik na kaibigan at kapatid ang turing niya sa akin. Pero sinira ko ang pangalan niya at pinatay ko siya."

Hindi na sumagot si Yi Jian at nagpatuloy na lang sa paglalakad. Base sa narinig niya mula dito ay pumasok sa utak niya na siguro ay nagsisisi ito sa ginawa sa dating kaibigan. Kaya lang ay huli na para magsisi sa maling ginawa nito noon pero buhay pa rin naman ito at may pag-asa pang magbago. Kung sana ay aalisin na nito ang galit na nararamdaman.

"Nagsisisi ka ba sa ginawa mo sa kanya noon?"

Bahagya itong tumango bilang sagot. "Ang gusto ko lang naman ay mahigitan siya, gusto kong maging katulad niya. Isang bayani sa mata ng mga tao. Gusto kong maranasan kung paano hangaan ng mga tao. Gusto kong maging hari ng kahariang ito dahil iyon ang paraan para tuluyan ko siyang malagpasan. Kaya ko nagawa ang lahat ng iyon ay dahil sa pansarili kong interes, tama si Dou Ji noon naging makasarili ako. Patawarin mo ako, Dou Ji..."

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon