Chapter 53

30 5 0
                                    

Chapter 53

ANG mga pulang bulaklak ay isang uri ng droga. Ang unang gumamit nito ay ang dalawang manggagamot na naninirahan sa kabundukan ng Shiti. Pitong taon na ang nakakaraan nang lusubin niya, kasama nag ilang mga kawal ang Shiti para puksain ang maling gawain ng mga ito. Sa tulong ng mga impormasyon na ibinigay noon ni Wenrou, kung saan ang ama nito ay isa sa mga nangunguha ng mga bata at ibinibenta sa dalawang manggagamot. Napuksa nila ang karumal-dumal na ekspiremento na nagaganap sa Shiti. Nailigtas nila ang mga batang nasa loob ng isang kulungan, ang kulungan ay nasa isang lihim na silid sa ilalim ng lupa kung saan pinasadyang gawin iyon.

At hindi lamang ang mga iyon ang nalaman niya, dahil ang mga hindi tagumpay na ekspiremento—ang mga batang namatay sa gitna na pag-o-opera ay ipinapakin sa mga buwitre. Ang mga buwitreng ito ay may pugad sa isa pang bundok, ang Shan. Tinatawag lamang ng manggagamot ang mga buwitre mula sa kabilang bundok para kainin nito ang patay na katawan. Nang magtungo si Dou Ji sa pugad ng mga buwitre ay may ilang kalansay pa siyang nakita doon, dinadala marahil ng mga ibon para ipakain sa mga inakay. Noong nanunungkulan pa si Ming Jiangjun ay nanguna rin ito para imbestigahan ang kaso ng pagkawala ng mga bata, nagpunta rin ito sa Shiti pero wala itong nakita noon. Iyon pala ay dahil may lihim na silid ito.

Pinag-e-ekspirementuhan ang katawan ng bata. Pinapainom ng gamot na mula sa pulang bulaklak at saka ooperahan ng gising, gustong patunayan na hindi mamamatay ang bata dahil magiging manhid ang katawan nito. Totoong mabisa ang gamot pero hindi katanggap-tanggap ang paraan ng paggamit kaya naman ipinagbawal ni Haring Fu Bai na palaganapin ang tungkol sa drogang ito.

Ang mga pulang bulaklak na nadiskubre ni Dou Ji na pinaparami ay sinunog niya, kahit ang mga binhi niyon ay hindi niya pinalagpas.Pero ngayon, muli ay bumalik na naman ang nakaraan. Si Xian Mu at Liu Xue, magkasabwat sa pagpapalaganap nitong muli. Nagagawa man ni Dou Ji at ng mga tulisan na pigilan ang bawat transaksyon ng mga ito pero hindi iyon sapat. Ang kailangan nilang gawin ay ang hugutin ang pinakaugat ng bulaklak na iyon para hindi na lumawak pa. Kaya muli rin siyang bumalik sa kabundukan ng Shiti sa pag-asang may makiha siyang impormasyon. Pero wala siyang mahanap na kahit anong bakas tungkol sa hinahanap niya.

Pabuntong-hininga siyang napahiga sa kanyang higaan. Sa ngayon ay nandito siya sa maliit na bahay na pinagawa para sa kanya ni Lao Gang, kasama niya dito si Sui Hao at ang anak nito na si Li Yong na nasa limang taong gulang na. Ang totoo niyan ay naninirahan ang mga ito sa kapitolyo pero pinasadya niyang dalhin ang mga ito sa Qingrong dahil sa takot na baka malaman ni Liu Xue ang relasyon niya sa mag-ama. Lalo at ang tinitirhan ng mga ito noon ay ang bahay niya sa kapitolyo, ang bahay na iyon ay ang dati niyang tirahan bago siya ampunin ni Ming Jiangjun. Ayaw niyang mapahamak ang mga ito kaya naman kinuha niya ang mga ito.

Ulilang lubos na rin si Sui Hao at ang asawa naman nito noon na buntis. Pinatira niya ang mga ito sa dati niyang bahay para maging tagapangalaga ng bahay niya. Hanggang sa nanganak na ang asawa ni Sui Hao pero binawian din ng buhay, hindi kinaya ang pagdadalang-tao dahil nasa murang edad pa lang. Labing-apat na taon pa lang kasi ang mga ito noon.

Magmula noon ay sinuntentuhan na niya ang mga ito. Siya na rin ang nagbigay ng pangalan sa anak nito. Naisipan niyang Li Yong ang ipangalan dito dahil sa tuwing kinakarga niya ito noong sanggol pa ay palagi siya nitong sinusukahan, iniihian at ang malala ay dumudumi ito sa kanyang damit. Sa tuwing ginagawa iyon ng sanggol ay tumatawa ito kaya Li Yong na ang pinangalan niya na ang ibig sabihin ay mapagsamantala.

"Ji Jiangjun, nakapagluto na ako ng hapunan natin kaya—"

"Huwag mo na akong tawagin na jiangjun. Hindi na ako jiangjun ng palasyo. Simpleng palamunin na lang ako sa bahay na ito."

Natawa ito sa sinabi niya. "Huwag mong sabihin iyan. Kung tutuusin ay sa 'yo ang bahay na ito kaya huwag mong isipin na palamunin ka. Kung nandito ang asawa ko ay siguradong magagalit iyon sa 'yo."

Unwritten MemoriesWhere stories live. Discover now