Chapter 85

16 6 0
                                    

Chapter 85

NAGISING si Yi Jian nang naramdaman na may sumisipa sa kanyang binti. Nang imulat niya ang mata ay nabigla na lang siya dahil nasa hindi pamilyar na lugar siya. Napatingin siya sa kanyang mga kamay na nakatali pataas, ang mga paa niya ay nakaposas din. Pinilit niyang hilain ang mga kamay pero baliwala dahil masyadong matibay ang mga kadena.

"Yi Jian, baliwala ang ginagawa mo. Hindi ka makakatakas kung hindi gagamitan ng susi ang mga kadena dito." Napatingin siya kay Li Yong na katulad din niya ay nakakadena din, sa kaliwa niya ay si Ouyang na natutulog pa rin. Naririnig pa nga nilang humihilik ito. May tig-isang metro silang layo sa isa't isa. "Kanina pa siya ganyan. Ikaw lang ang kaya kong abutin para gisingin. Maaari mo ba siyang sipain? Naiinis ako na mahimbing ang tulog niya habang nasa ganito tayong sitwasyon."

Naiiling na sinipa nga niya nang ilang beses si Ouyang. Hanggang sa nagising na ito. Humikab pa ito at ilang minuto pa ang lumipas bago nito na-realize na nasa kulungan sila.

"Yi Jian shaoye—"

"May dumukot din sa atin at dinala sa lugar na ito. Iyon ang sasabihin mo, 'di ba?" Dugtong niya sa ibang sasabihin ni Ouyang pagkuway napabuntong-hininga. "Nagsimula na siyang kumilos laban sa akin."

"Sino ang tinutukoy mo, Yi shaoye?"

"Ang Punong Ministro, ang aking ama. Siya ang nasa likod ng pagdukot sa atin."

Napatingin si Yi Jian kay Li Yong. "Nagpakita ba ang iyong ama sa 'yo?" Tumango ito lang ito bilang sagot.

"Anong dahilan at dinukot niya tayo?" tanong ni Ouyang.

"Pasensya na, nadamay kayo sa mga nangyayari ngayon." Nakayuko niyang sabi, hindi pinansin ang tanong ni Ouyang. "Si Sui Hao, siya si Guwen na kasabwat ni Liu Xue. Siya ang may pakana ng pagpapakalat ng mga pulang bulaklak dito sa inyong kaharian noon."

"Imposible! Bakit gagawin iyon ng aking ama?" Agad na nag-react si Li Yong sa sinabi niya.

"Shaoye, hindi maaari ang mga sinabi mo. Kaibigan siya ni Ji Jiangjun at halos magkasing-edad lang sila ni Haring Lie Feng!"

"Bago namatay si Liu Xue ay sinabi niya sa akin na pareho ng sulat-kamay si Guwen at si Sui Hao."

"Ang mga sinabi mo ay kasinungalingan! Nasisiguro ko na—" May sasabihin pa sana si Li Yong pero natigilan na ito nang biglang dumating si Sui Hao, pumasok ito sa loob ng kulungan.

"Ang mga sinabi ni Yi Jian ay pawang katotohanan! Ako nga si Guwen na nagawang sirain ang buong kaharian ng Yu noon."

Umiling si Li Yong, ang mga mata ay nakikiusap na huwag nitong sabihin ang mga iyon. "Ama, hindi pa rin ako naniniwala na makakaya mong gawin ang mga sinabi ni Yi Jian. Magkaibigan kayo ng dating jiangjun at—"

"Kinaibigan ko siya para magawa ko lahat ng plano ko noon. Limang taon ang hinintay ko para lang makalapit sa kanya. Mabuti na lamang at nakilala ko ang iyong ina, dinadala ka na niya noong nakilala ko siya."

Hindi na nagulat si Yi Jian nang marinig iyon, mula nang may makita siya sa tahanan nito ay alam na niya ang totoo. Pero sina Li Yong at Ouyang ay nagulat sa sinabi nito, mas higit na pagkagulat ang naramdaman ni Li Yong nang marinig iyon kay Sui Hao. Hindi totoong anak ni Sui Hao si Li Yong. Nag-aalala na napatingin si Yi Jian kay Li Yong. Ang mga mata nito ay hindi makapaniwala, nakangiti ito na para bang iniisip na isa lang biro ang sinabi ng ama sa kanya.

"Ama, ano bang sinasabi mo? Hindi kita totoong ama? Magkasama tayo mula noon hanggang ngayon! Marami tayong pinagsamahan at ngayon ay sasabihin mo sa akin ang mga 'yan? Alam kong nagagalit ka lang kaya mo nasasabi ang mga ito. Bawiin mo ang sinabi mo! Ikaw ang aking ama, anak mo ako!"

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon