Chapter 42

23 5 0
                                    

Chapter 42

MAGDAMAG na naghintay si Dou Ji hindi kalayuan sa mansyon ng ministro ng pakikidigma. Ang ministrong ito ang siyang nangangasiwa sa pagbibigay ng rasyon ng pagkain, sa mga kagamitan ng mga tao sa kampo, paniniguro na sapat ang mga kabayong ginagamit at mataas ang kalibre, higit sa lahat, ito rin ang nangangasiwa ng mga armas na ibinabagsak sa kanila. Pero ngayon, ang mga armas na ibinibigay sa kanila ay mababang uri. Sa pagkakaalala niya ay mahigpit na bilin ng hari na hindi dapat tinitipid ang hukbo dahil sila ang nangangalaga sa kaharian. Sa tingin niya ay may nangyayaring anomalya sa ministrong ito at iyon ang dapat niyang alamin.

Sa ngayon ay pinakiusapan niya si Wenrou para muli ay ayusan siya. Nagbabalat-kayo siya ngayon bilang isang babae. Ayaw niya sanang magpanggap ng ganito kaya lang ay wala siyang magawa dahil ito ang nag-aayos sa kanya. Nitong isang taon na kasama niya si Wenrou ay naturuan naman siya nito kaya lang hindi pa siya kasinggaling nito, hindi siya magaling sa paghahalo ng mga kulay at hindi niya natatansya ang kapal at nipis kapag sinusubukan niyang ayusan ang sarili.

Mayamaya ay napapitlag siya sa kinatatayuan. Nakita na niya kasi si Ministro Gu Nou na lumabas ng tahanan nito. Sumakay ito ng karwahe at nagtungo na sa kapitolyo. Wala namang ibang magawa si Dou Ji kundi ang sundan ito, hindi siya maaaring sumakay ng kabayo dahil masisira ang binubuo niyang imahe.

Makaraan ng kalahating minuto na pagsunod dito ay nakita niya ang karwahe na huminto sa isang bahay-panuluyan. May isang babaeng sumalubong dito at parang ahas na nilingkis ang mga kamay sa braso ng ministro saka pumasok sa loob. Nakuyom ni Dou Ji ang kamao, mukhang hindi siya basta-basta makakapasok sa loob dahil ang bahay-panuluyan na ito ay konektado rin sa bahay-aliwan na katapat lang nito. Kilala niya ang nagmamay-ari nito at tanging ang pinapapasok lang ay ang mga taong may kasamang uupa ng isang kuwarto.

Tumalikod na siya, balak niyang dumaan sa likod at isa-isang silipin ang mga bintana roon. Pero nang akmang tatalon siya ay nakita niya si Lie Feng na sakay ng kabayo nito at ang direksyong tinatahak ay ang papunta sa mansyon niya. Tatawagin niya sana ito pero may ilang babae ang lumapit sa binatilyo, pilit na ipinapasok sa loob ng bahay-aliwan.

Kaya naman tinawag niya ito. Mabilis naman siya nitong nakilala at mabilis na pinatakbo ang kabayo para makalapit sa kanya.

"Jiangjun, anong meron at nagpapanggap ka na namang babae?" tanong nito nang makababa ng kabayo.

Hindi agad sumagot si Dou Ji. Pinagmamasdan lang ito at palihim na sinusukat ang tangkad nito sa kanya. Naningkit na lang ang mata niya dahil matangkad na ito kaysa sa kanya ng isang pulgada. Napailing na lang siya, hindi niya dapat iniisip iyon. Mas mahalaga ang misyon niya ngayon.

"May iniimbistigahan ako," tumingin siya sa bahay-panuluyan. "Pumasok sa loob ang Ministro ng Pakikidigma at ang tanging pinapapasok lang ay ang mga taong nanggaling sa bahay-aliwan." Binalingan niya ito. "Tutal ay nandito ka naman, samahan mo ako sa loob ng panuluyan."

Napa-ha na lang si Lie Feng at sa huli ay walang nagawa dahil isinama na siya ni Dou Ji papasok. Hindi naman halata na mas bata ito sa kanya ng walong taon dahil na rin mas matangkad ito sa kanya—bagay na ewan ba niya pero kinaiinisan niya. Gusto niya kasi na maging mas matangkad sana pero hindi siya biniyayaan ng tangkad kaya umabot lang siya hanggang lima at walong pulgada.

"Anong meron sa inyong ministro? Bakit nais mo siya imbestigahan?" Tanong nito habang inililibot ang paningin sa paligid. Ang kuwartong pinasukan nila ay maliit lamang, may isang lamesa, dalawang upuan at isang kama na petite type.

"Sshh," saway ni Dou Ji habang abala sa paggawa ng butas para makita ang nangyayari sa loob ng kabilang silid. Ilang sandali pa nga ay matagumpay siyang nakagawa ng maliit na butas sa gilid ng kanto ng silid nila. Laking palasamat niya na ang napuntang kuwarto sa kanila ni Lie Feng ay katabi lang ng ministro. Sumilip siya sa loob, nakuyom na lang niya ang kamao nang makita kung sino ang kausap ni Ministro Gu Nou.

Unwritten MemoriesWhere stories live. Discover now