Chapter 54

20 5 0
                                    

Chapter 54

IPINARADA ni Xian Mu, Liu Xue at iba pang mga kawal ang wala nang buhay na katawan ni Fu Bai sa Jinhuang Buhat-buhat ng mga kawal ang isang malapad na tabla kung saan nasa ibabaw niyon ang dating hari, nakabalot sa puting tela. Ipinakita sa mga mamamayan na talagang wala na silang hari. Sa kasalukuyan ay nasa itaas ng isang mayabong na puno si Dou Ji, nakaupo siya sa matigas na sanga doon habang kinakain ang napipitas na bunga ng mansanas. Makapal ang mga dahon na tumatabing sa kanya kaya hindi siya makikita ninuman.

Marami siyang nakikitang umiiyak dahil sa pagkawala nito. Aaminin niya na kahit may pagkagahaman, walang galang ito sa mga naging babae noon at ang kasuklam-suklam na pagkuha nito sa puri ng mga batang babae ay malaki rin ang naiambag nito para maging mayaman ang kaharian ng Yu.

Gahaman sa pera ang dating hari pero ginagamit naman nito ang perang nakukuha para sa mga mamamayan ng Yu. Marami na rin itong natulungan na mga mahihirap. Nagpatayo ng mga bahay, nagbigay ng trabaho sa mga kapos-palad at binigyan ng kapital ang mga gustong magsimula ng negosyo. Kaya lang ay kahit gaano pa kalaki ang ambag nito ay hindi pa rin maiwasan ni Dou Ji na manghinayang. Gusto niya sanang mamatay ito sa mga kamay niya bilang ganti sa mga batang babae na inabuso nito.

Sa malawak na solar sa bayan ay huminto si Xian Mu at nagbigay ng anunsyo sa mga tao.

"Isang malaking dagok ang dumating sa aming pamilya. Pinatay ang aking ama habang nasa paglalakbay ito papunta sa Qingrong. Siguro ay nabalitaan niyo na kung sino ang may kasalanan sa pagkamatay ng dating hari. Oo, si Zhan Dou Ji. Alam naman natin lahat na ang bayan ng Qingrong, ilog ng Haixian at Qinghua ay sinakop na ng dating jiangjun at ng mga kaanib niyang tulisan. Ang paglalakbay ni ama ay para magkaroon ng negosayosn sa kanyang dating jiangjun pero anong ginawa ng lapastangang iyon? Walang-awa na pinatay si ama kasama ang ilang mga kaanib niyang kawal noon. Ang walang-hiya!"

"Pero bakit papatayin ni Ji Jiangjun si Haring Fu Bai?" tanong ng isang matandang babae. "Napakabait na bata ni Xiao Ji. Hindi niya magagawa na—"

"Dala nang matinding galit dahil inalisan siya ng aking ama ng posisyon sa loob ng palasyo ay nagdesisyon si Dou Ji na patayin ang aking ama. Alam ko na bayani ang tingin niyo sa kanya pero nasaan na siya ngayon? Hindi ba at nagtatago na?"

"Hindi totoo 'yan!" May isang bata ang sumigaw.

Ouyang! Napatingin si Dou Ji sa entablado. Hindi alam nina Xian Mu at Liu Xue ang batang ito na malapit sa kanya. Sana lang ay wala silang gawing masama kay Ouyang... pero bakit nandito ang batang 'to?

"At ano ang patunay mo na hindi totoo ang mga sinasabi ko bata?" Tanong ni Xian Mu. "Duwag ang dating jiangjun! Ni hindi nga siya makatapak sa kapitolyo dahil sa takot na mahuli at mahatulan ng kamatayan!"

"Hindi siya duwag!" Mas lalo naman nanggigil si Ouyang dahil sa panlalait ni Xian Mu. "Nakikita ko siya sa kapitolyo! Pinagalitan pa nga siya ng isang tindero ng malalaswang libro dahil nagbabasa lang siya at hindi bumibili!"

Pagkatapos sabihin ng bata iyon ay nagtawanan ang mga tao. Si Dou Ji naman ay muntik nang mabilaukan at mahulog mula sa pagkakaupo sa sanga.

Ang batang iyon! Nakita niya pala nang pinagalitan ako ng tindero! Hindi naman sa talagang nagbabasa si Dou Ji ng mga ganoong babasahin pero nang araw na iyon ay wala lang siyang magawa kaya naman napagdiskitahan niya na tingnan ang mga malalaswang libro para mabasa. Naalala niya kasi nang minsang alukin siya ni Liu Xue para magbasa nang ganoon pero tumanggi siya. Pero hindi na niya dapat sinabi iyon! Nanghahanap lang siya ng maaari niyang ikapahamak!

"Tahimik! Anong karapatan niyong tumawa?" Sigaw ni Xian Mu saka binalingan ang bata. "Nakikita mo si Dou Ji sa kapitolyo? Nakakapasok ang taong iyon sa lugar ko na hindi niyo man lang iniuulat sa palasyo?"

Unwritten MemoriesWhere stories live. Discover now