Chapter 101

17 6 2
                                    

Chapter 101

YAKAP-YAKAP ang mga tuhod ay patuloy sa pag-iyak si Dou Ji. Mula pa kahapon ay nandito na sila sa maliit na kweba sa likod ng maingay na agos ng talon. Nang tumakas sila ay dinala ito ni Shu sa paanan ng kabundukan ng Shan para magpalipas ng gabi.

"Shu, gusto kong makita ang aking ina. Gusto kong malaman ang sitwasyon niya ngayon sa kamay ng taong iyon."

Natigilan si Shu mula sa paglalagay ng kahoy sa ginawa niyang apoy para mainitan silang dalawa. Tumingin siya dito. "Xiao Ji, sa tingin mo ba ay buhay pa siya matapos ng ginawa niya sa taong iyon?"

Masama siyang tiningnan nito pagkuway padabog na tumayo. "Buhay pa ang aking ina! Kailangan ko lang siyang balikan at dalhin sa kwebang ito para makapagtago!" Akmang lalabas ito ng kweba ng hilain niya pabalik sa loob, napatid ito kaya napaupo sa higaang dayami na ginawa niya para sa kanila. "Ikaw—" akmang sasapakin siya nito pero hinuli niya ang kamao nito pagkuway pumaibabaw siya dito.

"Pinatakas ka ng iyong ina para makaligtas sa balak gawin ng taong iyon. Nagpaiwan siya doon para isakripisyo ang sarili para sa 'yo pagkatapos ay sasayangin mo ang ginawa niya?" Mataas ang boses na pangaral niya kay Xiao Ji.

"S-shu..."

Bahagyang lumambot ang mukha niya nang makita na nagulat ito dahil sa pagsigaw niya. Binitawan na niya ito pagkuway hinila para makabangon. Lumuhod siya sa harap nito. "Patawad sa pagtaas ng boses ko pero nagsasabi lang ako ng totoo."

Napakagat-labi na lang si Dou Ji. Nakuyom ang kamao pagkuway itinago sa braso ang mukha para hindi niya makita ang pag-iyak nito.

"G-gusto ko pa rin siyang makita. Matatahimik lang ako kung makikita ko ang sitwasyon niya ngayon."

"Xiao Ji, paano kung—"

"Kung pinaslang man siya ng taong iyon ay kukunin ko ang bangkay ng aking ina at ililibing ko sa lugar na tayong dalawa lang ang nakakaalam."

Napipilitang tumango si Shu. Nagpalipas sila ulit ng buong araw sa loob ng kweba. Nang sumapit ang hating-gabi ay saka sila lumabas ng kweba para pumunta sa Jinhuang. Ilang sandali pa ay nasa bungad na sila. Saglit na iniwan ito ni Shu para kumuha ng sumbrero, ipinasuot niya ito kay Xiao Ji para walang makakilala dito. Mayamaya pa ay nakarating na sila sa tahanan ni Xiao Ji, nakita nila si Jiu San, kausap nito ang mga lalaking pumunta kahapon.

"Nawala na ang anak-anakan mo?"

Napakamot sa ulo si Jiu San. "May kasama pang batang lalaki si Dou Ji, hindi ko kilala kung sino iyon pero ipinapahanap ko na ang mga batang iyon."

Binagsak ng lalaki ang iniinom ng baso ng alak. "Malaki sana ang kikitain ko sa batang iyon. Bukod sa may magandang mukha na maaari kong pampalipas oras o ng ibang may hilig sa katulad niya ay maaari ko rin siyang ibenta sa mag-asawang manggagamot sa kabundukan ng Shiti kapag nagsawa na ako sa kanya."

"Sa Shiti? Anong meron sa kabundukang iyon?" tanong ni Jiu San.

"May mag-asawa doon na baliw," bahagya itong bumulong. "Kinontrata nila kami para kumuha ng mga bata sa bawat bayan. Dadalhin namin sa kanila ang mga nakuha namin at pag-e-ekspirementuhan nila ito. Malaki ang bayad sa amin pero delikado nga lang dahil sa oras na malaman ito ng palasyo ay siguradong..." nagmuwestra ito ng hiwa sa leeg na ang ibig sabihin ay kamatayan.

Napapukpok naman sa lamesa si Jiu San. "Dapat sinabi mo agad sa akin 'yan! Dapat pala ay matagal ko nang ibinenta si Dou Ji sa mga taong iyon!"

"Ang sama!" Gigil na bulong ni Xiao Ji.
Inakbayan ito ni Shu para mapakalma. Pero kahit siya ay hindi makapaniwala sa mga naririnig. Ang mag-asawang manggagamot sa kabundukan ng Shiti, kilala niya ang mga ito. Ang balak ng mga ito na pagkuha sa mga bata para pag-ekspirementuhan ay tinuloy ng mga ito. Meron kasing nakuhang binhi ng mga pulang bulaklak ang mga ito mula sa mangangalakal na dumayo sa kaharian. Sa tuktok ng kabundukan kung saan ito nakatira ay merong hardin ng mga pulang bulaklak ang mga ito. Sa pag-aaral na ginawa ng mga ito ay nalaman nilang maaaring makagamot ng anumang uri ng sakit ang bulaklak. Ibinenta ng mga ito ang ginawang gamot sa kapitolyo pero hindi iyon nagtagal dahil nalaman iyon ng ministro ng kalusugan sa palasyo at sinira ang maliit na tindahan ng mga ito. Nagalit ang mga ito dahil sa pagtataboy nila kaya naman muli ay nanaliksik ang mga ito para sa ibang pang benipisyo ng mga pulang bulaklak at doon ay nalaman ng mga ito na maaaring gawing pampamanhid. Sinubukan nila ito sa hayop at tagumpay ang ekspiremento.

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon