Chapter 25

66 8 17
                                    

Chapter 25

"GUAN SONG Tongjun," tawag ni Xian Mu sa tongjun ng Han. Napangiti naman ito nang makita siya kaya huminto sa paglalakad. Lumapit siya dito pagkuway nagbigay-pugay.

"Xian Mu shaoye," simpleng sabi nito. Mayamaya ay ngumisi. "Hanggang ngayon pala ay shaoye pa rin ang tawag sa 'yo at hindi wangye. Huwag mong sabihin na hindi ka pa rin kinikilala ni Haring Fu Bai bilang kanyang nag-iisang anak na lalaki?"

Bahagyang nakuyom ni Xian Mu ang kamao matapos marinig iyon. Pero kailangan niyang tiisin ang pangungutya nito sa kanya dahil may kailangan siya dito.

"Tongjun, hindi ba at ako ang dapat na nagsasabi niyan? Bakit hinirang ka na isang tongjun at ipinatapon sa labas ng Han para bantayan ang hangganan?" Naningkit ang mata nito sa sinabi niya. "Kung hindi ka ipinatapon sa hangganan ay sana ikaw ang pumalit sa emperador. Sa tingin ko ay mas karapat-dapat ka sa posisyon kaysa sa batang iyon."

"Xian Mu shaoye. Xian Mu shaoye." Napapailing na sabi nito. "Bakit ba pakiramdam ko ay inuudyok mo ako para magrebelde sa aking pamangkin? Alam mo ba ang kaparusahan sa pag-uudyok na ginagawa mo? Itatali ang dalawang kamay, paa at ang ulo; hihilain ng kabayo sa magkakaibang direksyon hanggang sa mapunit ang bawat laman ng katawan mo."

Biglang namutla si Xian Mu sa sinabi nito. Wala ba itong pagnanasa sa posisyon ng emperador? Kung gugustuhin nito ay maaaring pabagsakin ngayon ang emperador lalo at bata pa ito at wala pang alam kung paano ipagtanggol ang sarili. Palagi kasing nasa tabi nito si Yue Guang Danwei kaya nasisiguro niya na mahina ang emperador. May sasabihin pa sana siya nang biglang mapabaling sa likod niya si Guan Song. Nang lumingon siya ay nakita niya si Dou Ji, naglalakad ito mag-isa habang hawak-hawak ang renda ng kabayo.

Bigla siyang napangisi. "Naalala ko na interesado ka pala sa aming jiangjun."
Hindi ito sumagot sa tanong niya at nilagpasan lang siya. Iglap lang ay nakalapit na ito kay Dou Ji.

"Ji Jiangjun," sabi nito nang makalapit kay Dou Ji. Hindi na nag-abala para magbigay-pugay.

Naningkit na lang ang mata ni Dou Ji. "Guan Song Tongjun," ganting bati ni Dou Ji kay Guan Song.

Napangiti naman ito. "Pitong taon na rin ang nakakalipas mula nang huli kitang makita. Hindi ko akalain na ikaw ang papalit sa posisyong iniwan ni Ming Jiangjun." May halong pang-uuyam ang tono ng boses nito. Ramdam iyon ni Dou Ji. Gusto nitong palabasin na may iba siyang ginawa para magkaroon ng ganitong posisyon pero hindi na lang niya ito pinansin. Kung sasagot pa kasi siya sa pang-uuyam nito ay hahaba lang ang usapan. Mabilis na siyang nagpaalam dito at akmang lalagpasan nang humarang ito.

Napangisi si Guan Song. "Ji, hanggang ngayon ba naman ay hindi mo pa rin ako napapatawad sa ginawa ko? Mga bata pa tayo noon at may tinatagong kapilyuhan sa utak, lahat naman ng nasa ganoong edad ay naranasan na maging pilyo, tama ba?"

Mariing napapikit si Dou Ji. "Song Tongjun, bakit mo kailangan na ungkatin pa ang nakaraang iyon? Hindi ka ba nahihiya sa sadya mong paglalagay ng chūnyào sa inumin ko?" (Aphrodisiac)

Hinding-hinding niya makakalimutan ang unang beses na nagtangka ito sa kanya. May tagasilbi na naghatid ng inumin sa kanya. Muntik na niyang mainom iyon pero biglang dumating si Liu Xue noon na kakagaling sa pag-eensayo ng espada. Uhaw na uhaw ito kaya kinuha ang inumin niya at doon ay nakaramdam na ito ng sintomas kung saan kailangan nitong mailabas ang init nararamdaman.

Mabuti na lamang at may alam ito kung paano malulunasan ang nararamdaman. Nagkulong ito sa kuwarto at binabad ang sarili sa malamig ng tubig. Nang imbestigahan nila ang nangyari ay nalaman nila mula sa tagasilbi na noong inihahanda ang meryenda niya ay dumating si Guan Song at inutusan ang tagasilbi para kumuha ng makakain nito. Doon na ito nagkaroon ng pagkakataon para lagyan ng gamot ang inumin niya.

Unwritten MemoriesWhere stories live. Discover now