Chapter 77

19 6 0
                                    

Chapter 77

"JIANGJUN!" Napabalikwas ng bangon si Lie Feng nang mapanaginipan ang nasusunog na katawan nito. Agad siyang bumaba sa kama at lumabas ng silid niya. Nakita niya si Sui Hao na nakaupo lang at prenteng umiinom ng tsaa, biglang nag-init ang ulo niya nang maalala ang nangyari kanina. Pinigilan siya nito para iligtas si Ji Jiangjun.

Sinugod niya ito at sinuntok sa mukha. "Nasaan na si Ji Jiangjun! Ano ang nangyari sa kanya!?"

"Wala na siya, sinunog siya ng buhay ng mga tao sa kahariang ito."

"Paano mo nasasabi 'yan na kalmado ang boses mo? Si Ji Jiangjun, patay na? Hindi siya mapapatay ng mga tao, siguradong pinalabas niya lang na patay siya para—"

"Nakita natin kung paano siya sinunog ng mga tao. Tanggapin mo ang pagkamatay niya."

Muli ay sinuntok niya ito pero nasalo nito ang kamao niya. "Sa simula pa lang ay alam ko na ang plano niya. Sinabi niya sa akin na pigilan ka dahil alam niya na ililigtas mo siya. Ayaw niyang gawin mo iyon dahil desisyon niya ang sumugod mag-isa dito para mailigtas ang kahariang ito."

"Mailigtas? Paano maliligtas ang kahariang ito kung..." hindi niya masabi ang sunod na salita, kahit ang isipin ay ayaw niyang tanggapin. Hindi patay si Dou Ji, hindi ito puwedeng mamatay. Nakuyom na lang niya ang kamao saka binalingan ng galit ang pader, iyon ang pimagsusuntok niya.

"Lie Feng, pinigilan kita dahil iyon ang huling hiling ni JiJiangjun. Mahalaga ka sa kanya kaya ayaw niyang isakripisyo mo ang sarili mong buhay para sa kanya."

"Bakit ako ang lagi niyang dapat na iligtas? Mahina ba ako? Hindi ba ako karapat-dapat na maging tagapagtanggol niya?" Hindi niya mapigilan ang pag-iyak. Hindi niya matanggap na sa huling pagkakataon ay nagawa pa rin siyang iligtas ni Dou Ji. Napahawak siya sa kwentas na binigay niya kay Dou Ji.

"Ilang oras na ang nakakalipas mula nang sunugin nila ang katawan ni Dou Ji?"

Umiling si Sui Hao. "Hindi oras kundi dalawang araw na ang nakakalipas mula nang mangyari ang—Lie Feng!"

Hindi na pinatapos ni Lie Feng ang ibang sasabihin ni Sui Hao dahil lumabas na siya ng bahay na tinutuluyan nila. Matapos na magbalat-kayo ay mabilis siyang tumakbo pabalik sa kapitolyo. Nakita niya agad ang sunog na sunog na entablado. Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa kung saan ang huling hantungan ni Dou Ji. Nang makalapit ay agad niyang nakita puting abo sa gitna.

Lumuhod siya at inipon ang mga puting abo, inihiwalay niya ang mga itim na kalat mula sa abo nito. Hindi niya hahayaan na madumihan ang abo nito, kahit kaunting dumi ay hindi niya hahayaan na mapasama sa abo nito. Iipunin niya ang mga abo nito at dadalhin sa palasyo ng Han. Iyon ang totoong tahanan ni Dou Ji, hindi karapat-dapat na mapunta ang abo nito sa nakakasukang kahariang ito.

Nagawa na niyang ipunin ang mga abo nito pero hindi niya napansin na may nakalapit na pala sa kanyang dalawang lalaki. Binatukan siya ng isang lalaki.

"'Yan na ba ang mga abo ng pesteng si Dou Ji? Bakit iniipon mo pa, ha?"
Hindi pinansin ni Lie Feng ang mga ito. Nagpatuloy lang siya sa pag-iipon ng abo. Hindi siya papayag na may maiwang kahit na anong may kinalaman kay Dou Ji sa kahariang ito.

"Kanina pa ako naiinis sa batang ito. Hoy," muli ay binatukan siya nito. "Hindi ka ba titigil sa pagkuha ng mga abong 'yan?"

Wala siyang balak pansinin ang mga ito. Pero nang duraan ng isang lalaki ang abo ay doon na nagalit si Lie Feng. Sinuntok niya ang mga lalaking gustong dumihan ang mga abo ni Dou Ji. Nakipag-away siya sa mga ito kaya lang ay hindi papayag ang mga ito na basta lang matalo, binalikan siya nito at ang mga abo na iniipon niya ay inapakan ng mga ito.

Unwritten MemoriesWhere stories live. Discover now