Chapter 17

70 13 6
                                    

Chapter 17

"NASAAN si Yi Jian?" tanong ni Lie Feng sa tagasilbing lalaki na naabutan niyang naglilinis sa loob ng sleeping chamber ni Yi Jian.

Mabilis na nagbigay-pugay ang lalaki na hindi inaasahang pagdating ng hari kaya natataranta pa ito. "Si Yi Jian shaoye ay maagang umalis, kasama niya si Yang gege," tukoy nito kay Ouyang. "Nagtungo silang dalawa sa kapitolyo."

Biglang naningkit ang mata ni Lie Feng. Inaya ni Yi Jian si Ouyang papunta sa Jinhuang kaysa sa kanya. Tumalikod na siya at nagtungo sa sarili niyang tahanan para magpalit na kasuotan.

"Kamalahan, saan ka pupunta?" tanong ni Sui Hao nang makita siya nito. "Akala ko ba ay pag-uusapan natin ang tungkol sa—"

"Mamayang hapon na lang natin pag-usapan ang tungkol doon," nagmadali na siyang lumabas ng palasyo at nagtungo agad sa kapitolyo. Mabilis na hinanap ng kanyang mga mata si Yi Jian hanggang sa may nakita siyang kumusyon. Nilapitan niya iyon at doon nga ay nakita niya si Yi Jian na kinukwelyuhan ang dalawang lalaki na kaibigan ni Li Yong. Nakita niya rin nang akbayan ito ni Ouyang. Biglang tumalas ang mga mata niya, nakarating naman agad kay Ouyang ang presensya niya. Nakita siya nito kaya agad na inalis ang kamay sa balikat ni Yi Jian.

Sinundan niya ang ito hanggang sa makapasok sa loob ng kainan. Gusto pa niya sanang pumasok sa loob pero puno na ang paligid pati sa ikalawang palapag, makikita siya ni Yi Jian kung papasok pa siya sa loob kaya naman umalis na lang siya.

_____

"SHAOYE, sino ba ang hinahanap natin?" Humihikab na tanong ni Ouyang kay Yi Jian. Kasalukuyan ay nasa labas sila ng palasyo, naglalakad sa kapitolyo. Maaga niyang pinuntahan si Ouyang sa tirahan nito at pinilit na samahan siya.

"Hahanapin natin ang mga kaibigan ni Li Yong," sabi niya habang lumilingon-lingon sa magkabilang panig dahil baka mahagip niya ang dalawang kaibigan ni Li Yong. Wala kasi ang mga ito sa loob ng palasyo kaya naisip niya na siguradong gumagala ang mga ito dito.

"Ha? Bakit? Sa tingin mo ba kasama sila sa kaso ni Yong shaoye?"

"Hindi, pero baka may makuha tayong impormasyon para sa kaso ni Li Yong."

"Yi shaoye, hindi kita maintindihan. Kumukuha ba tayo ng dagdag na impormasyon kay Yong shaoye o tinutulungan natin siya para makawala sa piitan?"

Sandaling natigilan si Yi Jian. Hindi pa pala niya nasasabi kay Ouyang ang tungkol sa nalaman niya. Kaya naman ikinuwento niya muna dito.

"Wala siyang kasalanan? Totoo ba 'yan?"

"Oo kaya hahanapin natin ang mga kaibigan niya para tanungin kung ano ang nangyari nang araw na iyon."

Napatango-tango naman ito. "Si Yong shaoye talaga, palaging pinapahamak ang sarili. Hindi ko alam kung bakit bigla siyang nagbago, hindi naman siya dating ganyan."

Napatingin siya dito. "Magkakilala kayo noon pa?"

"Hindi ko ba nasabi sa 'yo, shaoye? Noong hindi pa nahihirang na punong ministro ang kanyang ama ay palagi kaming magkasamang maglaro noong nasa Han kami. Hindi ko lang alam kung bakit magmula nang bumalik kami dito ay parang hindi na niya ako naaalala."

"Magkaibigan na pala kayo noon pa, dapat lang na tulungan mo siya."
Nagsimula na silang maglibot-libot. Bawat panig na sa tingin nila ay tatambayan ng mga ito ay tinitingnan nila. Hanggang sa makarating sila sa isang kompulan ng mga tao. Lumapit sila sa mga ito at doon ay nakita nila ang kanilang mga hinahanap.

"Mga wala naman pala kayong sinabi! Kapag nandito si Li Yong na nagmamayabang sa ama niyang punong ministro ay matapang kayo pero nasaan na siya ngayon? Nakakulong dahil sa pagtatangka niya sa tagasilbi ng anak ng ministro!" Galit na sabi ng lalaking balbas-sarado sa dalawang lalaki na hinahanap nila. Kapwa nakasalampak sa lupa ang mga ito. Sa tingin niya ay umangas ang dalawang ito sa lalaki dahil akala ay matatakot ito sa kanila.

Unwritten MemoriesWhere stories live. Discover now