Bulacan - 2008

354 6 0
                                    


Kapapanganak lamang ng hipag ko sa pinsan na si Ate Joan, asawa siya ng pinsan kong si Kuya Jepoy. May bahay at lupa ang mga magulang ni Kuya Jepoy sa Bulacan, 'di ko alam kung saan eksakto doon. Doon sa Bulacan nila napili patirahin ang pamilya, si Kuya Jepoy naman ay may negosyong buy and sell, bumibili sila ng mga nakatambak ng truck kadalasan sa Valenzuela at yung  mga piyesa ay ibinebenta nila sa mga pwesto na bumibili ng metal scrap sa kahabaan ng A. Bonifacio at C3 sa may Baesa banda. Maganda yung bahay nila sa Bulacan, wala mang ikalawang palapag ay may kalakihan naman ito at mayroong dalawang sala at dalawang palikuran, Kasama ako sa mga tumulong sa mag-asawa upang mag-ayos ng bahay noong kalilipat pa lamang nila, sobrang laki ng bahay para sa isang pamilyang may tatatlong miyembro pa lamang. At isa pa, dito nila napagdesisyunang tumira dahil na rin sa medyo malapit ang bahay na lilipatan sa mga pwestong pinagbebentahan nila sa Quezon City, ay pihadong madali lang siyang makakapagparoo't parito lulan ng kanyang luma ngunit nakakondisyong owner type na jeep.  May kataasan ang lugar na nilipitan nila, masigla tuwing umaga ngunit mapanglaw tuwing gabi ang parteng iyon ng Bulacan. Maganda ang lugar sa umaga kita mo ang mga puno, napakaraming puno at nakapalibot sa kanilang bahay. Isang malaking bahay na may dalawang sala at dalawang banyo. Tatlong miyembro ng pamilya
at bakuran na napupuno ng puno tuwing kakagat ang dilim, isang masukal na lugar na pihadong bibigyan ka ng kilabot at talaga namang iiwasan mong tignan pagsapit ng gabi.

Simulan na natin.

Tatlong buwang gulang pa lang ang sanggol na inaanak ko, si Joy-joy. Kinuha akong ninong ng mag-asawa. Maayos naman daw ang pamumuhay nila doon sa parteng iyon ng Bulacan na hindi ko tukoy kung saan nga ba eksakto, at dahil nga sanay sa Maynila ang mag-asawa ay hindi sila sanay sa maagang pagtulog, na nakagawian na ng mga taga probinsiya. Mahilig mag-ayos ng bahay si Ate Joan, ngunit mayroong parte ng bahay ang kahit anong gawin niyang ayos ay tila ba walang epekto, yung ikalawang sala nila na may sariling banyo at may kalakihang bintana na nasa kabilang dibisyon ng bahay ay lagi umanong napupundihan ng ilaw, sa banyo at maging sa salas, kaya ang siste ay doon na lang namamalagi ang pamilya sa kabilang parte ng dibisyon ng bahay, at hinayaan na lang nilang nakatiwangwang at madumi yung kabilang parte ng bahay. Kahoy na dingding lang ang pagitan nila doon at kurtina ang nagsisilbing harang ng bawat parte ng bahay. Maayos naman ang bahay, maaliwalas sa umaga, ngunit nakakaasiwa tingnan sa gabi, ito ang parte ng bahay na kanilang iniiwasan pagsapit ng dilim. Nauso pa man din noon ang kwento tungkol sa babaeng baliw na nasa edad singkwenta na ubod ng payat, may buhok aabot hanggang hita, mahahaba at maduduming kuko na madalas ay nakayapak na siyang gumagala sa lugar at madalas sumilip sa mga kabahayan tuwing nag-aagaw na ang liwanag at dilim. Madalas nilang nakikita ang babaeng baliw sa may palengke at nanghihingi ng makakain, usap-usapan din na bagong yanggaw lang daw ang babae at hindi nito kinaya kaya nabaliw, walang nakakaalam kung saan nagmula ang babae, bigla na lang daw itong sumulpot doon at nagsimulang mamalimos, ngunit ang haka-hakang ito'y aswang ay wala pang katibayan.

Minsang galing sa pagbebenta ng mga scrap na bakal si Kuya Jepoy sa Baesa ay ginabi ito ng uwi, dahil daw siya ay naipit sa trapik, pinaghain ni Ate Joan ng paborito niyang nilagang baboy na may patis at siling labuyo, na tiyak na nagpainit ng kanyang katawan at nagbigay ng gana sa kanya para maparami ng kain. Itinumba ang isang bandehadong kanin, ganyan si Kuya Jepoy 'pag ginanahang kumain. Nahihimbing na ang pamilya ng mapabalikwas sa pagkakatulog si Kuya Jepoy,
nagrerebolusyon ang sikmura nito, marahil dahil sa nilantakan nitong lahat ng baboy at sabaw noong nagdaang hapunan, hindi nagdalawang isip na dumiretso sa palikuran na kadalasan ay ginagamit, pagpasok sa palikuran ay tumambad ang inidoro na punong-puno ng manilaw-nilaw at may pagka-berdeng tambak ng dumi. Isang nakakapanghilakbot na tanawin, lalo na kung kailangan mong maglabas ng sama ng loob. Nakalimutan niya na apat na araw na palang barado ito at kailangan ng pahigop sa Malabanan, naalala niya yaong banyo sa kabilang parte ng bahay, sinubukan niyang tanawin yung banyo sa madilim na parte, sinubukang buksan ang switch ng ilaw, ngunit siya ay bigo. Bago marating ang banyong walang ilaw ay kailangan mong daanan ang salas na wala ring ilaw, at bago tuluyang makarating sa palikuran na walang ilaw ay hindi ka makakaiwas na mapatanaw sa bintanang kaya mong ilawit ang kalahating katawan mo na tanaw din ang masukal na gubat sa tapat nito. Isang matinding desisyong kailangan niyang gawin. Sa takot na tumawid sa madilim na parteng iyon ng kabahayan ay sinubukan niyang umupo sa inidoro na lagi nilang ginagamit, ngunit tantsiya niya ay sasabit ang tambak ng dumi sa inidoro sa kanyang puwitan, kung magkataon ay mas malaking problema ito. Wika sa sarili "Ayaw ko ng magdagdag ng tambak sa inidoro,  siguradong aapaw ito."

Kahit natatakot ay huminga ng malalim at tumakbo sa madilim na silid na iyon ng kwarto upang tumbukin ang banyong hindi din nagagamit, kurtina lang din ang harang nito, bago hawiin ang kurtina ay sinabi niya sa sarili na "bibilisan ko na lang" at saka nagdesisyong hawiin ang kurtina ng madilim at hindi na nagagamit na banyo. Pagkahawi niya ng kamay ay napalunok ng sariling laway at umurong ang kaninang dumi na nakabukana na at galit na galit ng bumulwak, halos panawan siya ng ulirat sa nasalat niya sa likod ng kurtina. May nasagi siya, animo'y ulo. May tao sa loob! Ang mga sumunod na kabanata ay nagpatiklop sa malaking katawan ng pinsan ko, umangil ang kung sinumang nasagi niya sa loob ng banyo, parang tunog asong nagbibigay babala sa'yo na kailangan mo nang tumakbo palayo.
Mabilis pa sa alas kwatrong tumakbo pabalik si Kuya Jepoy sa kwarto nilang mag-anak, kinalabog pasarado ang pinto, hinarangan ang pinto ng bangko at binitbit ang gulok na nakasabit sa may bintana. Pinatay ang ilaw sa kwarto at nakiramdam, bumangon si Ate Joan dahil sa ingay, ngunit agad naman siyang sinenyasan ng asawa na huwag gagawa ng kahit anumang ingay.
Mula sa kabilang parte ng bahay ay may naririnig silang naglalakad papalapit sa kinalalagyan nilang kwarto, unti-unti at maya-maya pa'y narinig nilang tumunog ang dekorasyon nilang palawit na mga malilit na kabibe na nakalagay malapit sa pinto, ibig sabihin lang na may dumaan sa pintuan at hinawi ito. Naiwan niyang bukas ang bombilyang kulay dilaw sa salas kaya't aninag nila ang anino kung may lalapit sa kanila, makikita itong rumerehistro sa siwang sa ilalim ng kanilang pintuan. Matagal na nandon ang anino, may ilang minuto din, mahigpit ang hawak ni Kuya Jepoy sa itak, kabado man ay inihanda ang sarili sa anumang pwedeng mangyari. Nagsimula ang nilalang na yun na iparinig ang kanyang paghingal sa kanila, tila paraan niya ito para panghinaan ng loob ang kung sinuman ang kanyang pupuntiryahin, isa itong paraan ng pagpapakita niya o pagsasabi na hindi siya tao, mas dominante. Ilang saglit pa ay namatay na ang ilaw sa buong kabahayan at may kumalabog sa pintuan ng kwarto ng mag-asawa, hindi na naawat ni Ate Joan ang kaba at takot, umagos na ang masaganang luha sa mga mata at nagsimula na siyang manghingi ng tulong, ubod lakas niyang isinigaw ito, iyong pihadong maririnig ng buong barangay. Dinig ng mag-asawa ang mabilis na pagkilos ng nilalang na iyon palayo, dinig na dinig pa nila na binalya nito ang kahoy na harang sa bintana sa kabilang silid, marahil upang tumakas at takot siyang makuyog. Dumating ang mga tanod at ilang kapitbahay upang sila'y damayan at habang nagkakagulo ang lahat, ang inaanak kong si Joy-joy ay mahimbing pa din na natutulog.

PS. Madami pang naikwento si Ate Joan tungkol sa babaeng baliw.
Marami pang grabeng ginawa ang babaeng baliw na yan, susubukan kong isalaysay sa susunod.
PPS. Duda ng mag-asawa kung kaya't laging napupindi ang ilaw sa kabilang silid at sa kabilang banyo ay dahil pinupundi nung babaeng baliw, baka hindi lamang nila namamalayan na nakakapasok ito at kumukuha ng tiyempo para makalapit sa inaanak ko.
PPPS. Maraming salamat! Hanggang sa susunod. Ako pong muli ang inyong lingkod.

- The Man from Manila

Scary Stories 4Where stories live. Discover now