Samar - 2007

235 7 0
                                    


Naikwento lang sakin ito ng kaibigan ko habang nag-iinuman kami. Simulan na natin.

Matagal ko ng kapitbahay 'tong si Gerald, magkakilala kami pero hindi kami malapit sa isa't isa. Laki din sa Bambang, Sta. Cruz Manila. Kaparehas ko lang ng edad, magkaiba kami ng trip sa buhay. Siya bulakbol at mahilig makipag-away, ako laging nasa loob ng bahay bihira lumabas pero magkakilala kami dahil sa iisang street lang ang nilakihan namin.

Hanggang sa Nawala siya ng matagal sa lugar namin, nabalitaan ko nalang na nag-live in na sila ng nobya niya sa Samar. Hanggang sa nung nakaraan ay nagkainuman kami at muli siyang napadalaw sa lugar namin, dahil sa isang okasyon at doon ay naikwento niya ang isa sa mga naging eksperyensiya niya sa probinsiya ng Samar.

Taong 2007, beinte dos anyos siya nung mabuntis niya ang nobya niyang waray, dahil high school lang ang natapos niya walang ibang mapasukan kundi pagde-deliver ng tangke ng LPG sa bahay-bahay.
Siyento sinkwenta kada araw, dose oras ang pasok niya, pwersahin man ang sarili sa pagbabanat ng buto ay nakapako pa din sa maliit na halaga ang kinikita. Hirap man sa dagok ng buhay at nahihirapan sumabay kahit hindi tapos ng pag-aaral ay lumalaban para sa nagsisimula niyang pamilya, mga pangarap na tila malayong abutin kung titignan lang niya ang kanyang sitwasyon.

Hanggang sa isang araw ay nagprisinta ang tatay ng kanyang ka-live in na sa Samar na nga lang manirahan, dahil may bakanteng bahay na nakatirik sa lupang sinasaka ng kanyang magiging biyenan at madali lamang siyang maipapasok nito ng trabaho sa piyer bilang kargador sa karatig bayan.
Napagtanto ni Gerald na mas magiging maluwag ang buhay nila sa probinsiya, isa pa wala silang babayarang renta sa bahay buwan-buwan. Malaki-laki ang matitipid niya kung sakali.

Hanggang sa nabuo ang desisyon na tanggapin ang alok ng magulang ng kanyang nobya na sa probinsiya na lang manirahan.

Agad nag-resign sa pinagtatrabahuhang tindahan ng Gasul si Gerald at naglakbay sa dagat kasama ang nobyang nagdadalantao papuntang Samar, papunta sa bagong buhay, papunta sa pangarap na buhay at patungo sa inaakala niyang magdudulot ng maalwan na buhay para sa pamilya na kanyang sisimulan.

Pagdating sa balwarte ng kanyang nobya ay mainit naman siyang tinanggap ng buong pamilya nito.
Sabi pa nga niya mababait ang mga waray dahil alam na alam ng buong angkan ng nobya niya na wala siyang magandang buhay na maipapangako sa kanya, ngunit tinanggap siya at trinato bilang isang kapamilya.
mabilis niyang nakapalagayan ng loob ang pamilya ng babae, doon sila pinatuloy sa maliit na bahay na nakabukod, may kaliitan ang bahay na tutuluyan nila semento na ang pader at yero naman na ang bubungan ngunit ang banyo ay wala sa loob ng bahay, ito ay nasa labas ng bahay at kelangan pang maglakad ng ilang metro bago makarating sa banyo. At ang banyo naman ay may maliit lamang na espasyo. Kasya lamang ang isang taong nakatayo at ang dingding ay ginamitan lamang ng sako paikot sa buong banyo para hindi makita ang nagbabanyo sa loob at yerong bubong. Madaling nagamay ni Gerald ang buhay sa probinsiya at nagsimula na din siya bilang kargador sa pinapasukang piyer sa kabilang bayan.
Kailangan niyang maglakad ng may kalayuan at sumakay ng jeep ng halos isang oras para makarating sa piyer na pinapasukan. Naging maayos din ang trabaho niya doon madaming naging kaibigan at yamang hindi siya taga roon ay todo siya kung makisama sa mga waray.
Madali niyang natanggap ang buhay probinsiya liban sa isang bagay...
Ang kwentong mga kababalaghan na usong-uso sa mga probinsiya.
Dahil laking Maynila medyo hirap paniwalaan ni Gerald ang mga ganoong bagay, mga pamahiin at matandang paniniwala na sa probinsiya niya lang unang narinig.

Merong isang araw na naantala ang pagdating ng isang barko upang maging dahilan para abutin sila ng gabi sa trabaho. Pasado alas siete na nung magpasya siyang uwi. Medyo atrasado na ng tatlong oras sa regular niyang uwi nang alas kwatro ng hapon, naghahanda na sa pag-uwi si Gerald ng sinabihan siya ng mga katrabaho na sumabay na sa kanila doon sa piyer na magpalipas ng gabi at delikado nga daw sa daan kung uuwi pa siya ng gabi. Sabi pa ng isa sa mga katrabaho niya na hindi na Maynila ito na kahit madaling araw ay madaming tao, sabay sinundan pa ng probinsiya ito pag gabi na dito iba na ang madami dito. Yamang hindi naniniwala sa ganoong usapin si Gerald ay hindi ito nagpaawat sa pag-uwi, sabik makita ang nobyang pitong buwan ng buntis.

Wala na ding jeep sa terminal pauwi sa kabilang bayan, napilitan siyang magpa-espesyal o palakad sa tricycle, dahil wala na siyang kasabay at kinontrata siya ng tricycle na ibaba lang siya sa bungad papasok malapit sa kanila dahil gumagabi na nga daw.
pagkababa ng tricycle ay naglakad pa siya ng ilang kilometro dahil ayaw ng pumasok ng mga tricycle banda sa kanila ng ganoong oras. Tantiya niya ay aabutin siya ng bente minutos bago makarating sa kanila. Habang tinatahak ang daan pauwi ay may napansin siya, bukod sa madilim na at puro puno pa ay walang aso sa daan. Naging dahilan upang siya ay magtaka. Hanggang sa may naramdaman siyang nakasunod sa kanya. pakiwari niya ay sa puno ito tumatawid, tila ba isang ibon. Hinayaan niya na lang ito at sa wakas ay nakauwi din siya ng matiwasay, alas otso pasado na siya nakarating sa kanila.

Agad siyang pinaghanda ng nobya niyang buntis ng hapunan. Tinolang Manok na nilagyan ng dahon ng Malunggay, native na manok ang gamit kaya naman talagang ginanahan daw siya ng kain nun. Kwento pa niya, naghahanda na ng higaan si Gerald para sana matutulog na ng makaramdam siya na parang kailangan niyang gumamit ng palikuran. Napadami ang paghigop niya ng sabaw kaya naman talagang napatakbo siya sa labas ng bahay upang magtungo sa banyo na may lima hanggang anim na metro ang layo mula sa mismong bahay nila.
Bago pumasok ng banyo ay iniharang pa niya ang apat na talampakang drum na punong-puno ng tubig sa labas ng pintuan ng banyo, Palatandaan na may taong nagbabanyo, wala kasing saraduhan sa loob mismo ng banyo, ang tanging palatandaan lang na may tao sa loob ay harangan ito ng drum sa labas ng pintuan nito. Minsan daw kasi ay bigla-bigla nalang pumapasok yung mga bayaw niya sa kanilang banyo para makigamit din.

May sampung minuto na siyang nakaupo sa inidoro pero hindi pa din tapos ang paglabas ng kanyang dumi mula sa kanyang pwetan, nang may marinig siyang lumapag sa lupa mula sa taas sa may likuran ng kanilang banyo, kung saan din siya ay nakatalikod. Pinakiramdaman niyang mabuti... Mga ilang sandali pa ay naramdaman niya na nagsisimula ng humakbang ang kung anuman ang nasa likod ng banyo. Sabi niya pa daw sa isip niya imposibleng may taong manggaling doon dahil masukal dun puro puno sa likuran ng kanilang banyo. Patuloy siyang nakiramdam at may narinig siya na naging dahilan para tumayo ang mga balahibo niya at manlaki ang ulo niya sa takot. Narinig niya sa bawat paghakbang ng kung anuman ang nasa likod niya ay may kasabay din na umaangil na para bang asong galit. Pero alam niya sa sarili niya na ang pag-angil ay hindi sa aso nanggagaling, parang mas malaki ang tunog niya kumpara sa aso, at bawat paghakbang nito sa tuyong dahon at damo ay malalaman mong papalapit ito kung saan man siya naroroon, papalapit ng papalapit.
Hanggang sa huminto ang mga hakbang sa mismong likuran ng banyo kung saan siya naroroon, kasabay din ng paghinto ng pag-angil ng kung anumang nasa likod niya.
Katahimikan. Nakabibinging katahimikan. Patuloy siyang nakiramdam dahil huminto ang pagkilos at pag-angil pero hindi pa din nawawala ang kilabot na patuloy na gumagapang sa kanyang katawan ang kilabot, dahil alam niya na ang pader na yari sa sako ang tanging nagsisilbing proteksyon mula sa kung anumang nilalang ang nasa likuran niya. Sobrang tagal na katahimikan, nagsimula siyang luminga-linga at makiramdam. Timingala siya at tumingin sa magkabilang gilid, ngunit wala siyang nakita, hanggang sa may narinig siyang medyo kakaiba, parang may kinakalikot na hindi mo mawari. Pinakinggan niyang maigi ang tunog, Hanggang sa mapagtanto niyang ang tunog na nariring niya ay.... mula sa tinatastas na sako.

Hinanap niya kung saan nanggagaling ang tunog, halos maubusan siya ng hininga ng makita niya ang isang babaeng may nanlilisik na mata at malagong buhok ang nakadungaw sa ilalim na pahagi ng banyo. Tinastas niya ang sako sa bandang baba sa may likuran ng inidoro para dun pumasok.
Sa itsura ng babae ay masasabi mong hindi siya tao, kundi isang Aswang. Napatayo si Gerald sa pagkakaupo sa inidoro dahil baka maabot yung paa niya at kahit hindi pa nakakapaghugas at nakakapagsuot ng salawal ay nagtangka siyang itulak ang pinto para agad makalabas, ngunit dahil nakaharang ang drum sa pinto na punong-puno ng tubig ay hindi niya maitulak ang pintuan. Sinubukan niyang sumigaw o tumili ngunit namamaos na siya sa kilabot na nararanasan. Ang babaeng nakadungaw ay muling umangil na parang aso at nagsimulang ilusot pati ang kanang kamay sa butas na nagawa niya mula sa tinastas na sako. Walang naisip na paraan si Gerald kundi dakutin ng kamay ang kanyang lusaw na dumi sa inidoro at isaboy sa mukha ng babae. Nagkalat ang lusaw na dumi sa dingding ng banyo at nagsimulang kumilos ng mabilis ang babae papalayo, Tumakbo siya palayo at naglaho kung saan siya nanggaling. May mga nakakatakot pang eksperyensiya si Gerald na ibinahagi niya samin nung nakaraang nakasama ko siya sa inuman. Ngunit ito ang tumatak sakin.

P.S. Nabasa ko ang mga komento nyo, hindi ko pinipilt maniwala ang sinuman sa mga binabahagi ko. wala akong pakialam. Ang sakin lang ay ikwento rin ito sa inyo kasi kung muli kong tatanungin ang mga taong nakaranas nito sasagutin lang nila ako ng parang kailan lang nangyari sakin yan, tila ba sariwa pa din sa kanila yung mga nangyari habang kinukwento nila. Maraming Salamat po.

-The Man from Manila

Scary Stories 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon