Katayan

385 7 0
                                    


Hello Spookify salamat sa pagpo-post ng mga kwento ko dito. Natatawa lang ako kasi nung last time na nagkwento ako dito nung tungkol sa buhay ko kung paano ako niligtas ng Diyos sa pagkasira ng ulo ay mas concerned pa yung ibang nagbabasa sa pera nung namatay na kaibigan ng mentor ko. Para sabihin ko sa inyo, opo nakuha po ang pera doon sa story ko na "Holy Spirit." Napaghahalataan talaga mga mukhang pera. Sabi nga sa kasabihan, "ang isda ay nahuhuli sa bibig." Sana naintindihan ninyo na bawat kwento ay may lesson tayo na makukuha huwag po sanang napaghahalataan.

Anyways, simula nung nakakilala ako sa Diyos hindi naman ako agad biglang nabago. Makasalanan pa rin naman pero unti-unti kong nakikita ang mga kasalanan ko sa Panginoon at ang mga masasamang bagay na nagawa ko mismo sa sarili ko. Nawala ang mga espiritu na bumubulong sa aking tainga pero hindi naman agad lahat ng kakayahan ko na kakaiba ay nawala agad. Kaya ko pa ring magbasa ng pag-iisip at panaka-naka ay pumipitik pa rin naman ang ESP ko noon. Iyon nga lang na-busy ako sa church at dahil at the same time graduate na ako ng college ay naghanap ako ng trabaho.

Yung mga barkada ko nung high school na sila Noel at Sherman ay natanggap sa isang factory sa Marilao. Kaya noong inaya nila akong mag-apply ay sinubukan ko din mag--apply sa kanila. Nauna lang sila sa akin ng ilang buwan. Ang trabaho doon ay manukan at katayan ng manok at pakyawan ang sahod at kadalasan ay sa gabi gumagawa. Nung nag-apply nga ako natanggap naman ako at dali-daling pinagbili ng mga gamit sa trabaho gaya ng bota at iba pa. Ung uniform naman ay provided ng company. Ung company na ito ay nabalita sa tv na ipinasara na dahil sobrang dumi na ng ilog dito at umaalingasaw sa dumi ng hayop ang lugar kapag nadaanan ng sasakyan kapag bumiyahe ka pa-Marilao. Ayun na nga e di nag-seminar na and all hanggang sa nag-start na kami sa work. Supposedly, mataas sana ang posisyon ko dahil bukod sa graduate ako ng college ay panay ang papansin sakin ng boss ng HR na bakla (hindi ito talkshit kasi real talk lang) kaso nung nakita ko mga kasabayan ko sa seminar ay sumabay ako sa kanila pagpasok which is iba pala ang work nila sa work ko kaya na-assign ako sa work na hindi dapat sana sa akin. Kinukulit nga ako ng team leader ng isang department na magpalipat ulit kaso tinatamad ako at isa pa nagustuhan ko na din naman ang ginagawa kahit na mainit at tagaktak ang pawis namin sa loob. Nag-eenjoy na din kasi ako kahit na papaano.

Maliit na impiyerno -- yan ang tingin ko sa kompanyang ito. Bukod pa sa mainit sa loob madami din kasing illegal ang nangyayari sa kabuuan ng kompanya. Halimbawa, may mga underage at under graduate ng elementary na nakakapasok dahil dinadaya sa recto ang mga papel. May mga nakakapagyosi at droga sa loob ng public CR pero hindi naman masyadong naaaksyunan. Kabilaan ang kabit, sexual activities at pagpapatulan ng mga homosexual at heterosexual sa loob mismo. Delayed at dayaan sa sweldo. Perfect package na parang nasa impyerno. Ngunit isa sa pinaka-compelling sakin ay laganap din ang mga nakakatakot na kwento sa loob. Kagaya na lang ng kwento sakin ng barkada ko na si Noel na nagkakawalaan daw ng gamit sa mga locker na sobrang selyado naman. May mga nagkukuwento din daw sa kanya na lagi daw nagkakaroon ng putik sa loob ng mga locker ng iba kahit saradong-sarado naman. At may naliligaw din daw na bata sa loob. Hindi naman na sakin issue yun nung una pero madalas na akong nakakarinig ng katatakutan sa loob. Sila Noel at Sherman sa ibang department sila napunta. Doon sila sa cooling section na sobrang lamig kaya balot na balot sila. Ako naman napunta sa mainit at puyatan. Sa tanggalan ng lamang-loob. Pero kahit sa department namin may kababalaghan din naman.

"Narinig mo na ba yung kwento ni Team Leader? Ung nangyari nung last last week? May babae daw na biglang sumingit sa pagtatanggal ng taba ng balun-balunan. Tapos pinasingit daw nung dalawang babae na gumagawa. Nung pinasingit nila okay naman daw. Iniisip nila na baka bago lang yung babae sa trabaho. Kaso bigla daw nawala yung babae dun sa tapat ng makina tapos yung nakakatakot pa dun yung makina daw gumagalaw pa rin kahit wala ng tao!" tsismisan ng dalawang nanay sa isang sulok na aksidente ko lang narinig.

Sa trabaho namin hindi uso ang debit card. Ang sahod namin kinukuha sa HR tapos pipila muna sa pagkahaba-habang pila bago makuha ang sahod. Yung mga gusto bumale kailangan ding pumila. Ganito talaga ang trabaho kapag pakyawan. Nakaupo kami noon sa silungan dahil sobrang taas ng sikat ng araw nung hapon na yun tapos inabutan na kami ng padilim. Hindi ko din alam bakit puro katatakutan ang usapan doon pero ako tahimik lang. Walang nakakaalam na nakakakita ako at nakakaranas ng mga hindi din maunawaan. Ako nakikinig lang sa kwentuhan nila.

"Madami talaga dito kasi sobrang tagal na ng kompanyang ito." sabi nung isang babae sa HR.

"Hindi nga ba nung hindi pa Team Leader si Flor, nung simpleng manggagawa pa lang sya sa EVIS Dept. eh madalas yan makakita ng mga di nakikita ng normal na tao?" sabi ng HR na gay sa company. Ayon din sa kanya ay madalas daw makakita doon si Ms. Flor ng mga multo. Nakita na nga din daw nya yung multo ng babae na na-grind sa loob ng makina na pinaglalagyan ng mga yelo. As in nabugbog ng mga patalim ng makina ang katawan. Kaya ayon yung katawan nung babae, lasog-lasog. Nagpapakita daw ung multo ng babae sa cooling department pero hindi ito napapansin ng mga normal lang na tao. Dahil sa mga ganitong kwento kaya lalo akong naengganyong subukan kung totoo ba ang mga nagpapakita at nagpaparamdam sa lugar. Mas madalas akong naglalakad sa mga madidilim na parte ng pabrika na yun para subukan ang sarili ko.

Isang gabi noong oras ng lunch (madilim kasi gabi yung trabaho namin doon) ay sinubukan kong takutin ang sarili ko. Umakyat ako sa building na napi-feel kong nakakatakot. Sa baba lang kasi nun yung canteen kaya tinuloy ko na iyon. Pag-akyat ko pa lang ng hagdan nakaramdam na ako ng pagtayo ng mga balahibo. Para kasing may nakatingin sa akin tapos sinusundan ako hanggang pag-akyat ko sa taas. Medyo kinakabahan lang ako kasi baka mahuli ako pero sige lang tuloy lang. Diretso ako sa CR ng building para ikulong ko ang sarili ko doon. Mag-isa lang ako tapos pinatay ko ung ilaw pero ung pinto medyo nakabukas ng konti para may ilaw na konti makapasok sa loob. Malaki yung salamin, nakaharap ako doon para tingnan kung may makikita akong kasama ko. Ang salamin daw kasi ay portal sa kabilang dimensyon dahil gawa ito sa tubig at alam nating ang tubig ay universal conduit kahit sa mundo ng mga espiritu. Mas tumayo mga balahibo ko pero mas nangibabaw ang takot ko na baka mahuli ako ng staff. Kaya ayon lumabas din ako pero feel ko pa rin ung itim na entity na sumusunod sakin. Dali-dali akong bumaba at bumalik na sa trabaho.

Hindi naman natapos doon ang lahat kasi talagang lagi kong sinasanay ang sarili ko sa mga nakakatakot na parte ng pabrika. Kaya noong minsang nagkaroon ng pagkakataon na ako ang mailagay sa magtatapon ng mga taba, kinuha ko ang malalaking crates na may lamang taba at kinuha ang cart para lumabas at pumunta sa likod ng gusali. Tulak-tulak ang cart, napahinto ako kasi mukhang di ko maidaan ang cart sa masikip na kalsada kaya tinabi ko muna ang cart at binitbit ang mga crates pa-isa-isa. Habang ako ay naglalakad buhat ang unang crates na kinuha ko, nakita kong may isang lalaki doon sa likod na pinagsasalansan ang mga crates. Ako naman kumakanta bago ko makita yung lalaki kaya nung nakita ko sya tumahimik ako. Kaso noong dire-diretso na ako palapit doon sa lalaki dahil walang ibang way papunta sa tapunan ng taba, unti-unti syang nawala na lumalabo hanggang sa di ko na sya napansin! Wala namang ibang mapupuntahan kundi doon lang sa madadaanan ko. Kaya naman doon ko na-realized na hindi tao yung nakita ko. Binilisan ko na lang ang pagtatapon ng mga taba at saka bumalik na ako sa loob.

Marami pang kakaibang kwento sa kompanyang ito na kuwento ng mga nagtrabaho dito yun nga lang naka-anim na buwan lang ako doon sa work na yun. Di ko kinaya ang toxic ng trabaho para talaga akong nagtrabaho sa impyerno. Nag-focus na lang ako sa ministry sa loob ng 2 taon bago ako napunta sa probinsya para magmisyon which is ikukuwento ko naman sa inyo sa susunod. Maraming salamat sa pagbabasa ng aking kuwento at salamat ulit Admin Chai and the rest of the admin.

**Blackhat
#ParanormalPhilippines
>>Marikina

Scary Stories 4Where stories live. Discover now