Home Service

452 14 0
                                    


Hindi ako mahilig magbasa o makinig ng mga kwentong nakakatakot. Pero dahil nabalitaan kong ngshare dito yung friend ko ng nakakatakot na experience, magse-share na rin ako ng akin.

Isa akong "Massage Therapist." Anim na taon na ako sa larangan ng trabahong pinasok ko. Sa loob ng mahabang panahon na 'yon ay mayroon rin akong nakakatakot na karanasan na hindi ko malilimutan. Taong 2013 ng magsimula akong magtrabaho bilang "Massage Therapist" sa isang Spa sa Marikina City. Medyo hindi kalakihan yung shop namin non, pero malakas at laging fully booked ang schedule namin sa mga kliyente dahil mayroon din kaming "Home Service." Noong una, gustong-gusto ko lagi napupunta sa home service kesa mag-stay sa shop. Meron kasi akong isang katrabaho na nagkwento sa akin na nakakatakot daw mag-massage sa shop lalo kapag gabi kasi meron daw don nagmumulto na isang babae. Sobrang matatakutin pa naman ako kaya minabuti kong mag-request sa Boss ko noon na kung pwede sana ilagay niya ako sa home service nalang. Pumayag naman siya kaya simula noon ay lagi na akong sa home service na-a-assign. Hanggang sa isang gabi noon, binigyan ako ng schedule ng Boss ko para mag-home service sa "Provident Village." Saktong alas-onse ng gabi yung schedule ko doon at dalawang oras na massage yung gagawin ko doon kayang ala-una na ng hatinggabi ako matatapos non. Medyo excited pa ako noong time na yo'n kasi bago sa pandinig ko yung Village na yo'n. Madalas kasi na sineserbisan kong lugar ay sa mga Rancho State, SSS Vill, at Concepcion lang. At dahil baguhan lang ako doon, hindi ko alam yung istoryang meron sa Village na 'yon.

Labing limang minuto bago mag-alas onse, naisipan na naming bumiyahe kasama yung rider namin para ihatid ako sa Village na iyon. Pagpasok namin sa village, medyo okay pa dahil maliwanag pa ang daan at may mga tindahan pang bukas noon. Bandang kalagitnaan habang nasa daan kami nakaramdam ako ng kakaibang pakiramdam na para bang napakalungkot dahil sobrang tahimik at kakaibang lamig ng hangin. Pasado alas-onse na ng makarating ako sa bahay ng kliyente ko. Pagbaba ko palang ng motor parang gusto kong sumakay ulit at bumalik na lang sa shop. Yung bahay kasi ng kliyente ko napakalaki, tapos patay ang ilaw sa mga kwarto sa taas. Tanging sa baba ng bahay lang ang may bukas na ilaw na naka-dimlight pa. Nag-doorbell na ako. Agad namang may lumabas na matandang babae. Pagbukas ng gate binati ko kaagad siya at ngumiti naman siya sa akin. Pumasok na kami sa loob ng bahay. Malaki yung sala, maayos naman at malinis. Napansin kong may nakalatag na kutson sa sahig kaya naisip ko na baka doon ako magmamasahe. Si Ma'am Flor, yung matandang babae. Siya pala yung magiging kliyente ko. Magsisimula na sana akong magmasahe ng mapansin ko na  wala palang fan o aircon na nakabukas. "Panigurado pagpapawisan ako nito ng sobra dahil dalawang oras yung session namin" sa isip ko. Habang nagsisimula na ako n'on sa pagmamasahe napatingin ako sa bintana, nakabukas pala kaya kahit papaano may hangin pa rin na papasok. Magkakalahating oras na akong nagmamasahe no'n at nagsisimula na rin akong antukin dahil sobrang soft pressure lang yung ni-request ni Ma'am Flor. Napakatahimik pa ng kapaligiran na sobrang lungkot sa pakiramdam. Maya-maya pa'y nag-uumpisa ng magsitayuan mga balahibo ko, bigla akong napatingin sa bintana. Pilit kong inaaninag yung nasa labas. Parang may tao sa labas! Yumuko ako at binaling ulit yung tingin sa minamasahe ko. Hanggang sa nagulat ako nang biglang may tumakbong batang babae sa harap ko. Bigla akong napasigaw sa gulat. Pumikit ako habang ginigising si Ma'am. Halos umiyak na ako non sa takot at nanginginig. Agad namang napabalikwas si Ma'am at tinanong ako kung anong nangyari. "Ma'am may batang tumakbo galing sa bintana!" Sabi ko. "'Ne, mag-isa lang ako dito, walang bata dito" Lalong nagtayuan yung mga balahibo ko sa narinig ko non. Doon ako nagsimulang umiyak sa takot. Napayakap ako sa kanta. At sinabi kong hindi ko na matatapos yung masahe. Pumayag naman siya at pinayagan akong magpasundo na sa rider namin. Tinawagan ko si Boss, "Pasundo na po please diko na po kaya dito" batid niyang umiiyak ako kaya dali-dali niya akong pinasundo. Habang nag-aantay sa rider namin, inabot sakin ni Ma'am Flor yung bayad. Hindi na siya nag-usisa pa sa kung ano bang nangyari pero ramdam niya yung sobrang takot ko.

Pagkasundo sakin at nang makarating sa shop. Pinagpaliwanag ako ng Boss ko kung anong nangyari sa akin. Kinuwento ko yung lahat sa kanya. At doon inamin niya sakin yung istorya tungkol sa Village na 'yon. Noong panahon ng bagyong Ondoy, napakaraming tao pala ang namatay don dahil sa matinding baha. Kaya hindi na daw nakapagtataka kung bakit maraming pakalat-kalat na espiritu o multo ang nandoon na hanggang ngayon ay humihingi ng katarungan sa nangyaring trahedya.

- EYSS

Scary Stories 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon