Kaibigan

309 11 0
                                    

 
Alas dos ng madaling-araw. Nakakatatlong sindi na ako ng sigarilyo, nakaupo sa isang bangko. Katabi ko ang katol na sinindihan ko kanina upang di ako papakin ng lamok. Umunat ako ng pagkakaupo at uminom ng tubig sa mineral bottle. Nagbabantay ako ngayon sa isang saradong tindahan ng mga bag at sapatos dito sa Pasay. Oo, tama kayo ng nabasa nagbabantay ako. Isa akong guwardya. Kinuha ko ang aking cellphone at binuksan ito. Naisipan kong mag-login sa facebook at nahagip ng mata ko ang isang post tungkol sa inyong page. Tungkol sa katatakutan ang laman nito. Nasiyahan ako at binasa ito. Kaya naisipan kong ibahagi din ang aking na-experience. Although hindi siya nakakatakot talaga.

Ako nga pala si Bryan, 20 taong gulang nakatira ngayon sa aking tita dito sa Pasay. Panggabi ang aking duty. May kinalaman ang aking trabahong pinasok at kung bakit panggabi ako sa aking ibabahagi.  Nangyari ito taong 2015, bakasyon noon at kakatapos ko lang gumraduate ng high school. Di na ako naghangad na pumasok pa sa college dahil sa kahirapan ng aning pamilya, madami kasi kaming magkakapatid. Sinama ako ng aking tiyahin sa Pasay upang makasama ako sa bahay niya (dahil wala na siyang kinakasama at hindi nabiyayaan ng anak) at kasa-kasama rin niya akong magtinda ng mga panindang gulay sa Libertad. Nagtataka siya ganun din ako kung bakit ni hindi ako madalaw-dalaw ng antok tuwing gabi. Gising na gising ako. Walang makikita sa mga mata ko na anumang sinyales na inaantok ako. Marahil ay namamahay lang daw ako kaya di ako makatulog kapag gabi. Lumipas ang 2 linggo ganun pa din ako. Tuwing umaga na ako nakakatulog kapag hudyat na papasikat na ang araw. Labis na kinabahala ng aking tiyahin ito. Sa tanghali kapag nagbabantay ng tindahan ay pinapagalitan niya ako dahil nakakatulog ako. Kaya napagpasiyahan niya na ako na lang ang sumama sa driver niyang mag-angkat ng mga gulay sa Balintawak upang mamili sa madaling araw at ito naman ang kanyang ititinda kinaumagahan. Nagpatuloy ito hanggang mag-17 na ako. Nakahanap kasi siya ng tagabantay ng tindahan niya kaya ako naman ay pumasok bilang dishwasher sa isang restaurant na isang sakay lang sa Taft. 24 oras bukas iyon. 10pm hanggang 6am ang pasok ko. Naging extra din akong waiter don. Natuwa ang aking amo sa akin na nakakatagal ako sa ganoong oras. Kaya naisipan niyang ipadala ako sa main branch nila sa Valenzuela upang maging isang ganap na waiter ako doon. Palagian din ang mga okasyon doon na inaabot ng gabi o kaya ng madaling araw. May Catering din sila. Tumagal ako doon ng 2 taon at hihigit pa sana kung di ako siniraan ng head ng waiter na ibintang sa akin ang mga nawawalang tip at maling pagse-serve kaya umalis na lang ako.  Umuwi ako sa amin sa Bulacan. Kahit na sa bahay pa din ako hindi pa rin ako madalaw-dalaw ng antok tuwing sasapit ang gabi at matutulog naman ako kapag kinaumagahan na. Isang araw naghanap ako ng mamapasukan sa Novaliches Bayan. Nagtanong-tanong ako doon kung anong trabaho ang pwede kong pasukin na panggabi. Napadaan ako sa simbahan doon at nakita ko ang ale na nasa edad marahil ay 70 taong gulang na, halata sa puti ng buhok nito. Nakaupo ito sa labas ng pintuan ng simbahan at nakatingin ito sa akin na baka kinikilala niya ako. Hindi ko ito pinansin kaya napagpasiyahan ko na ang umuwi na lang. Kinabukasan naghanap ulit ako ng mapapasukan sa Bayan. At nakita ko ulit ang ale sa pintuan ng simbahan na nakatingin ulit ito sa akin. Nasa kabilang kalsada ako noon kaya alam na alam ko na ako ang tinitingnan niya. Bumalik ako ulit doon kinabukasan dahil natanggap ako bilang crew sa isang kainan na 24 oras na bukas. (di ko na papangalanan) At ganun pa din kapag naglalakad ako papuntang sakay ng jeep ay nakikita ko pa rin ang ale na nakatingin sa akin. 3 araw na simula ng pumasok ako tuwing gabi at uuwi kinaumagahan ay palagi pa ring nakatingin ang ale sa akin.  Alas-9 pasado na ng gabi noon, naglalakad ako papunta sa trabaho ko upang pumasok ng maisipan kong bumili ng sigarilyo. Tumawid ako sa kabilang kalsada upang bumili ng balot malapit sa simbahan. Biglang hinawakan ng ale yung braso ko. Na aking kinagulat kaya nabitawan ko aking kinakain. Napatingin ako sa kanya. Lumingon siya sa aking likuran sa kanan maging sa kaliwa. Lumingon din ako upang makita kung ano ang kanyang tinitingnan. Hinila niya ako malapit sa pintuan ng simbahan. "Hindi mo ba alam?" "A-eh ang alin po?" na nagtataka kong tanong sa kanya. "Wala ka talagang alam?" lumingon siya sa dating kinatayuan ko kanina na parang may tinitingnan. "Di ko po kayo maunawaan" tugon ko sa kanya.  "Gusto mong malaman kung bakit hindi ka makatulog sa gabi?" Na aking kinagulat kung papaano niya nalaman ito. "Magpatawas ka bukas upang malaman mo ang matagal mo ng problema sa pagtulog." Hindi ko siya maunawaan kaya ipinagwalang bahala ko na lang iyon at tumuloy na lang sa aking papasukan. Nagdaan ang tatlong linggo nakikita ko pa rin ang ale sa simbahan na nagtatanong ang mukha niya kung marahil kung sinunod ko ang sinabi niya sa akin.  Linggo noon. Nag-iigib ako ng tubig sa balon malapit sa bahay ng albularyo ng makita kong maraming tao doon. Tinanong ko ang isang tao sa labas na ang sabi ay may sinasaniban daw. Umuwi na lang ako ng bahay sa halip na makialam din doon. Hapon, dala-dala ko ang balde papunta sa balon ng tawagin ako ng albularyo na si Mang Nitoy. "Halika saglit..." ang sabi niya sa akin at pumasok kami sa loob ng kanyang bahay. Puro imahe ng mga santo at ilang mga garapon na di malaman kung ano ang laman nito. May mga dahon-dahon din sa kahit saan ka tumingin sa paligid. Pinaupo niya ako at pinaharap sa lamesa. Kinuha niya ang kandila at dinasalan ng pabulong. Pinahid niya ito sa aking bumbunan, sa kili-kili, sa tagiliran at maging sa paa. Hindi ko alam ang kanya ginagawa sa akin kaya pinanood ko na lang siya. Hinati niya ang kandila sa apat at sinindihan ang isa dito. Pinaharap niya ako sa palanggana na may tubig. Tinunaw niya ang isang kandila sa kutsara at sinaboy sa tubig. Ganun din ang dalawa pang natitirang kandila.  Hinango niya ang nabuong kandila sa tubig at tinapat sa apoy. "Anong nararamdaman mo o gusto mong malaman?" ang tanong niya sa akin  "Po? Di ko po maunawaan." naisip ko bigla ang sinabi ng ale sa akin na gusto ko daw malaman kung bakit hindi ako makatulog sa gabi kaya sinabi ko iyon sa kanya. "Kinakaibigan ka."  "Po ?" ano po ulit iyon?" "May gustong makipagkaibigan sayo." nakatingin lang siya sa akin. "Sino po ?" "Isang kaluluwa." "Nakaitim siya at nakaakbay sayo kahit saan ka pumunta."  Kinilabutan ako sa sinabi niya ngunit nagtapang-tapangan ako.  "Ano po ang gusto niya sa akin?" Lumingon ako sa likod ngunit wala akong nakita. "Wala. Marahil ay gusto niya lang makipagkaibigan sayo. Kung titingnan ay ayaw niyang mapalayo siya at maging ikaw sa kanya." "Ano po ang aking gagawin?"  May kinuha siyang kulay pulang tela na hugis parihaba (hindi ko alam kung ano ang laman dito), maliit lamang ito. At binigay sa akin. Itabi ko daw ito sa aking bulsa kahit saan man ako magpunta. Nagpaalam na ako at nagpasalamat sa kanya. Umuwi ako ng bahay pagkatapos kong mag-igib ng tubig. Nilagay ko sa aking bulsa ang kanyang binigay. Alam ko lamang nakaupo lang ako sa bangko nagpapatay ng oras kakatapos ko lang maghapunan at mamaya saglit ay papasok na ako. Na di ko namalayan na nakatulog ako. Umaga na ako nagising. Na parang ang-sigla ng gising ko. Nagtaka ang aking magulang kung bakit di ako pumasok kagabi na ang sinabi ko ay napasarap ako ng tulog na di ko namalayan ang oras. Kinagabihan, pumasok na ako sa aking pinapasukan wala na yung ale sa pintuan ng simbahan ng mapadaan ako kanina. Ala-una ng madaling araw ng makadama ako ng pagbigat ng mata. Nagpatuloy ito hanggang alas dos ng madaling araw na babagsak na ang aking mata sa sobrang kaantukan. Ilang beses na ako napapagalitan ng aming amo sa mga oras na dapat ay nagse-serve ako sa labas at eto ako nakakaidlip sa bangko. Nagpatuloy ito ng ilang gabi. Nasa bulsa ko palagi ang binigay sa akin ni Mang Nitoy katulad ng kanyang sinabi. 3 pasado ng madaling araw, walang gaanong tao sa kainan ng magkayayaan kami ng mga kasama ko na magyosi muna sa labas. Nauna na silang makatawid sa kabilang kalye. Papalakad na ako ng biglang busina ng malakas ang isang mabilis na kulay pulang sasakyan sa aking mismong harapan. Nang biglang may humila sa akin at tumilapon pabalik sa kabilang daan.  Akala ko mamamatay na ako. Pinagalitan ako ng driver kung bakit di daw ako tumitingin sa daan. Pinuntahan naman ako ng mga kasama ko bilang pag-alala nila sa akin kung maayos ba ako. Muntik na din ako mabuhusan minsan ng isang napakalaking kalderong punong-puno ng sabaw (bagong kulo ito) na akala ko ay matatapon sa aking katawan ngunit yung kaldero umiwas sa akin matapon. Napagpasiyahan ko na din kasi noon na iwan yung binigay na agimat yata o pangontra ba yun sa bahay. Madami pa ang engkwentro, na nandiyan na pagtripan ako ng mga adik na nakatutok sa akin ang mga kutsilyo nila ng pumalag ako upang di makuha ang bagong sahod ko nun. Nang biglang nagtahulan ang mga aso sa eskinita sa amin at nakawala ang isang malaking aso sa gate upang sakmalin ang mga nantitrip sa akin. Umalis na ako sa kainan sa Nova at naisipan na muling bumalik sa Pasay kay tita upang may makasama siya. Iniwan ko na din ang agimat na binigay sa akin ng albularyo. nilagay ko iyon sa isang altar bago ako umalis sa bahay.  Sa UV Express ako sumakay nun. tinatahak ang daan papuntang Buendia kinagabihan. Nang di ako mapalagay sa aking kinauupuan. Kinabahan ako nung oras na iyon. At sumasakit na din ang aking pantog na ihing-ihi na ako. Bumaba ako sa sinasakyan ko kahit nasa Guadalupe palang ako. Nag-aantay ako ng masasakyan ng mapansin ko ang ambulansya. Nagtakbuhan ang mga tao papunta doon. Naglakad ako papalapit doon upang alamin kung ano iyon. Na aking ikinagulat. Sumalpok sa isang kotse ang sinasakyan kong UV Express kanina. Agaw buhay ang mga taong nakasakay doon, duguan at halos di na makilala pa. Laking pasasalamat ko ulit na mabuti ay nakababa at naisip ko bigla ang sinabi ni Mang Nitoy sa akin na kaluluwang kasama ko saan man ako magpunta kaya marahil siya ang nagliligtas sa akin.  Sa ngayon, Mag-aanim na buwan na akong Guwardiya at nagpapasalamat na wala namang nangyayaring masama sa akin. Salamat sa aking kaibigan na kahit di ko nakikita ay alam kong kasama ko siya ngayon sa pagbabantay. Maraming salamat sa mga nagbasa at pasensya na sa mga grammar na mali at mga punctuation na wala sa ayos. Hehehe. 

Bryan
Malibay, Pasay

Scary Stories 4Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon