[52] The Menace That Lurks Beneath

3.3K 153 5
                                    

EPISODE 52
The Menace That Lurks Beneath

Ramdam ni Verdandi ang malakas na kalabog ng puso niya. Parang lumalabas na ito sa kanyang dibdib. Nagkahalo-halo na ang emosyon na naghahari sa kanya--takot, pagkabigla at pangamba--na para bang nagkakarerahan ang mga ito sa pagsakop ng kaloob-looban niya.

Muling niyugyog ni Verdandi ang balikat ni Azrielle ngunit halos di na ito tumitinag.

"Azrielle, gumising ka, please!" patili niyang sabi dito. Nag-uunahan na din ang mga luha niya sa pagtulo. "Azrielle, 'wag kang mamatay. Azrielle, 'wag, please!"

Rinig niya ang naghihingalong paghinga nito. Inihiga niya ito ng bahagya sa bleacher at inilapit ang tenga niya sa dibdib nito. Nabahiran naman ng dugo ang mukha niya ngunit masaya siya nang marinig na tumitibok pa rin ang puso nito.

Nagpalinga-linga naman si Verdandi para hanapin kung sino ang umatake sa kaibigan niya. Habang ginagawa naman niya iyon ay isang patalim ang dumaplis at sumugat sa pisngi niya.

Napalingon siya sa pinanggalingan nito.

"S-sino 'yan?" takot na sabi niya. Mula sa malayong parte ng mga bleachers ay isang nilalang ang naglalakad. Isang nilalang na mukhang tao, ngunit sa sobrang putla ng balat nito--kasingputla ng chalk--ay hindi na niya mawari kung saan ito nagmula. Halos wala na itong buhok at kung maglakad ito ay para itong kinokontrol lamang ng kung ano. Para itong isang zombie. Ngunit may kung ano sa itsura nito pamilyar kay Verdandi.

H-hindi kaya, ang taong iyan ay si--

Napalunok siya nang makitang naglalakad na ito papalapit sa kanya. Kinapa naman ni Verdandi ang dalawang alaga at madali itong kinuha saka nilagay sa kanyang bag. Naghanap naman siya ng kahit anong pwedeng ipanlaban dito. Kinapa naman niya ang damit at cloak ni Azrielle kung sakaling may nakatago itong sandata roon. Ngunit wala talaga.

Kinuha na lamang niya ang isang piraso ng patpat na nasa malapit.

"'Wag kang lalapit," babala niya dito at iniumang ang patpat dito. Ngunit di ito tumigil sa paglalakad papunta sa kinaroroonan niya. "Sabi ng 'wag kang lalapit!"

Patuloy pa rin ang paglalakad nito at napapasulyap naman si Verdandi kay Azrielle na nakasandal pa rin ito sa isang pader roon. Habol nito ang hininga. Dasal ni Verdandi na sana hindi ito mawalan ng malay doon. Dahil sa oras na himatayin ito, ay maaaring hindi na ito magising pang muli.

"Azrielle, 'wag kang bibitaw," sigaw niya sa kaibigan. Patingin-tingin naman siya sa papalapit na zombie--o kung ano mang tawag sa kahindik-hindik na nilalang na papalapit sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya habang tinititigan ito. Nanginginig siya na halos mabitawan na ang hawak-hawak niyang patpat. Habang ang dalawa naman nilang alaga ay nag-iingay sa pinaglagyan niyang bag.

"Fff--sssaaa--"

Napasinghap naman si Verdandi nang maramdaman ang isang malamig na kamay na biglang humawak sa paanan niya. Agad na napayuko si Verdandi para tignan kung sino ito, at isa sa mga zombie ang ngayo'y humahawak sa kanya. Gumagapang ito mula paakyat mula sa baba ng bleachers. Itinaas nito ang isang kamay sa kanya at ibinuka nito ang bibig na kasing-itim ng gabi. Mula sa bibig nitong puno ng nabubulok na ngipin ay umaagos ang isang masagana at maitim na likido.

Sumigaw siya at pinagsisipa ang halimaw. Mahigpit ang kapit nito sa kanyang paa kaya nahirapan siyang makatakas mula rito. Gamit ang patpat ay naisipan niyang pagtutusukin  ang kamay at pulsuhan nito. Hanggang sa naputol ang kamay nito at tumilapon sa ibabang bahagi ng bleachers.

Nasindak naman siya nang makitang gumagalaw pa ang putol na kamay at nangingisay sa kinalalagyan nito. Umungol naman ang zombie at muli nitong itinuon ang isa pa nitong kamay para kalmutin siya. Gamit ang buong lakas ay sinipa naman niya ang mukha nito at tumilapon ito pababa sa bleachers.

Atlantis Academy of Gods and Goddesses (UNDER HEAVY CONSTRUCTION)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon